#27 letter para kay pagsubok

22 3 0
                                    


Hindi ko na siguro sisimulan ang liham na ito
Sa isang malambing at matamis na pangungumusta sa iyo
Alam ko naman kasi kung kumusta ka na
At alam na alam mo na rin kung ano na ang kalagayan ko
Pano ba naman, lagi tayong magkasama
Lagi kang nakadikit sa akin, talo pa natin ang mag-asawa
Inlab na inlab ka rin sa relasyon nating dalawa no?

Alam mo bang kilalang-kilala na kita?
At alam na alam ko na higit kailanman, ngayon ka pinaka-inspired
Pinaka-inspired na tisurin ako
Dahil alam mong pagod na pagod na ang aking mga paa
Pagod na pagod sa kakatawid sa iyo.

Pagsubok, sa isang relasyon, minsan, okay lang ang biruan
Yung susundot ka lang nang kaunti
Yung tipong paglipas ng panahon mayroon kayong pagtatawanan
Pero, naman, bakit madalas napakasama mong magbiro?
Yung tipong lumalapit na ako sa Panginoong Diyos
Pero nandiyan ka
Pinipilit hatakin ako nang palayo.

Napakasama mo. Napakasama mo.

Alam mo, pagsubok, matindi ka.
Napakagaling mong tumiming – Impeccable!
As in walang mintis. Walang sablay
Basta’t may magandang bagay na paparating sa akin
Nadiyan ka na rin agad – nakabungisngis at kumakaway

Minsan, gagawin mong kulang ang pera ko
O kaya naman bibigyan mo ng sakit yung mga mahal ko sa buhay
Minsan, papatayin mo pa sila
Minsan, sobrang langit na ako sa ligaya – pero pahahanapin mo pa siya ng iba
Minsan, nilulunod mo ako sa nakapanlulumong pakiramdam ng lungkot at pag-iisa.

Minsan nga gusto ko na lang sabihing,

“Suko na ako, pagsubok.
Gusto ko nang makipaghiwalay sa iyo.”

Pero alam mo, ayos lang
Ayos na ayos lang pala talaga
Dahil kung tatanawin ko naman ang nakalipas
Lagi namang nalalampasan talaga kita
At hindi ka rin naman ibibigay ni Ama kung hindi kita kayang sikmurain

Alam ko naman na kung matitiis kita
Mas mahigpit Niya akong yayakapin.

Kaya sige lang, pagsubok
Lunurin mo ako sa panaghoy
Nalalamang dalisay ang ginto kapag pinararaan na ito sa apoy

Sige lang, pagsubok
Tisurin mo pa ako nang madalas

Dahil kung kailan ako mahina
Saka naman ako malakas.

Spoken word poetry'sWhere stories live. Discover now