Simula

195 20 6
                                    


"Siguro sapat na ang walang katiyakang pahinga. Kung patuloy akong hindi magsusulat, matutulad ako sa karamihan, sa mga kasabayan ko na tumigil sa kalagitnaan ng laro; pagod, hinihingal, gustuhin mang humabol pero huli na, natapos na ang laro pero hindi ang sinusulat na nobela." Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, kasabay ng pagbibigay-buhay sa mga ideyang matagal namahinga—sinimulan ang pagsulat sa nobelang ma-alamat kung maiituturing ng iba.


SIMULA

Pansamantalang tumahimik ang buong bahay, huminto at naging blangko ang tunog ng radyo, maging ang huni ng mga insekto sa tuwing ganitong oras ng hapon ay tuluyan ding napalitan nang nakabibinging katahimikan. Tinapos ko ang hinuhugasan sa kusina at lumabas, inalam kung ano ang nangyayari, inusyoso ang buong paligid at pinakiramdaman ang malamig na simoy ng hangin.

Naglinga-linga ako sa paligid hanggang sa mahanap ng aking mga mata ang bagay na nais kong makita.

Marami sila. Nandito na sila— ang mga alitaptap sa puno ng makopa.

"Akala ko kung ano na, kayo lang pala," bulong sa sarili saka tuluyang pinagmamasdan ang maliliit na ilaw  ng mga alitaptap. Pinaglalaruan nila ang aking mga mata, pinahuhupa ang kaba at ang kilabot na kanina ay sumakop sa aking pagkatao. Hindi ko na namalayan, tuluyan nang napalitan ng saya ang aking sistema; nabura ang kilabot at ang kaba; naging pamilyar at kalaunan ay tinanggap na ng aking pang-amoy ang kakaibang amoy at ihip ng hangin; maging ang kilabot sa kadiliman ng kawalan.

Bumalik ako sa reyalidad nang mapagtantong madilim na at tanging ang maliliit na ilaw na lamang ng mga alitaptap ang pinagmumulan ng liwanag. Pumasok ako sa loob at sinimulang pailawan ang mga lamparang nakakalat sa sulok ng bahay. Kapagkuwan, nagtungo ako sa kusina upang maghanda ng hapunan.

Mabilis na lumalim ang gabi, kinain ng huni ng mga insekto ang katahimikan ng buong paligid, samantalang pinagharian naman ng kalahating buwan ang himpapawid at maging ang kadiliman sa buong kakahuyan.

Pagkatapos kong kumain ay isinara ko ang tarangkahan at pinto, maging ang mga bintana.  Pumanhik ako sa aking silid at doon malayang pinagmasdan ang mga alitaptaptap.

Dumungaw ako sa bintana, pinakiramdaman ang paligid habang inaaliw ang sarili sa mga alitaptaptap na nagniningning at mistulang maliliit na butil ng ginto na isinaboy sa gabi.

Muntik na akong mabuwal sa aking kinatatayuan nang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok mula sa kung saan.  Pansin kong hindi lamang ako ang nabulabog, maging ang mga insekto at hayop sa paligid ay tila may sariling buhay na tumigil at nakiramdam.

Dali-dali kong isinara ang bintana pati ang ilaw ng lampara. Nagpasakop ako sa kadiliman habang binabayo ng matinding kaba.

Hindi iyon pangkaraniwang putok ng sumpak o kahit pa paltik, sigurado ako, baril iyon.

Nakarinig ako ng mga kaluskos at habang papalapit ay mas dumarami sila. Humugot ako ng lakas ng loob at sumilip sa nakaawang na butas, madilim ang buong paligid ngunit sapat na ang malamlam na ilaw ng buwan upang makita ko ang mga nangyayari sa labas. Hindi ko na nasundan ngunit malinaw ang inihatid na mensahe ng malansang ihip  ng hangin...

Kamatayan!


Mga Alitaptap sa Huling Gabi ng DisyembreOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz