CHAPTER NINE

5.2K 408 117
                                    


WarLord Territory
Erika's POV...

NATAGPUAN ko ang kusina sa unang palapag at bandang likurang bahagi ng mala-mansyong bahay na iyon. Agad akong huminto saka tila lintang dumikit sa pader sa tabi ng bukas na pinto.

Fufufu!

Sa wakas.

Makakakain na rin ako.

Humahagikhik na dahan dahan kong isinilip ang aking ulo sa loob at pinag-aralang mabuti ang paligid. May kadiliman ang kusina ngunit mukhang walang ibang tao roon kaya naman awtomatikong napangisi ako ng malapad saka tila balerinang patingkayad na mabilis na pumasok sa loob.

Isinara ko ang pinto at inilapag ang bitbit na basket sa counter. Muli akong napahagikhik nang agad kong mapansin ang dalawang pintong refrigerator na nasa isang tabi.

Bingo!

Napagsalikop ko ang aking mga kamay sa sobrang katuwaan at nasasabik na hinagod ng dila ang paligid ng bibig.

Ang sabi ng dalawang ungas na iniwan ko sa silid ng nanganak na babae ay maaari ko raw kainin ang kung anumang gusto ko. Ibinigay pa ng isa sa akin ang basket dahil wala din daw problema kahit mag-uwi din ako ng kahit anong gusto ko bilang pagtanaw ng utang na loob.

Gusto ko sanang tanggihan ang ini-aalok ng mga ito dahil kusang loob ang ibinagay kong tulong sa pagpapaluwal ng sanggol sa tinawag ng mga itong Lady Samu, ngunit nang aking maalala ang nawala kong ticket ay agad nagbago ang aking isip at nagdesisyon akong unahin muna ang praktikalidad.

Nasa harapan ko na ang grasya, magpapa-bebe pa ba ako?

Isa pa, sabi nga ng aking lola, hindi na baleng mamatay na pangit, huwag lang mamatay na kumakalam ang sikmura.

Mahirap na dahil oras na pumanaw akong gutom ay tiyak na maglelevel up ang kasagwaan ng aking mukha. Sa oras na mangyari iyon ay tiyak ding 'di ako papasukin sa langit dahil mapagkakamalan akong anak ng dilim. Duda rin ako kung tatanggapin ako sa ibaba dahil takot lang ng mga alagad ng kasamaan na masapawan ko ang hitsura ng mga ito.

Fufufu.

Muli akong napahagikhik saka nai-iling na minabuti alisin muna ang bandana sa aking ulo at ilapag iyon sa tabi ng basket. Naramdaman at narinig ko ang pagkalam ng aking sikmura na aking ikina-ungol dahil ang totoo ay wala pang kalaman laman iyon mula ng umagang lumabas ako ng aking bahay.

Kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon. Sa malalaking mga hakbang ay nilapitan ko ang ref at hinawakan ang handle niyon ngunit bago buksan ang mga pinto ng hugis kahong palamigan ay saglit muna akong huminto at nakiramdam.

Tumingin ako sa kanan at kaliwa upang masiguro na wala akong ibang kasama sa loob ng kusina.

Mahirap na at baka mapagkamalan akong pangit na patay-gutom.

Fufufu.

Pangit lang kasi dapat.

Walang patay-gutom!

Nang masigurong nag-iisa nga lang talaga ako ay itinuloy ko na ang paghila pabukas sa mga pinto ng ref na punong-puno nang pananabik. Halos manlaki rin ang aking nangingislap na mga mata at tumulo ang aking laway ng isa-isang lumitaw sa aking isip ang mga masasarap na imahe ng pritong manok, icecream, spaghetti, lechon, salad, at iba pa.

"Hamburger, carbonara, leche... --!" nahinto ako sa aking pag-usal ng mga masasarap na pagkain nang biglang kumislot ang aking mga tenga at maulinigan ang papalapit na mga yabag.

"Dito! Dito ko nakita ang multo bago biglang lumampas sa pader at naglaho!"

"Hindi multo, kundi d'yablo!"

Narinig kong mga usapan sa labas bago napansin ang paggalaw ng pinto at ang unti-unting pagbukas niyon.

Uh-oh!

Napasinghap ako at natitilihang iniwan ang ref.

Retreat! Retreat!

Kinuha ko ang basket at bandana sa counter saka nagmamadaling tinakbo ang madilim na sulok at ipinagkit ang aking sarili sa pader.

Ang totoo, hindi ko naman talaga kailangang magmukhang tukong ipinatsi sa dingding para lang iwasan ang mga paparating. Ngunit base sa konbersasyon ng mga ito, nararamdaman kong ako ang kanilang tinutukoy na multo.

Buhay pa man at humihinga, pakiramdam ko kasi ay malapit na rin talaga akong maging masamang espiritu dahil sa sobrang kagutoman.

Kaya mabuti na rin ang nag-iingat kesa ma-exorcise ng wala sa oras!

Fufufu!

Tuluyang bumukas ang pinto at pumasok sa loob ng kusina ang dalawang matatangkad na ginoo na pawang mga walang suot na pang-itaas.

Napigil ko ang aking paghinga at pinilit na ini-camouflaged ang aking sarili sa kadiliman.

"Sapalagay ko, dito pumunta ang multo, tol!" nagsalita ang isa sa mga bagong dating. Dumiretso ito sa ref at binuksan iyon upang kumuha ng maiinom.

Nanuot sa aking ilong ang nakararahuyong amoy ng hugis kahong palamigan kaya naman dahan-dahang ipinaling ko ang aking ulo at itinutok ang aking paningin sa nakabukas na loob niyon para lamang mariing mapalunok at magtubig ang bibig nang makita ang mga masasarap na pagkaing naroon.

"I've told you, it's not a ghost 'tol. It's a demon," naulinigan kong salungat ng pangalawang ginoo na kumuha rin ng kan'yang maiinom ngunit sa malas ay natabig ito ng kasama kaya lumigwak sa dibdib nito ang hawak na orange juice. "What the hell, bro!"

"Fuck, I'm sorry, man!" agad na hingi ng paumanhin ng nakabunggo at akmang kukunin ang pamunas na nakasabit roon ngunit agad akong kumilos at inunahan ito.

Mula sa dingding ay halos hindi sumayad sa lupa ang mga paa na tinawid ko ang pagitan namin ng dalawa saka tila isang kabute na lumitaw sa gitna ng mga ito.

"Fufufu! Ang bango bango mo naman, ginoo. Puwede bang ako na lang ang magpunas sa'yo?" anas kong hindi na napigilan pa ang pagtulo ng mga laway sa dalawang gilid ng bibig at halos tumirik ang namumuting mga mata dahil sa pagkasabik na matikman ang natitirang orange juice na hawak nito.

Sa gitna ng may kadilimang kusina ay aking napansin ang pamumutla at panginginig ng buong katawan ng lalake sa aking harapan. At nang makita nito ang pagguhit ng malawak na ngisi sa aking mukha at paglawit ng aking dila sa gilid ng aking labi ay hindi na nito napigilan pa ang sarili.

"D-D... D'yablo... multo..."

Awtomatikong naglaho ang aking ngisi. "D'yablo? Multo?" gagad ko sa narinig sa aking kaharap at biglang tumingala dito saka binigyan ito ng nanlilisik na tingin. "Fufufu! Mukha ba akong... D'YABLO at MULTO!"

Hindi ko na nakuha pa ang sagot sa aking katanungan nang sabay na pumalahaw ng sigaw ang dalawang kasama ko sa kusinang iyon. Sa akin pang panggigilalas ay mabilis pa sa kidlat na nawala ang mga ito sa aking paningin at nagkakandarapang tumakbo palabas ng pinto.

Malakas akong napahalakhak nang ako'y mapag-isa.

D'yablo at multo pala ha.

Kung maka-bash ang mga ungas sa angkin kong kapangitan, wagas!

Mga duwag naman!

Pumapalatak na ibinaling ko na lang uli ang aking atensyon sa ref na nasa aking tabi at awtomatikong nagliwanag ang aking buong mukha.

Fufufu.

Sa wakas.

Kainan na!













The Witch DoctorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon