CHAPTER 23

49 13 1
                                    

CHAPTER 23


AUGUST 30, 2018

DALAWANG buwan na rin simula noong pumanaw si Kuya Melchi. Kahit papaano ay paunti-unti na rin kaming nakakapag-adjust sa bahay pero nandito pa rin sa mga puso namin ang kurot.

Noong birthday ko nga noong July 20, hindi na kami nag-celebrate. Gusto sana nina mommy kaso ako na ang nagsabi na huwag na lang. Paano pa kami magse-celebrate o magsasaya kung wala na ang isang miyembro ng pamilya namin ay wala na?

"Merry, tara sa canteen," pag-aaya ni Azarel pagkalabas namin nina Marie sa classroom.

Katatapos lang kasi ng UCSP (Understanding Culture, Society, and Politics) namin tapos ay wala kaming General Mathematics kaya napagpasyahan naming lumabas muna.

"Sama kami!" saad nina James at Marie ngunit umiling si Azarel.

"Kayo ba si Merry?" tanong niya naman, at tinaasan pa sila ng kilay kaya napasimangot ang dalawa.

"Ang daya niyo, ah! Hindi mo naman girlfriend si Merry!" pagmamaktol ni Marie ngunit binelatan lang siya ni Azarel.

"Wala ba kayong subject ngayon?" tanong ko kay Azarel.

"Vacant din namin sa Entrepreneurship ngayon," tugon niya at hinigit na ako papuntang canteen.

Tinitignan nga kami ng ibang mga estudyante lalo na 'yong mga Grade 12 pero hindi ko na lang sila pinansin.

Bumili na lang kami ng fries at juice atsaka pumunta na sa may bakanteng lamesa. Mabuti na lamang ay kaunti lamang ang mga estudyante dahil may mga klase pa ang karamihan kaya hindi masyadong maingay.

"Kumusta ka na ngayon?"

"Katatanong mo lang sa akin iyan kahapon at noong mga nakaraang linggo at araw, eh. Araw-araw mong itinatanong iyan."

"Sige na kasi, sagutin mo na," pagpupumilit niya.

"Gaya ng sabi ko, medyo bumubuti na rin pero ang tagal pa rin maghilom ng sugat dito sa puso ko. At sigurado namang may maiiwan at maiiwan pa ring bakas dahil sabi nga nila, lahat ng sugat ay nag-iiwan ng peklat."

"Iyan na naman ang isinagot mo noong mga nakaraang linggo at araw, eh!" pagrereklamo rin niya kaya pinanliitan ko siya ng tingin.

"Syempre paulit-ulit din naman iyong mga tanong mo, eh!"

"Hindi, ah! Pina-paraphrase ko kaya araw-araw 'yong mga tanong," sagot niya naman kaya pareho kaming napatawa.

"Pero salamat talaga sa inyo dahil kayo ang nagiging Hydrogen Peroxide ng puso kong sugatan," sambit ko kaya napasimangot siya.

"Ano ba kasi iyang Hydrogen Peroxide? Alam mong sa Science ako mahina, lalo na sa Chemistry! Hindi naman kasi ako matalino sa mga kemikal kagaya ni Kuya Melchi," litanya niya, kaya napatahimik ako sa sinabi niya dahil sa pagbanggit niya kay Kuya Melchi.

Napatakip naman siya sa kaniyang bibig nang mapagtanto niya kung ano ang kaniyang sinabi. Lumapit naman siya sa akin at sorry nang sorry.

"Okay lang, Azarel. Basta salamat dahil kayo ang nagiging dahilan ng unti-unting paghilom ng mga sugat ko," tugon ko at napabuntong-hininga.

"Mas sasaya ka kapag ako naging jowa mo," pabirong sabi niya.

"Kung iyon ang gusto mo, sige!" biro ko rin.

Muntik pa siyang nasamid sa iniinom niyang juice. Nanlaki ang mga mata niya at bago pa siya tuluyang makapagsalita ay dinugtugan ko na ang sinabi ko ng "joke lang!"

✓Angel By Your SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon