Chapter 7: Hi, Crush

8.4K 525 274
                                    

Nasanay si Vincent na paggising sa umaga, ang unang-una niyang ginagawa ay hahawakan ang phone at magbubukas ng email. Email muna bago ang ibang social media account. Kaya naman umagang-umaga, pagbukas niya ng email, nabasa niya agad ang naka-priority message ng Grey Feather Press. Nakapikit pa ang kanang mata niya habang binabasa nang maigi ang nakasulat. Ang sabi, kailangan niyang pumunta sa office para sa contract.

Napabuga na lang siya ng hangin at binitiwan ang phone. Hinayaan na lang niyang nakatengga ang screen sa email niya habang nag-iinat.

Sobrang tagal na niya sa GFP at hindi na siya magre-renew ng kontrata. Siya ang bestseller ng publishing house kaya malamang na hindi madaling papayag ang EIC nila at ang CEO sa hindi niya pagre-renew.

Halos isang dekada na rin siyang nagsusulat ng nobela para sa kanila. Malaki naman talaga ang utang na loob niya sa GFP dahil sa kanila siya nakabawi noong mga panahong lugmok na lugmok siya sa buhay dahil sa failed marriage niya. Hindi rin niya alam kung saang kangkungan siya dadamputin kung hindi niya nakilala si Sir Matthew—ang literary agent na nakakuha sa kanya.

Kapag tungkol sa agreement ang usapan, umaga pa lang, drained na lagi siya.

Hindi siya nakapasok ng DCE dahil kailangan niyang pumunta sa main office ng GFP. Kilalang-kilala na siya ng mga tao roon. Madalas, pumupunta lang siya kapag ready na ang paycheck niya para sa royalties.

"Good morning, Sir Vincent," bati sa kanya ng guard sa gate bago ang front desk.

"Good morning, Kuya Bong. Nandito na si Boss Migs?"

"Mamaya pa raw ten ang dating ni Sir Migs. May meeting kayo?"

Umungot siya at saka ipinagkrus ang mga braso. Hinagod lang niya ng tingin ang puting tiles ng lobby na mina-mop ng lalaking housekeeper na bago sa paningin niya.

Ayaw niya kasing umakyat kapag wala ang kakausapin niya. Makakatulog lang siya sa MC Room.

"Sige, Kuya Bong, tanungin ko na lang kay Vanessa." Maglalakad na sana siya papuntang elevator nang matigilan.

"Ay, ser, may package pala para sa 'yo. Padala ng fans kahapon para kay GT."

"O? Saan?"

Hindi na bago sa kanya ang makatanggap ng regalo para kay Gregory Troye. Madalas na iniiwan iyon sa front desk at makukuha lang niya kapag napadaan siya.

"Ito talaga ang ibinigay, kuya?" tanong niya kasi may isang framed wedding picture doon na kasama. Base sa tantiya niya, sinlaki iyon ng monitor ng computer niya sa bahay. Maganda ang picture at kakaiba. Malusog kasi ang lalaki at ang ganda ng babae.

"Nagulat nga rin ako, ser."

Inusisa naman niya ang kabuoan ng photo. Itinalikod pa niya para makita ang estado ng frame kung luma o bago pa ba. Hindi kasi niya matantiya kung gaano na iyon katagal. "Oh, wow." Bahagyang nangunot ang dulo ng labi niya nang basahin ang nakasulat sa likod gamit ang marker.

To Gregory Troye,

Idol na idol ka ng asawa ko. Ikaw talaga ang dahilan kaya nya ako pinakasalan. Binili ko kasi lahat ng libro mo para sa kanya. Dati kaming best buddies. Hobby nyang basahin mga gawa mo. Noon, gusto nya ng mga gwapo kasi sobrang ganda nya. Pero nung nabasa nya yung mga gawa mo, naisip nyang di nya kelangan ng gwapo. Kelangan nya ng taong pipiliin sya araw-araw. Maraming salamat sa inspiration.

P.S.

Puwede mag-request? Baka puwede mo raw siya gawing bida sa nobela mo.

From Felicidad-Francisco Buddies

Nakita na lang niya ang sariling nakangiti. May bigla tuloy siyang naisip.

"Sino ang nagpadala nito?" tanong niya sa guard. "May contact number?"

Gregory TroyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon