Ten

5.4K 100 2
                                    


NAPABALIKWAS ng bangon si Sassa nang sa pagmulat niya ay ang imahe ni Tommy ang sumalubong sa kanya. He was sitting a few meters away from her, holding several sheets of paper and a pen.

"Good morning," bati nito.

Luminga-linga siya sa paligid. Hindi pamilyar sa kanya ang lugar kaya nasiguro niyang hindi bahay nila ang kinaroroonan niya nang mga sandaling iyon. Mayamaya ay naalala niyang bahay nito iyon.

"Ahm..." Inayos niya ang kanyang magulong buhok. "Tinanghali yata ako ng tulog. Pasensiya na."

"It's okay. Nakatapos naman ako ng mga kanta nang walang ingay."

Nahihiyang nagkamot siya sa kanyang ulo. "Maingay pala ako. Sorry, ha? Sige, kailangan ko nang umuwi. Baka mag-aalala ang pamilya ko kapag nalaman nilang wala ako sa bahay namin."

Inilapag nito sa mesita ang mga hawak nito. "Ihahatid na kita."

"Sus, ikaw naman, Tommy. Ilang hakbang lamang ang layo ng bahay namin dito."

"Basta ihahatid na kita."

Tumunog ang cellphone nito. Sinagot nito iyon. "Who's this? Doni Sarmiento?" Isang kilalang showbiz reporter ang caller nito. "Am I seeing someone else?" Tumingin sa kanya si Tommy. "Bakit, meron pa ba akong dapat na kinakatagpo?"

Dapat siguro ay umalis na siya. Ayaw niyang marinig na mayroong ibang babae sa buhay nito.

"I don't know where you got that information, Doni. Pero lilinawin ko lang, iisang tao lang, iisang babae in particular, ang nakakasama ko nitong mga nagdaang araw. Her name? I'm sorry but I can't give it to you. Ayokong makaladkad sa media ang buhay niya. Just leave her alone." Pinatay na nito ang cellphone at saka ito bumaling sa kanya. "Sorry about that. Halika na. Baka nga hinahanap ka na sa inyo."

Wala silang imikan pareho nang lumabas sila ng bahay nito. Nasa tapat na sila ng gate ng bahay nila nang muling magsalita ito.

"May gagawin ka ba mamayang gabi, Sassa?"

Binundol ng kaba ang kanyang dibdib. Was he asking her on a date? "W-wala naman. Susubukan ko lang sana na maglinis ng kuwarto ko dahil ang sabi ng nanay ko, puwede na raw akong magtanim ng kamote dahil sa kapal ng alikabok doon."

Ngumiti ito. Sa pakiwari niya ay nagtilian ang maliliit na tinig sa kanyang isip. Dahil kung guwapo ito kapag seryoso ang mukha, lalo na ngayong nakangiti na ito.

"So, can I take you out on a date tonight?"

"H-ha?" Gosh talaga! Kay bilis ng tibok ng kanyang puso. Nakisabay pa ang panggulong isip niya. Hindi niya mahagilap ang kanyang dila. Napipi siya.

"So?" untag nito. "Kung ayaw mo, okay lang. May ibang araw pa naman."

"No!"

"Okay."

"No, no! I mean, okay lang. No, not that. Ahm..." Anak ng pating! Bakit noon pa nagkandabuhul-buhol ang kanyang dila?

Nang mahagilap naman niya iyon ay sumabay ang pagtunog ng cellphone nito. Nagpaalam na ito sa kanya. Sinagot nito ang tawag habang naglalakad ito pabalik sa bahay nito.

Nanghihinayang siya. She just blew up her biggest chance to be with him. Ngalingaling iuntog niya ang kanyang ulo sa gate nila.

Tumingin uli siya rito. Tapos na ito sa pakikipag-usap sa telepono. Sa halip ay ang mga magulang na niya ang kausap nito.

"Tommy, I want to go out with you," sabi niya sa kawalan. "I really do. I love you. I'll marry you. Please come back."

"O, anak, ano'ng ginagawa mo rito sa labas?" tanong ng kanyang ina. "Ikaw talaga. Magsuklay ka nga muna bago ka lumabas ng bahay. Teka, naghilamos ka na ba? Hay, naku, mabuti at hindi natakot sa iyo si Tommy."

"Ang sabihin mo, mabuti nga at nakita pa rin ni Tommy ang kagandahan mo sa kabila ng hitsura mo ngayon," sabi ng kanyang ama. Ngumiti ito at tinapik-tapik siya sa balikat. "Manang-mana ka talaga sa akin, anak. Ang lakas ng dating mo!"

"'Tay, ano'ng pinagsasasabi ninyo riyan?" Mangiyak-ngiyak na tinanaw niya ang nakasarang pinto ng bahay ni Tommy. "Wala nang kinabukasan ang kagandahan kong ito."

"Anong wala?" anang kanyang ina. "Hindi ba't may date kayo ni Tommy mamayang gabi? Ipinagpaalam ka na niya sa amin."

"'Nay, huwag nga kayong magbiro nang ganyan. Dapat talaga na may date kami ni Tommy mamaya. Kaya lang, sa pagkataranta at katangahan ko, hindi ako nakasagot nang tanungin niya ako kung gusto kong lumabas kami."

"Kaya naman pala kami na ang kinausap niya. Naku, magpakaganda ka nang mabuti mamayang gabi, ha, anak?"

Napakunot-noo. Tama ba ang narinig niya? Tuloy nga ba ang date nila ni Tommy mamaya?

"Anak, huminga ka," wika ng kanyang ama. "Sayang ang date ninyo ni Tommy mamaya kung hindi matutuloy. Nakiusap pa 'yong tao sa amin ng nanay mo."

"Mabuting bata ang isang iyon, ano, Gerry? Nagpaalam pa siya sa atin na ide-date niya ang dalaga natin kahit hindi na kailangan. Aba, ilang binata na lamang ba ang marunong gumalang sa mga magulang ng babaeng gusto nila?"

"Hindi ko alam ang istadistika niyan, Salud. Pero masaya ako na isa sa istadistikang iyon ay nasungkit ng kamandag ng dalaga natin."

Pinaghahalikan niya ang kanyang mga magulang nang tumimo sa kanyang isip ang mga sinabi ng mga ito. "'Tay, 'Nay, sa bahay nga pala ako ni Tommy natulog kaninang madaling-araw," pag-amin niya.

"May nangyari ba sa inyo?"

"Wala."

"O, sige, anak, doon ka uli matulog sa kanila—aray!"

"Geronimo! Ikaw kaya ang katayin ko?"

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon