Part 5

1.4K 43 0
                                    

By Michael Juha

getmybox@hotmail.com

fb: Michael Juha Full

------------------------------------

Kaya ipinagpatuloy pa rin niya ang paghahanap sa misteryosong babae. Ngunit wala pa rin siyang nahanap na clue tungkol sa babae. Pinuntahan niya ang ospital kung saan siya nadala bago mamatay at doon na niya nalaman ang pangalan ng babae. Barbara. Nakita rin niya ang address. Ngunit noong pinuntahan na niya ang lugar, napag-alaman niyang ang kaisa-isang kapatid niyang babae ay umalis din at hindi na bumalik.

Inalam ng Inay ko kung saan siya inilibing at noong nalaman niya ang sementeryo, halos inisa-isa na niya ang mga puntod makita lamang ang pangalan ng nasabing babae. Ang sabi niya, kapag nahanap daw niya kasi iyon, ang sunod niyang gagawin ay ang magbantay kung may dadalaw sa puntod.

Ngunit wala rin siyang nakita. Napag-alaman niyang wala rin daw mga kamag-anak ang magkapatid at kung mayroon man, hindi alam ng mga kapitbahay kung saan.

Tila lalo pa akong nawalan ng pag-asa, sumagi sa aking isip na hanggang sa ganoon na lang talaga ang aking mundo.

Ngunit kung ako ay nawalan ng pag-asa, hindi hindi ang aking Inay. Kahit umuulan, kahit bumabaha, kahit katatapos lamang niya sa kanyang mga gawain, umaalis pa rin siya. Hanggang sa isang araw, nasagi siya ng isang sasakyan sa daan. Nagkaroon ng bali ang buto sa kanyang paa at nahirapang maglakad. Doon rin nalaman na may sira na rin pala ang kanyang mga mata kung kaya ay nasagasaan siya. Mabuti na lang at binayaran ng nakasagi sa kanya ang gastusin sa ospital.

Dahil sa nangyari sa kanya, nabuksan ang aking isip at nabuo ang isang desisyon. "Inay... dito na lang po kayo sa bahay. Ayoko nang umalis pa po kayo. Kayo na lang po ang natira kong pamilya at kapag nawala po kayo, paano na lang ako? Huwag kayong mag-alala Inay. Dahil po sa ipinakita ninyong pagmamahal sa akin, pangako ko, hinding-hindi ko sisirain ang buhay ko. Simula ngayon, tuturuan ko ang aking sariling lumaban, kagaya sa ipinakita ninyong tatag at tibay. Pipilitin kong gawin ang lahat ng makakaya ko sa buhay inay." ang sabi ko sa kanya.

Binitiwan ng aking inay ang isang matipid na ngiti. Hinaplos niya ang aking pisngi na parang sa tingin niya ay napakaguwapo ko pa rin. "P-paano ang paghahanap natin sa mga kamag-anak ng babaeng nagbigay ng sumpa?" ang sagot niya.

"Ako na po ang maghahanap, Inay."

"P-paano ka? Paano kung may mga taong makakakita sa iyo?"

"Wala na akong pakialam, Inay. Tumawa sila kung gusto nila. Iwasan nila ako kung gusto nila. Hindi na mahalaga sa akin iyon. May karapatan din naman po akong mabuhay, Inay, di ba?"

At sa sinabi kong iyon, niyakap na niya ako. "Itong batang ito, oo. Syempre naman. May karapatan ka sa mundong ito. Lahat ng karapatan na tinamasa ng ibang mga tao, ay karapatan mo rin.

Sinuklian ko ang yakap ng aking Inay. "At ang una kong gagawin Nay, ay ang ipagpatuloy ang aking pag-aaral upang makamit ko ang pangarap mo sa akin na makapagtapos, makahanap ng trabaho at... maiahon ko sa hirap ang ating kalagayan."

Lalo pang hinigpitan ng aking Inay ang pagyakap sa akin. Hinaplos-haplos niya ang aking buhok. Noong kumalas ako sa kanya upang halikan ang kanyang pisngi, umiyak na pala ito.

"Huwag na po kayong umiyak, nay... simula ngayon, ipangako ko sa inyo na pipilitin kong maging masaya pa rin, upang magiging masaya ka rin, tayong dalawa."

"Itong batang ito, oo." Sambit niya, sabay pahid ng luha sa kanyang pisngi.

"Tayong dalawa na lang kaya ang naiwan sa mundo..." ang sambit ko.

SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon