CHAPTER 9

71 29 18
                                    

CHAPTER 9





DECEMBER 15, 2017

DAHAN-DAHAN kong iminulat ang mga mata ko at tumambad sa akin ang puting kisame. Napahawak ako sa ulo ko nang bahagya itong kumirot dahil bumangon ako. Medyo malabo pa ang paningin ko kaya hindi ko masyadong mamukhaan kung sino ang nasa tabi ko.

"A-Azarel ikaw ba yan?" tanong ko habang pupungay-pungay na tumingin sa taong nakaupo malapit sa kama ko.

"Nasaan ako?"

"Miss, nasa ospital tayo. Ayos na ba ang pakiramdam mo?"

Hindi ako nakagalaw sa pagkakahiga ko at tila may bumara sa lalamunan ko nang makita ko kung sino ang kasama ko. Hindi ako makapagsalita at sobrang bilis ng pagkabog ng puso ko.

"Nahihilo ka pa ba? Nilalagnat ka pa, eh."

H-Hindi, imposible ito. Parte pa rin ba ito ng panaginip ko? Tulog pa rin ba ako hanggang ngayon?

"Nakita kasi kita kanina noong tinulungan mo 'yong pulubi, tapos sinubaybayan kita dahil nga namangha ako sa ginawa mo. Hindi ko naman ine-expect na hihimatayin ka. Kaya noong bumagsak ka, agad kitang dinala rito sa ospital," pagpapaliwanag niya, samantalang nakatitig lamang ako sa kaniya habang nakaawang ang aking bibig.

"Sa tingin ko hindi ka pa okay," wika pa niya at bahagyang tumawa.

"T-Totoo ba ito?"

"Ano ang ibig mong sabihin? Hindi ka nananaginip, totoo ang lahat," nakangiti niyang sabi.

Hindi ko alam kung ano ang susunod kong sasabihin. Ni hindi ko nga alam kung paano ako magre-react.

"Oo nga pala, Hezekiah ang pangalan ko," saad niya, at inilahad pa niya ang kaniyang kamay na tanda na gusto niyang makipag-kamayan sa akin.

"M-Merry po ang pangalan ko," nauutal na sagot ko at nakipagkamay sa kaniya.

"Kumusta na ang pakiramdam mo? Gusto mo bang umuwi na sa bahay ninyo?" tanong niya muli sa akin kaya marahan akong napatango.

"May babayaran lang ako saglit, hintayin mo ako rito. Babalik din naman ako kaagad." Pagkasabi ni Hezekiah no'n ay dali-dali na siyang umalis.

Hindi talaga ako makapaniwala sa mga nangyayari. Ramdam ko ang pag-init ng magkabilaan kong pisngi, at kasabay n'on ay ang pagkabog ng puso ko nang mabilis. Ang hirap pa ring i-digest ng utak ko na ngayon ay kaharap ko na siya at nakausap ko na.

Hindi ko mapigilang mapangiti. Para na akong nababaliw dahil sa sobrang lawak ng ngiti kaya kinuha ko ang unan at itinakip sa mukha ko at umupo.

Walong buwan kong hinintay ang pagkakataong ito. Higit sa lahat, walong buwan na akong nagdarasal na sana ay mawala na ang nararamdaman ko sa kaniya kung hindi iyon tama, subalit kung takda naman, sana ay tulungan Niya ako

Makalipas ang ilang minuto ay bumukas ang pinto kaya napaayos ako ng upo. Nandito na naman siya, akala ko hindi siya babalik dahil pakiramdam ko, panaginip lang ang lahat.

"Okay na ang lahat. Puwede ka ng iuwi sa bahay ninyo," sabi ni Hezekiah sa akin. Napatingin ako sa hawak niyang plastic.

"Ah, ito pala, bumili na ako ng paracetamol mo atsaka vitamins. 'Yong paracetamol inumin mo na lang every four hours, tapos 'yong vitamins tuwing umaga lang," bilin niya at ibinigay sa akin ang plastic na kanina ay hawak niya.

Lumabas na kami ng ospital ngunit 'yong isip ko ay naiwan pa rin sa loob. Hindi ko malimot sa isip ko noong nasilayan ko siya sa loob kanina at nakausap ako.

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon