FLASHBACK II

2 0 0
                                    

Flashback: Allan

Kakaiba rin talaga yung tadhana eh no? Biruin mo, sa lahat ng pwedeng mangyari ngayon, ginawa pa nitong pagtagpuin ang landas ng dalawang taong sawi sa pagibig. Ang totoo kase niyan, wala palang pinagkaiba ang mga dahilan natin kaya tayo nandirito.

Ang lugar na ito ay ang paborito naming lugar kung saan nagkakaroon kami ng pagkakataong maintindihan ang isa't-isa. Dito namin binuo ang mga magagandang bagay sa buhay namin na ngayon ay alaala na lamang. Ang pagkakaalam ko kase, minahal ko siya ng sobra- kahit ngayon, mahal ko pa rin siya pero, ang naging kalaban ko ay ang oras. Hindi ko nagawang talunin ang oras na nakapatong sa aming relasyon.

Nung oras na una kong masilayan ang kanyang mga mata, nalaman kona na handa akong sumugal para sa kanya. Handa akong hamakin ang lahat mapasakin lamang siya. Ngayon, alam kona na kapag ang tao, nagmahal, nagiging tanga rin sila sa mga salitang sinasabi at ideyang mga naiisip nila.

Nang mapasaakin na siya, naging masaya kami at binalewala ang oras na dapat magdikta ng aming mga gagawin. Naging masaya lang kami, hindi dahil yun ang gusto lang naming gawin, naging masaya kami dahil yun lang ang kaya naming gawin at patunayan sa aming mga sarili. Mahirap intindihin, ngunit sobrang nakakalungkot ito kapag iyong iisipin.

Ang oras ay patuloy na tumatakbo, hanggang sa dalhin kami ito sa oras na kung saan nagkaroon na kami ng kanya kanyang interes sa buhay. Nais ng mga magulang ko na maging matagumpay ako sa buhay at magkaroon ng magandang konabukasan na hindi nila naranasan noong sila'y nasa edad ko ngayon. Sinikap kong maging matatag at puno ng pag asa, naging masipag ako sa lahat para maabot ang pangarap ng aking mga magulang para sakin, habang pinagpapatuloy ang relasyon ko sa kanya- Noong mga panahong iyon, ni hindi ko masabi o maamin sa aking sarili na ang kung anong meron sa amin ay nagiging isang 'balakid' sa mga ninanais ko sa buhay.

At dumating na nga ang oras na hindi namin inaasahan ngunit napagtanto nang mangyayari. Yun ay ang mawalan na ng oras sa isa't-isa at mawalan ng atensyon sa kung anong meron sa aming dalawa. Nagkaroon ng mga hindi pagkakaintidihan ngunit lumaban at umasang maaayos ang mga gusot na iyon ngunit kami'y nabigo. Isang pagkabigo na hindi malaman kung anong dapat naming maramdaman; maging malungkot dahil sa hinaba-haba ng aming mga pinagsamahan, kelangan na naming bumitaw; o maging masaya sapagkat makakahinga na kami ng maluwag dahil alam na namin sa sarili namin na iyon naman talaga ang makabubuti para sa amin.

Dito, sa lugar na ito, dito kami nagpaalam sa isa't-isa. Dito rin sa lugar na ito, iniwan ko ang isang pangako, isang pangakong pinanghawakan ko ng mahabang panahon- babalik ako sa piling niya, at sa oras na bumalik ako, babalik ako ng buong puso at gagawin ko ang lahat para pasayahin siya. Umasa ako na panghahawakan niya rin ang pangakong nakasaad sa kanyang pagsang-ayon ngunit tulad nga ng sinabi mo, hindi madidiktahan ang isang tao upang magmahal, ang pagmamahal ay kusang dumadating- ngunit lumilisan ng walang paalam.

Kaarawan niya ngayon, balak ko sana siyang sorpresahin at kamustahin. Nasa gate pa lang ako ng kanilang bahay, agad ko nang nasilayan ang babaeng minahal ko, maganda pa rin siya tulad nung mga panahong nasa piling ko pa siya kaya hindi ko maiwasang mapangiti. Ngunit pagpasok ko pa lamang sa kanilang bahay, mga matang mapanghatol ang sumalubong sa akin na nagbigay ng kaba sa aking buong katawan. "Bakit nga ba ako nandito?"

Isang pamilyar na mukha ang lumapit sa akin at inanyayahan akong kausapin. Sinabi niya ang lahat tungkol sa mga nangyari noong mga oras na wala ako sa kanyang piling, mga salitang ayaw ko sanang marinig ngunit mga bagay na nagbigay linaw sa akin na hindi ako imbitado sa kanyang kaarawan. Nang marinig ko na may iaanunsyo raw ang magkasintahan, bumaba kami at nakinig, na agad ko namang pinagsisihan. Sila raw ay engaged na- kitang kita ko sa mukha niya na sobrang saya niya, ibang iba sa ngiting nakikita ko nung mga panagong kami pa at ang imaheng iyon ang dumurog sa aking puso.

Kung natalo ko lamang ang oras noon, siguro ako iyong katabi niya tuwing gabi, ako iyong yumayakap sa kanya kapag malamig, ako yung lumuhod sa kanyang harapan at sinuot ang isang makinang na singsing, ako pa rin sana yung taong mahal niya at makakasama hanggang sa pagtanda.

Pero sa buhay, kelangan mo talagang pumili. Hindi mo pwedeng piliin ang dalawa sa mga pagpipilian, hinding hindi mo maiisahan ang buhay. Hanggat ang oras ay tumatakbo, umiikli rin ang panahon mo para pumili ng tamang desisyon na magdidikta sa lahat.

Sa ngayon, wala akong magagawa maliban sa maging masaya at malungkot sa parehong oras; masaya para sa kanya, dahil alam kong masaya rin siya sa magiging buhay niya; malungkot sapagkat hindi ako yung taong kasama niya sa pagiging masaya. Ang alam ko lang, minahal ko siya, at kapag minahal mo ang isang tao, hindi mo na siyang pwedeng kalimutan, mananatili siya sa iyong puso at ang mga alaala niyong magkasama ay tatak sa iyong isipan na parang isang mantsa sa damit, ninanais mong tanggalin ngunit mahirap.

Kaya siguro gusto kitang tulungan dahil gusto ng tadhana na pagtagpuin tayo sa mga oras na tayo ay lugmok sa sakit at kalungkutan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 24, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Vin De Cerise // A Modern Florante At Laura StoryWhere stories live. Discover now