Four

6.5K 126 2
                                    


TULALA pa rin si Sassa habang nag-aabang siya ng masasakyang taxi sa harap ng gusali ng Concorde Records. Dulot ng matinding hiya, hindi na siya sumabay sa sasakyan na minamaneho ng photographer nilang si Boggs. Nauna na ito habang siya ay tila lumilipad pa rin ang utak habang nakatingin sa kawalan.

Nainsulto niya si Tommy. Nasaktan niya ang pride nito dahil ayaw na nga nitong nababanggit ang pagiging kapatid ng minsan ay naging super-sikat na nakatatandang kapatid nito, pinuri at talagang ipinangalandakan pa niya iyon sa harap mismo nito. Kung hindi ba naman siya isang napakalaking sira-ulo!

Galit sa akin si Tommy ko. Iyon ang paulit-ulit na naglalaro sa kanyang isip habang nakatanga siya sa kawalan. Isang sasakyan ang napansin niyang paparating at pinara niya iyon. Wala pa rin siya sa sarili nang sumakay siya sa backseat at sinabi sa driver ang address niya. Pagkatapos ay binalikan na naman niya ang kamiserablehan niya. Galit sa kanya si Tommy.

Naramdaman na lamang niya ang pagpatak ng kanyang mga luha at ilang sandali lamang ay humahagulhol na siya ng iyak. "Ang tanga-tanga ko talaga," aniya sa pagitan ng pag-iyak. "Alam n'yo ba iyon, Manong driver? Ang lalaking matagal kong pinangarap ay galit sa akin dahil sa katangahan ko. Hindi ko alam kung bakit kung kailan dapat ay ipinapakita ko ang kakapalan ng mukha ko, saka pa ako pumalpak. Hindi ko magawang magpakatino sa harap niya. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Kasi naman, ang guwapu-guwapo niya!"

Wala siyang pakialam kung ano man ang maging impresyon sa kanya ng taxi driver. Basta naiiyak siya kaya iiyak siya. At wala namang ibang makakarinig sa kanya kaya itinodo na niya ang paglalabas ng sama ng loob na nararamdaman.

"Wala na akong kaparatang mabuhay. Wala na akong mukhang maihaharap pa sa lalaking pinapangarap ko. Kilala n'yo ba si Tommy Fontanilla, Manong? Sa mga mata niya, siguradong isang malaking-malaking istorbong nunal na lamang ang tingin niya sa akin ngayon. Sa kagustuhan kong magpa-impress sa kanya, lalo ko lang pinagmukhang katawa-tawa ang sarili ko." Patuloy pa rin siya sa paghagulhol. "Hindi ko naman sinasadyang mabati ang kuya niyang si Ran. Sa talaga naman kasing naging crush ko ang isang iyon. Pero matagal na iyon. Si Tommy na ang gusto ko ngayon."

Kinagat-kagat niya ang basang-basa nang panyo niya dahil sa sobrang panggigigil sa kanyang sarili. Hanggang mapansin niyang may iniaabot na tissue paper sa kanya ang driver. Tinanggap niya iyon.

"Salamat ho." Suminga siya sa tissue paper. "Hindi naman ako umaasang mapapansin ako ni Papa Tommy ko. Ang gusto ko lang, maging mabuti sa paningin niya. Pero bakit gano'n? Nagkaroon nga ako ng pagkakataong makausap siya pero gano'n pa ang nangyari?" Tiningnan niya ang kanyang palda at pointed shoes. "Ngayon lang ako nagsuot ng ganito, 'tapos, wala naman palang silbi."

"Bagay naman sa iyo ang suot mo."

"Ano ang gagawin ko sa mga magagandang damit na ito kung mukha naman akong gaga sa harap ng taong pinakagusto ko sa buong mundo?"

"Sa pinakagusto mo sa buong mundo?"

"Si Tommy nga ho. Manong, naman, eh. Hindi naman kayo nakikinig." Kumuha uli siya ng panibagong tissue paper mula sa tissue box na iniabot nito sa kanya. "Pati kayo, hindi na nakikinig sa akin. Wala na talaga akong pag-asang mabuhay."

Hindi na ito kumibo. Napakagat-labi siya. How she wished she could talk to someone at the moment, someone who would let her pour her heart out without laughing at her. Tamang-tama sana si Manong driver sa role na iyon. Ang kaso...

Napahinto siya sa pagnguyngoy nang mapansin niya ang itim na jacket na suot ng driver. Parang pamilyar sa kanya ang jacket na iyon...

"Oh, no..." sambit niya nang makilala ang driver. "Nananaginip lang ako. Hindi ito nangyayari."

Crazy Little Thing Called LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon