First Quarter

4.5K 282 249
                                    

Parang tanga.

Simula no'ng lumabas sa TV 'yon—well, actually, hindi ko naman napanood—kinukulit na ako nina Rihanna at Lovely, mga org mates ko no'ng college, na it's time for me to shine. Pero ilang beses ko na rin sinabi na ayoko nga, hindi nga ako interesado. Isa pa, wala naman kaming past ni Champ. Nag-shoot lang naman ako ng bola sa harap niya at nagsabi ng kung ano-anong encouraging words na hindi ko na rin maalala. Hindi ko nga siya matatandaan kung hindi ako kinulit nina Rihanna at Lovely, e. Eksakto raw kasi na pangalan at apelyido ko ang nabanggit sa TV. At ayun, napag-alaman nga nila na ako 'yon.

Basta ang alam ko, mas maliit siya sa 'kin noon at grade 6 ako, grade 5 siya. Pero lumipat ako ng school dahil hindi namin kinaya ang tuition. Hindi ko naman akalain na sisikat siya at magiging basketball player sa university nila at maglalaro siya bilang parte sa taon-taong APCA (Association of Philippine Collegiate Athletes).

"Girl, shuta ka," sabi ni Rihanna na nakapamewang sa harap ko. Nagkita-kita kami for the second time this week dahil lang dito. "Ikaw na nilalapitan ng biyaya, ayaw mo pa. Pupuntahan mo lang! Sasasabihin mo, 'Hey, eke nge pele se Hope, yeng senesebe me se tebe.'"

Natawa ako. "Una sa lahat, walang lalaking biyaya. Pangalawa, I won't come that far. Kung gusto niya akong hanapin, e di, siya ang pumunta. Di ko naman siya hinahanap."

"Ayan na naman po ang galit niya sa sangkalalakihan," komento naman ni Lovely. "Mabait naman si Tito, ha. Pati rin si Francis."

"Natural, pamilya ko sila."

Hindi rin naman nila maiintindihan ang galit ko sa ibang lalaki. Basta ang TL;DR ng kuwento ko kung bakit galit ako sa lahi nila ay dahil sa mga lalaki na ang utak ay nasa ari. High school 'yon, at akala yata ng isa e type ko siya porke palakaibigan ako. Sinipa ko siya diretso sa balls, pero binaligtad niya ang kuwento. Ako ang napagalitan. Ako ang nasuspende.

Hindi ako umalis sa school para bantayan ang lalaking 'yon dahil baka gawin din niya sa iba. Kaya nagpalakas ako at natutong mag-taekwando, naglagay ng masungit at nakakatakot na aura, at naging tagapagtanggol ng karamihan. Dahil do'n kaya takot sa 'kin ang mga lalaki. Sabi nga ng iba, "Titigan ka pa lang nila, mukhang iihi na sila sa pants."

Dinala ko ang personality kong 'to hanggang college.

"Tsaka fourth year college pa lang siya, paano naman siya pupunta sa 'yo?" dagdag na tanong ni Rihanna. "Ikaw 'tong mas flexi ang sched."

"E di, hindi kami magkikita. Mas gusto ko na lang magpahinga matapos kong mag-treat ng patients ko," sabi ko. Physical therapist kasi ako sa isang clinic. Depende sa dami ng pasiyente na susunod sa schedule nila ang pera ko, pero mas kumikita ako sa mga home care ko.

"Pero paano kung—paano lang ha—biglang dumating si Champ?" tanong ni Rihanna. Hinahalo niya 'yong frappe niya. "As in right now?"

"Bakit siya dadating?"

"W-wala nga lang. Malay mo lang. Anong sasabihin mo?"

"Wala, e di, dumating siya. Sabihin ko lang, 'Hi, mukha namang okey ka, ge.'"

"Gano'n lang?!" sigaw ni Lovely. "'Te, medyo ano naman, lagyan mo ng reaksiyon. Ganern. Like kiligin, matuwa—"

"Ba't ko naman gagawin 'yon kung hindi 'yon ang nararamdaman ko?" sabi ko sa kanila. Napatingin ako sa labas at Yellow Cab sa tapat. Nagutom tuloy ako bigla. Ito naman kasing dalawang 'to—kape yata ang agahan, hapunan, at tanghalian. Kape na yata ang dugo. E, ako, hindi naman ako mahilig sa kape. "Dito lang ba kayo? Parang gusto ko mag-pizza."

"M-mamaya na," suhestiyon ni Rihanna.

"Bakit? Ay, bahala kayo. Diyan na lang muna kayo. Takeout lang naman."

Buzzer BeaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon