Chapter Fifty-Five

79.2K 2.8K 1.6K
                                    

Chapter Fifty-Five


Nagising si Blue sa malakas na tunog ng kulog. Nakita niya ang liwanag na dala ng kidlat at ang nakakabinging pagkulog na kasunod nito. Tila ba hinahati ang langit. Napakalakas ng ulan sa labas ng kanyang bintana.

Tumayo siya at lumabas ng kanyang kwarto. Narinig niya ang boses ng kanyang ama sa ibaba ng hagdanan. Nagmamadali nitong isinuot ang suit nito at puno ng pagaalala ang mukha.

"Sir, ipapaalam po ba namin ito kay Senyorito?"

"Hwag muna. Mag-aalala lang siya."

"Yes Sir."

Tuluyan nang lumabas ng bahay ang kanyang ama, matapos non ay umandar ang kotse nito paalis.

***

"Senyorito Blue, may bisita ka," anunsyo ng kanyang Yaya.

Ibinaba ni Blue ang kanyang sinasagutang math textbook at tumingin sa kanyang yaya.

"Naghihintay sa hardin si Tammy," sabi nito na nakangiti.

Si Tammy...

Halos dalawang buwan niya rin itong hindi nakita. Mabilis siyang umalis sa kanyang kinauupuan at lumabas ng kanyang study room.

Nang makalapit sa hardin si Blue, nakita niyang nasa duyan si Tammy. Nakatalikod ito sa kanya.

"Blue!" bati nito nang makita siya. Tipid ang ngiti nito sa labi. "Sorry, ang tagal ko'ng hindi nakapunta rito."

Tinitigan ni Blue si Tammy. Pakiramdam niya ay isa itong oasis sa gitna ng disyerto. Hindi niya alam kung ito ay totoo o ilusyon lamang.

Ipinatong niya ang kanyang kamay sa tuktok ng ulo ng batang babae. Totoo. Hindi ilusyon.

"Blue..." Nakagat ni Tammy ang kanyang ibabang labi. Biglang nabasa ang mga mata nito. Pilit nitong pinipigilan ang iyak. "Blue, kailangan naming umalis. Pupunta na raw kami sa ibang bansa sabi ni Mama. Doon na ako mag-aaral."

Aalis...? Iiwan mo rin ako katulad nila?

Hinawakan nang mahigpit ni Blue si Tammy sa kamay nito.

"Aray, Blue!"

Hindi ka pwedeng umalis. Hindi mo ako pwedeng iwan!

"Bitawan mo ako, Blue. Masakit. Blue!"

Hindi narinig ni Blue ang sinasabi ni Tammy. Ang tanging laman ng isip niya ay ang sinabi nitong aalis ito at mag-aaral sa malayo.

Sinasabi na nga ba niya, katulad lang ito ng iba. Darating ang araw na aalis din ito at iiwan siya. Hindi siya makakapayag. Hindi siya pwedeng iwan nito!

***

"Blue, saan tayo pupunta? Hinahanap na ako sa amin. Magagalit si Mama kapag hindi ako bumalik kaagad," naiiyak na sabi ni Tammy habang hila siya sa kamay ni Blue.

Pumuslit sila sa garden at tuluyang lumabas ng mansion.

Tinignan ni Blue ang mga sasakyan na dumaraan. May alam siyang lihim na lugar. Kailangan niyang dalhin si Tammy doon upang itago ito. Sa ganoong paraan ay walang makaagaw sa kanya rito.

Biglang umulan.

Unti unting nabasa ang dalawang bata na naglalakad sa tabi ng kalsada. Ngunit parang walang nararamdaman si Blue. Patuloy ang paghigit niya kay Tammy papunta sa isang lugar.

Makalipas ang isang oras, nakarating sila sa playground. Doon, nakatayo sa isang tabi ang tree house. Pinauna niyang paakyatin si Tammy bago siya sumunod.

High School ZeroWhere stories live. Discover now