Chapter 32.2

11.9K 132 1
                                    

KITANG-KITA ni Megan ang matinding galak sa mukha ng kanyang Daddy Gerry nang makita siya nito sa lugar na kinakukulungan nito. Sumama sila ni Emman ngayon sa Mommy Laura niya para dalawin ang ama.

"A-Anak," naiiyak na bati ng ama bago lumapit sa kanya. Niyakap siya nito ng mahigpit. "Akala ko hindi na kita makikita. Patawarin mo ako, anak."

Hindi na napigilan ni Megan ang mapahagulhol sa yakap ng ama. Napakatagal na nang huli niyang maramdaman ang yakap na iyon. Napakarami na nilang pinagdaanan. "D-Daddy..." she sobbed. "Daddy, I'm sorry. I'm sorry kung iniwanan ko kayo."

Bahagya siyang inilayo ng ama habang umiiling. "Wala kang kasalanan, Megan. Ako ang gumawa ng lahat ng paghihirap na pinagdaanan natin. Ako ang nakamali," inilipat ni Daddy Gerry ang tingin kay Emman na nasa tabi lamang.

Lumapit ito sa kanyang asawa at sa pagkagulat nilang lahat ay nakita ang pagluhod ng ama sa harapan ni Emman. "P-Patawarin mo ako, hijo," puno ng pagsisisi ang tinig at mukha nito.

Ilang sandaling hindi nakahuma si Emman subalit agad din itong kumilos at mabilis na pinatayo si Daddy Gerry. Hindi pa rin natitigil ang pag-iyak ni Megan dahil sa nakikita.

"Patawarin mo ako sa lahat ng mga ginawa ko sa'yo," pagpapatuloy ng ama. "Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi ko. Sa pagpapabugbog ko sa'yo. Hindi ko dapat ginawa 'yon. Hindi ko dapat pinairal ang kasamaan ko, ang pagiging makasarili ko. Patawarin mo ako."

Magalang na yumuko si Emman, puno ng kaseryosohan ang mukha. "Huwag n'yo na pong alalahanin 'yon," anito. "Pinapatawad ko na po kayo sa lahat ng iyon. Patawarin n'yo rin po ako kung hindi ko sinunod ang utos n'yo at sa halip ay itinakas si Megan."

Marahang tinapik ni Daddy Gerry ang balikat ni Emman, sumilay na ang isang ngiti sa mga labi nito. "Kung hindi dahil sa ginawa n'yong pag-alis, hanggang ngayon siguro ay nakalulong pa rin ako sa aking kasamaan. Hindi ko na alam ang nangyari sa akin nitong nakaraang mga buwan. Hindi ko alam na unti-unti na akong nilalamon ng pagka-makasarili," inilipat nito ang tingin sa kanya. "Patawarin mo ako, anak, dahil sa kahihiyang ito."

Ini-iling ni Megan ang ulo at inabot ang kamay ng ama. "Lahat ng tao ay nagkakamali, Dad. At nakikita naman namin ang pagsisisi mo ngayon. Hindi ko man alam ang lahat pero pinipilit kong intindihin kayo."

Napuno ng kalungkutan ang mga mata ni Daddy Gerry. "Hindi dapat ako nagpakalulong sa sugal. Hindi dapat ako sumama sa mga kaibigan kong mahihilig sa ganoong gawain. Hindi ko dapat pinabayaan ang posisyon ko, ang responsibildad ko, ang pangalan ng pamilya natin. Subalit ika nga ng iba, nasa huli ang pagsisisi. Hindi ko na magagawang maibalik ang mga nagastos ko dahil sa luhong 'yon. Patuloy lang ako sa pagsusugal hanggang sa malaman kong naubos na ang halos lahat ng aking ari-arian," muli na namang napaiyak ang ama. "Naubos na ang lahat kaya nagamit ko pati ang pondo ng bayan. Naging makasarili ako. Akala ko ay mababawi ko ang lahat ng nawala sa akin kapag nagpatuloy ako sa ganoong gawain subalit nagkamali ako. Napakalaki ng pagkakamali ko.

"At idinamay ko pa ang nag-iisa kong anak," patuloy na pagku-kuwento ng ama. "N-Naisip ko na... na ibenta ka kay Mr. Rodriguez kapalit ng pagbibigay niya sa akin ng malaking halaga na kailangan ko para maibalik ang nawawalang pondo."

Natutop ni Megan ang bibig. Agad naman siyang inalalayan ni Emman at pinaupo sa isa sa mga upuang nasa visiting area na iyon. Alam niyang dapat ay nagagalit siya sa ama subalit awa ang kanyang nararamdaman. Sigurado siyang naging napakahirap din para dito ang buhatin mag-isa ang lahat ng problemang iyon at mailihim sa kanila para lamang ma-protektahan ang kanilang pangalan.

"Mabuting tao si Carl," dugtong ng ama, tinutukoy ang lalaking nais nitong ipakasal sa kanya noon. "Sinabi niyang nais niya akong tulungan kahit na walang kapalit pero dahil sa pride ko bilang isang lalaki, hindi ko tinanggap ang tulong na 'yon ng basta-basta. D-Dahil ayokong magmukhang kawawang-kawawa, ayokong mapahiya. Pero nakita kong mali ang lahat ng iniisip ko, mali ang lahat ng desisyon ko. Hindi dapat ako nagdamay ng kahit na sino sa pagkakamaling aking ginawa. Ako lang ang dapat na mahirapan. Ako lang ang dapat na parusahan," bahagya itong ngumiti. "Kaya naririto ako ngayon, tinatanggap ang aking parusa. Mahirap man pero payapa na ang aking puso at isipan. Because I've admitted my mistakes and suffering from the consequences of it."

Isang mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid. Nakikita ni Megan sa ama na nagsisisi na nga itong tuluyan at tinatanggap nito ang lahat ng kaparusahan sa pagkakamaling nagawa. Nakikita niya rin na mas maayos na ang lagay nito, hindi na balisa, hindi na malungkot.

"Ilang taon din akong mananatili dito sa kulungan," basag ng ama sa katahimikan. "Kinuha na nila ang lahat ng aking mga ari-arian pang natira, maging ang bahay namin ng iyong Mommy ay kukunin na rin nila kaya ipapakiusap ko sana sa inyo, Megan, Emman, na bantayan n'yo si Laura... hanggang sa aking paglaya."

Tumango si Megan. "Huwag kayong mag-alala, Dad. Puwedeng tumuloy si Mommy sa unit ko, hindi naman nila 'yon kukunin dahil galing iyon sa sarili kong pera, 'di ba? Kailangan ko rin ng makakasama dahil... dahil dinadala ko na ang magiging anak namin ni Emman." Inabot niya ang kamay ng asawa at hinawakan iyon ng mahigpit.

Kumislap ang mga mata ni Daddy Gerry dahil sa narinig. "M-Magkaka-apo na kami?" nasa tinig na nito ang matinding pagkasabik. "Magkaka-apo na ako," napahikbi na ang ama. "Diyos ko, maraming salamat sa magandang balitang ito."

Malawak siyang napangiti at tiningnan si Emman na nakatingin na rin sa kanya. There was softness in her husband's eyes. Inihilig niya ang ulo sa balikat nito. Kahit na naririto sila sa ganitong klase ng lugar ay hindi pa rin mapigilan ang pag-usbong ng kasiyahan sa kanyang puso. Masaya niyang pinaglipat ang tingin sa mga magulang na tuwang-tuwang nagku-kuwentuhan ng patungkol sa magiging apo. Napatawa pa siya nang marinig na nag-iisip na ng pangalan ang mga ito.

Ibinaling ng ina ang tingin sa kanila. "Humihiling kami ng pardon para sa iyong ama. Sana balang-araw ay mapagbigyan ang hiling na 'yon. Wala namang imposible sa Diyos, 'di ba?"

"Ipinapangako kong magbabago na ako pag nakalaya ako," ani Daddy Gerry. "Hindi ko na rin babalaking bumalik sa pulitika. Nais ko lang makasama muli ang aking pamilya, kasama ang aking magiging apo. Iyon na lang ang nais kong gawin sa natitira ko pang taon sa mundong ito."

Tears slowly poured in Megan's eyes. She was happy. She was very happy despite everything that happened to them. At naniniwala siya na makakalaya pang muli ang kanyang ama balang-araw.

[Completed] Sweet Coffee Princesses Book 3: Megan, The City Lover PrincessWhere stories live. Discover now