Epilogue

1.9K 46 17
                                    

Gising na ako. Kanina pa. Pero tamad pa rin ang buong katawan ko para bumangon at magpunta na sa ibaba. Parang gusto ko na lang humiga nang buong magdamag kasi bakit? Pagkain lang naman ang gagawin ko. Agahan, tanghalian at hapunan, at tulog.

Pero hindi ko na rin ginawa, hanggang salita lang naman 'tong katamaran ko. Bumangon na ako at inayos ang sarili ko, tinignan ko pa ang sarili ko sa salamin. Natawa ako, ako pa rin talaga 'tong lalaking hindi marunong ngumiti nang walang dahilan.

Nang makalabas na ako mula sa banyo, umupo ulit ako sa kama. At dito na ako napangiti nang makita ko ang litrato niya sa frame na nandito sa mesa. Kinuha ko ito at pinunasan gamit ang laylayan ng suot kong kamiseta.

"Magandang umaga, Mahal.." Bati ko.

At sunod na nakuha ng atensyon ko ay ang notebook na binigay niya sa akin. Inabot ko ito, binuklat. Nakahalati ko na rin pala pero alam kong kakaunti pa rin ang laman.

Pero ano oa nga ba? Ang sabi niya, isulat ko 'yong magagandang pangyayari sa buhay ko pero wala naman akong matandaan na magandang nangyayari sa akin.

Hindi, siguro, mayroon, pero bilang. At nakakatawa dahil ang madalas na isinusulat ko sa kwaderno na ito, puro mahal kita, Natalia.

Ibinaba ko na ito, kinuha ko ang aking antipara at sinuot bago bumaba, at isa na namang araw na dadamhin.

Ano ba 'to? Isa na namang session nang mabagal na pagbaba sa hagdan. Hindi pa ako nakakakalahati, ramdam ko na 'yong pagod ng mga tuhod ko. Matanda na talaga ako.

Napailing-iling na lamang ako at huminga nang malalim bago muling humakbang pababa. At 'di pa ako tuluyang bumababa, tanaw ko ang mga taong nandito na nakasalubong sa'kin, nakatingin at nakangiti. Ang ilan ay may hawak na cake, at ang mga bata ang balloons at mga regalo pa.


"Happy birthday to you.. Happy birthday to you.. Happy birthday, happy birthday.. Happy birthday to you.."

Tumigil sila sa pagkanta at nakangiti na lang sila sa'kin. Ngumiti na lang din ako.

"Sino may birthday?" Tanong ko at tumawa silang lahat.


"Si Lolo talaga, joker." Sabi ng isang bata, apo ko. Anak ng anak ng kapatid kong si Jasper.

Maganda sana kung ako mismo ang pinagmulan, 'no? Eh, kaso hindi na ako nag-asawa.. Hindi ko na binalak pa at heto na ako ngayon, namuti ang buhok nang walang kaagapay sa buhay maliban sa mga kapatid ko, pamangkin ko at sa mga apo ko..

At kaunti na lang, siya na rin 'yong makakasama ko.. Ramdam ko na 'yon kaya nga natutuwa ako dahil sabik na sabik na akong siya naman 'yong makasama ko ulit.

Ang tanda ko na, akalain mo, 71 years old na 'tong masamang damo na 'to? Buhay na buhay pa rin at nakakatayo pa rin nang diretso. Alam ko ngayon na pinagtatawanan niya ako dahil nirarayuma na ako. At ang isa pa, nawala sa isip ko na birthday ko ngayon.

"Happy birthday, Kuya." Halos sabay na bati pa sa'kin ni Jasper at Evander at ngumiti lang ako at tumango.

Iginaya na nila ako sa hapag-kainan at tulad ng inaasahan ko, may handaan. Binigyan nila ako ng makakain at ang pamangkin kong nurse ang pumili ng makakain ko.

Hindi ko maiwasang matuwa habang kumakain at pinapanood ang mga bawat pamilyang nandito ngayon sa bahay. Nakakatuwang panoorin ang mga pamilyang nabuo ni Jasper at Evander, napakaganda, nakapasagana.. Nagmistula na namang reunion 'tong birthday ko ngayon dahil sa halos lahat ay present. Pero hindi pala dahil may isang hindi mahagilap ng mga mata ko na kaya pala parang sabi ko, may kulang.

A Night To FallWhere stories live. Discover now