19 - Confine

1K 55 10
                                    

Isang nakakapanindig balahibong ingay ang bumulabog sa pagkakahimbing ko nang marinig ang matalim na bagay na parang ikinikiskis nito sa pader. Nang imulat ko ng mga mata ay bumungad sa akin ang dilaw na ilaw na pumapatay-sindi. Tinanggal ko ang suot kong oxygen mask bago ilibot ang tingin sa puting kwartong kinaglalagyan ko.

Bumalik sa alaala ko ang mga nangyari sa mansyon bago ako mawalan ng namalay. Ang sunog at ang nakakalasong usok, iyon ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon at naka-confine sa hospital. 

Si Raul, kamusta kaya ang lagay n'ya? Sa tingin ko kasi ay mas marami s'yang usok na nalanghap kesa sa akin.

Kahit nanghihina ang buo kong katawan ay pinilit kong itayo ang sarili ko pero ilang hakbang palang ang nagagawa ko nang bumagsak ako sa sahig dahil sa panghihina at panginginig ng mga binti ko. 

Bumaba ang tingin ko sa nanginginig kong mga binti pero mabilis din akong napabaling sa may pinto nang muling marinig ang ingay na kanina ko pa naririnig paggising ko. Para bang dudugo ang tenga ko dahil sa nakakangilong tunog nito.  

Kasabay ng unti-unting pagbukas ng pinto ay ang nakakapangilabot na langitngit nito. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang mahahabang daliri at matatalim na kuko na lumusot sa nakaawang na pinto. Parang mga kutsilyo ang mga kuko ng nilalang dahil sa talas nito.

Mabilis akong napaatras mula sa pagkakaupo sa sahig dahil sa takot. Hindi ko na rin napigilan ang pagkawala ng mga luha ko habang nakatitig sa mapupulang mga mata na nakasilip sa labas ng kwartong kinaroroonan ko.

Isang demonyo.

Isang malakas na palahaw ang pinakawalan ko nang mabilis na gumapang papalapit sa akin ang nakakapanindig balahibong nilalang.

Mabilis akong bumalik sa higaan ko bago magtalukbong ng kumot. Isang dasal ang ibinulong ko pero kaagad din akong napatigil nang bumaon sa hita ko ang matulis nitong kuko. Halos mamilipit ako sa matinding sakit dahil sa ginawa nito. Ramdam ko ang talim ng kuko nito sa sugat ko. Muli akong napahiyaw sa sakit nang paikutin ng demonyo sa loob ng laman ko ang matulis n'yang kuko.

"T-Tama na! Ahhhh!" Sigaw ko habang namimilipit sa matinding sakit. "S-Susan—" sambit ko.

Muli akong napahiyaw sa sakit ng bumaon sa tiyan ko ang apat n'yang kuko. Nakita ko kung paano bumulwak sa ang napakaraming dugo mula sa sugat na ginawa n'ya. Iyak lang ako nang iyak. Nalasahan ko ang mapaklang lasa ng dugo na lumabas sa bibig ko.

H-Hindi! Hindi ako pupweding mamatay dito.

Marami pa akong kailangang gawin at tapusin. Hindi ko pa nalulutas ang kaso ni Mallen, hindi ko pa natatalo ang demonyong 'to at higit sa lahat ay hindi pa ako napapatawad ni Erika.

Bumuhos pa lalo ang luha ko nang maramdaman ang unti-unting pagsikip ng paghinga ko. Kasabay ng tuluyang pagbagsak ng mga talukap ng mga mata ay s'ya ring pagtawag sa akin ng pamilyar na boses ng batang babae.

"Merida!"

Si Erika.

Kahit nanghihina ay sinubukan kong imulat ang mga mata ko.

Nakakasilaw.

Nakatutok sa isang mata ko ang isang ilaw bago ilipat ng kung sino sa kabila kong mata ang liwanag.

Nasaan na ang kaninang demonyo?

"She's having an acute respiratory failure!" sigaw ng lalaking naaaninagan ko. May kung anong bagay sila na inilagay sa bunganga ko. Habang tumatagal ay mas lalo lang akong nahihirapang huminga.

"Let's go, Erika. Hindi pwede ang bata rito." Narinig kong wika ng kung sino.

"No! I need to stay by her side. She needs me," umiiyak na sagot sa kanya ng bata.

Lady of JardinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon