Ika-Dalawampu't Pitong Kabanata

180K 7.6K 8.7K
                                    

[Kabanata 27]

"SA wakas narito ka na! kanina pa kita hinihintay, Natalia" tawag ni Corazon sabay ngiti habang nakaupo sa kaniyang upuan na may gulong. "Paumanhin kung pinaghintay ko po kayo binibini" tugon ni Celestina, dahilan upang mas lalong magulat at maguluhan si Martin sa mga pangyayari.

Muli niyang tinitigan nang mabuti ang babaeng kaharap, lumipas man ang limang taon, magbago man ang ihip ng hangin at takbo ng mundo, hinding-hindi mabubura sa kaniyang isipan ang hitsura ng babaeng tanging nagpapatibok sa kaniyang puso.

"Ginoong Martin?" patuloy ni Corazon habang tinutulak niya ang gulong ng kaniyang upuan papalapit sa dalawa. "Iyo bang hinihintay si ama?" dagdag ni Corazon, natauhan si Martin nang marinig niya ang kaniyang pangalan at napalingon sa anak ni Don Agustin.

"A-ahh, Oo, nagkausap na kami ni Don Agustin kanina" tugon niya sabay tingin muli kay Celestina. "Kung gayon, maaari mo na bang paraanin ang aking kaibigan?" saad ni Corazon na may pagtataka dahil halos walang kurap na nakatingin si Martin at Celestina sa isa't isa.

Napayuko na lang si Celestina at pilit niyang ibinabaon sa kaniyang puso ang matinding kaba na nararamdaman ngayong nasa harap niya muli ang binatang hanggang sa panaginip na lang niya nakikita sa loob ng limang taon.

Nanginginig na kinuha ni Martin ang kaniyang sumbrero sa ulo at itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka humakbang pa-kanan upang paraanin si Celestina. Nagsimula namang humakbang si Celestina nang dahan-dahan habang derecho ang tingin kay Corazon na naghihintay sa kaniya malapit sa pintuan. Animo'y bumagal ang takbo ng oras nang dumaan si Celestina sa tapat niya na para bang dumating na ang takdang oras ng kanilang pagkikita mula sa ilang taong pangungulila.

"May panibago akong awiting nais iparinig sa iyo, Natalia" ngiti ni Corazon, pinilit ni Celestina ngumiti pabalik sa kaibigan kahit pa ang kaniyang puso ay halos lumundag na sa magkahalong pakiramdam na saya at lungkot. Saya sa katotohanang ligtas at maayos ang kalagayan ni Martin, at lungkot sa katotohanang hindi na ito malaya pa at hindi niya magawang yakapin ito dahil hindi siya dapat nito makilala.

Maingat na itinulak ni Celestina ang upuan ni Corazon na may gulong na gawa rin sa kahoy. Hindi nakakalakad si Corazon kung kaya't ginawan siya ng kaniyang ama ng espesyal na upuan upang kahit papaano ay marating niya mag-isa ang bawat sulok ng bahay. Nang makapasok sila sa loob ng mansion, dinala niya si Corazon sa tapat ng piyano gaya ng palagi nilang gawi sa tuwing dumadalaw siya roon.

"Hindi mo ilalabas ang iyong pluta?" tanong ni Corazon at napakurap pa ito ng dalawang beses dahil parang namumutla ang kaibigan sa kaniyang paningin. Agad namang natauhan si Celestina at kinuha niya ang pluta na nakasilid sa kahon na kaniyang dala. Napalingon siya saglit sa bintana, nagbabakasakali na naroon pa si Martin ngunit wala na ito.

"Ang pamagat ng awiting ito ay Ang iyong pag-ibig" ngiti ni Corazon, gulat namang napalingon sa kaniya si Celestina dahilan upang matawa si Corazon. "Ito nga ang tono at musika na nilikha mo na sinulat mo rin ng liriko" tawa ni Corazon sabay pwesto na sa tapat ng piyano.

"Ang lumikha ng awiting ito ay ikaw, ngunit hanggang ngayon hindi mo pa ito inaawit. Kung kaya't aking aawitin upang iyong marinig at madama ang lungkot ng bawat salitang nakapaloob sa liriko at ang katumbas nitong musika" patuloy ni Corazon at inumpisahan na niyang tipahin ang piyano.

Parang may kung anong kirot sa pusong naramdaman si Celestina habang pinapakinggan at dinadama ang awiting iyon na kaniyang isinulat. Hindi niya akalain na halos hukayin nito ang lahat ng masasakit na alaala na pilit niyang ibinaon sa kailaliman ng kaniyang puso sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ngayon ay tila kumakawala ang mga ito sa pamamagitan ng luhang namumuo sa kaniyang mga mata.

Thy Love (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon