Three

6.7K 126 15
                                    


"WHAT do you mean you're not coming?" Halos madurog ang cellphone ni Sassa dahil sa labis na tensiyon. Kausap niya sa cellphone si Rowena. "Wenggay, papatayin kita kapag hindi ko nakita ngayon si Papa Tommy ko. Ang ganda-ganda ko pa naman ngayon. Nagpa-parlor pa ako para lang maganda ako sa picture-taking session pagkatapos ng interview. Wenggay!"

"Ano'ng magagawa ko kung ngayon pa naisipan nitong inaanak mo na ngumuya ng Safeguard?"

Ngalingaling magpapadyak siya. Nasa labas na siya ng conference room ng Concorde Records kung saan nakatakdang ganapin ang interview kay Tommy. Ilang minuto na lamang bago ang call time nila.

"Wenggay, naman, eh. Siguradong magagalit nito si Papa Tommy ko. Masisira ang image ng Torrent sa kanya at baka hindi na uli siya magpa-interview. Paano na ang pangarap kong picture naming dalawa? Nakahanda pa naman ang frame na gagamitin ko para do'n."

"Kung gano'n, ituloy mo ang interview."

"Ha?"

"Hindi naman TV interview iyon at alam na ni Tommy ang mga itatanong sa kanya kaya malamang na napaghandaan na rin niya ang mga isasagot niya. Ang kailangan mo na lamang gawin ay basahin ang mga tanong sa harap niya at ihanda ang recorder para sa mga isasagot niya. 'Yon lang."

"Pero—"

"Relax, Sassa. Kahit si Ana, kung hindi lamang siya nakakain ng sabon ngayon, magagawa iyon nang walang kahirap-hirap. Isa pa, pagkakataon mo na ito na makausap nang one-on-one ang Prince Charming mo. Kaya mo 'yan. Alalahanin mo 'yong lagi mong ipinangangalandakan na destiny chuvanes mo? This is it. Kasi tingnan mo, ha. Sa dinami-rami ng araw na puwedeng lumamon ng sabon si Ana ko, ngayon pang araw ng interview. So grab the chance, girl. Baka hindi na uli mangyari ito. Sayang ang pagkakataon. Huwag kang mag-alala, ipinagpaalam na kita sa managing editor."

Saglit siyang nag-isip. Bigla siyang na-excite sa posibilidad na makaharap uli ang lalaking pinapangarap niya. Gayunpaman, hindi rin niya maiwasang matakot. Lagi siyang pumapalpak kapag kaharap niya ito. Ano ang mangyayari kung pumalpak na naman siya ngayon? Hindi lamang ang Torrent Magz ang siguradong mapapahiya kundi pati rin siya. Kaya lang, tama rin naman si Rowena. Dumating sa kanya ang pagkakataong iyon nang hindi niya inaasahan.

"Ano na?" untag ni Rowena. "Come on, girl. Kapag pinalagpas mo pa ang pagkakataong ito, siguradong habang-buhay mong pagsisisihan ito. Heto na nga at pinagbigyan ka na ng tadhana, tatanggihan mo pa?"

"Tumahimik ka nga muna at hindi ako makapag-isip nang maayos."

"Huwag ka nang mag-isip. Just go there, face your dream guy, and finish that interview. Who knows, kapag nagawa mo ang interview na iyan, matuwa sa iyo si Bossing at ibigay na rin niya sa iyo ang increase na matagal mo nang iniuungot sa kanya. You'll be hitting two birds with one stone. Pero ang pinakamahalaga sa lahat, si Papa Tommy mo. Si Thomas Emmanuel Fontanilla na iyan, Jesusa Maria!"

"Sinabi nang tumahimik ka, eh!"

"Just do that damn interview!"

"Oo na!"

"Good girl. And remember, stick with the questionnaire. Sige, good luck."

"H-hello? Hello, Wenggay?" Busy tone na lamang ang naririnig niya. "Bruha talaga."

"Sassa, wala pa ba si Rowena?" Si Boggs ang nagsalita, ang topnotch photographer ng Torrent Publishings. "Naka-set up na ang lahat sa conference room. Nagsabi na rin ang personal assistant ni Tommy na darating na siya anumang oras."

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon