NAPALINGON si Cana sa malaking bag na nakapatong sa lapag, doon sa kuwarto ni Ice. Naupo siya sa ibabaw ng kama at tinakpan ng kumot ang hubad niyang katawan.
"Aalis ka?" tanong niya saka lumingon sa nobyo.
Marahan itong tumango. "Pupunta ako sa Isabela. May drug case kaming hawak ngayon at iyong head ng sindikato at prime suspect namin ay doon nagtatago. Kailangan namin siyang mahuli," paliwanag nito.
"Hanggang kailan ka doon?" tanong ulit niya.
Naupo ito sa gilid ng kama habang nagsusuot ng t-shirt.
"Mga isang linggo? Depende pa 'yon kung mahuli kaagad namin siya," sagot ni Ice.
Umahon ang pag-aalala niya sa binata. Alam niya na sa mga ganitong pagkakataon nasa alanganin ang buhay nito. Parang ayaw niya itong payagan umalis, she wants to hold him back, kung puwede lang.
"Kailangan ba talagang kasama ka?" hindi nakatiis na tanong ni Cana.
Hinawakan nito ang pisngi niya. "Oo, ako ang team leader ng kaso na 'to. Kailangan naroon ako," sagot ni Ice.
Humugot siya ng malalim na hininga. Magkahalong kalungkutan at takot ang naramdaman niya.
"Bakit ganyan ang mukha mo?"
"I'm scared, Ice. Baka kung ano ang mangyari sa iyo doon," sabi pa niya.
Ngumiti ang binata sa kanya, pagkatapos ay hinalikan siya sa labi, bago muling tumingin sa kanya.
"Cana, dapat masanay ka na. Ito ang trabaho ko, ang maghabol ng mga kriminal," sagot niya.
"Baka kasi..."
"Na ano? Baka mamatay ako doon?" tanong pa nito, saka marahan natawa.
"Ice naman eh, hindi ako nakikipagbiruan sa'yo," saway niya.
"Pangako, mag-iingat ako. At babalik ako dito ng buo, walang tama ng bala sa katawan, buong-buo at humihinga," sagot nito.
"Promise 'yan ah?"
Marahan itong tumango. "Promise. Hindi pa ako puwedeng mamatay, Cana. Papakasalan pa kita," sagot nito.
Parang musika sa kanyang pandinig ang narinig mula sa binata. Kahit paano ay napanatag siya sa sinabi nito.
"Call me often, okay?" bilin pa niya.
"I will, huwag mo na rin sabihin kay Simon ang tungkol sa operation namin sa Isabela. Baka mag-alala din lang 'yong bata," sabi ni Ice.
"Okay," aniya.
"Mamayang hapon na ang alis ko. Mag-ingat din kayo dito, ha?"
Marahan tumango si Cana, pagkatapos ay yumakap sa binata. Mabuti na rin siguro ang pansamantala silang magkalayo ni Ice. Nang sa ganoon ay magkaroon siya ng pagkakataon na pag-isipan kung paano sasabihin ang tungkol kay George at sa plano ng parents niya. Baka sakaling maayos na niya ang problema bago man lang ito bumalik para hindi na ito mag-aalala pa.
"Magbihis ka na, magluluto lang ako ng breakfast natin sa baba," sabi nito.
"Thank you for letting me stay here," sagot ni Cana.
Gumanti sa kanya ng yakap si Ice. "You know you're always welcome here, at masaya ako na nandito ka. And last night was great, you made me really happy," sabi nito.

YOU ARE READING
Double Chocolate (Sequel of Little Cupcakes Series: Blueberry Cheesecake)
Romance"Hindi pa ako puwedeng mamatay, papakasalan pa kita." TEASER: For Cana, her son Simon means the world to her. Noong mga panahon na tinalikuran siya ng mga taong inakala na unang susuporta sa kanya habang pinagbubuntis ito. Tanging sa anak siya kum...