Chapter 2 : Pana at Palaso

108 16 0
                                    

Chapter 2: Pana at Palaso

Celestrina

TINAHAK ko ang short-cut na daan para makabalik sa Baryo, mabuti na lang at kabisado ko pa ang daang itinuro sa akin ni Tiyo Gaspar noon. Dumaan ako sa tulay na nagbubuklod sa hangganan ng Baryo Masigabo at ng gubat. Matanda na ang tulay na yari sa semento at kinakalawang na bakal ngunit nakapagtataka, ang tubig na umaagos sa ilalim nito ay singlinaw pa rin ng natural nitong anyo— mapayapa itong umaagos at tumatawid patungo sa iisang direksyon, bagay na kinamulatan na ng tulay at tila nakagawian na ng mga taga-baryo na dumaraan dito. Ngunit kung susuriing mabuti, may iba pang paraan upang hindi tumawid sa iisang direksyon ang tubig. May mali nga talaga sa lugar na ito.

Huminto ako at inilibot ang paningin sa buong paligid, kung totoo man, tunay nga na hindi pa tuluyang nabubura ang malagim na nangyari noon. Makikita pa rin sa paligid at kahit sa mismong tulay ang mga bakas na iniwan at ipinamana ng mga alamat at kuwentong bayan patungkol sa lugar na ito. Halos nabasa ko na ang lahat ng kuwentong may kaugnayan sa mga nangyari rito ilang taon na ang nakalilipas pero hindi ko alam kung alin sa mga iyon ang totoo o sa kung may totoo nga ba sa mga kuwentong iyon. Marahil, pinagkakitaan na ng mga manunulat ang istoryang nakabaon sa lugar na ito; nabasa at binabasa pa rin ng mga mambabasa; at baka hanggang ngayon ay may mga tulad ko pa ring patuloy na nag-aaral at naghahanap ng tamang sagot sa kung ano nga ba talaga nangyari sa lugar na ito.

Aaminin ko, noong una ay hindi ko rin talaga alam kung saan ako magsisimula, pero ngayon, may ideya na ako kung paano isulat ang kuwento; alam ko na kung saan magsisimula. Magsusulat ako ng bagong kuwento, isusulat ko ang totoong kuwentong nakabaon at pilit na ibinabaon sa lugar na ito.

HAPON na nang marating ko ang bahay ni Tiyo Gaspar, hindi ko alam kung bakit, pero parang hindi naman short-cut ‘yong dinaanan ko, parang mas malayo pa nga iyon kaysa roon sa tunay na daan. Matapos kong ilapag sa upuan ang mga dala kong gamit at bag ay hinanap ko kaagad si Tiyo upang ibalita ang nangyari, marami akong gustong itanong sa kaniya lalo na ang tungkol sa babaeng nakatira sa paanan ng gubat. Sa dami ng taong nakasalamuha at nakilala ko, ngayon lamang ako nakatagpo ng taong kagaya ng babaeng iyon–wala siyang katulad, hindi ko mabasa ang pagkatao niya at naguguluhan ako sa istilo ng pakikitungo niya maging sa kaniyang mga ikinikilos.

Wala si Tiyo sa loob, lumabas ako't nagtungo sa ilalim ng malaking puno ng mangga, may mga upuan at lamesang yari sa kahoy na nakalatag dito at tanaw ko rin mula rito ang mga kabahayan sa ibaba; ang malalabay na puno sa Norte at ang palayan sa Timog.

Malayong-malayo sa Ciudad ang tanawing napagmamasdan ko ngayon, maging ang sariwang ihip ng hanging humahaplos sa akin. Tahimik at angkop ang lugar na ito upang makapagmuni-muni at makatakas mula sa mapait na reyalidad ng mundo. Hindi man ganoon kakompleto ang pasilidad at maging ang daluyan ng komunikasyon, hindi ito naging hadlang sa baryong ito upang mawalan ng kulay at sigla.

Ngunit sa kabilang banda, kung pagmamasdang maigi ang buong baryo, pa-unti-unting mapagmamasdan ang naghihingalo nitong kaluluwa, ang kawalan ng sapat na pasilidad at tulong mula sa bayan, ang kapabayaan ng mga nasa may katungkulan at ang tahasan ngunit hindi ganoon katingkad na panggigipit ng mga namumuno rito.

Manghihinayang ka sa mga mala-gintong-butil ng palay na sana hindi na lang nahinog at namukadkad dahil kulang na lang ay ipamigay sa mga negosyante dahil sa baba ng presyo nito; sa mga magsasakang halos magkandakuba na sa pagtatanim pero kakarampot lamang ang kinikita; at sa mga koprahan na inaabot ng isang buwan bago muling pagkakitaan ngunit sa huli’y nalulugi ang mga nagkokopra dahil sa mababang bentahan nito. 

Maaawa ka sa mga batang hindi nabigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo sa labas ng baryong ito dahil sila ay ikinukulong rito ng kahirapan at kapabayaan.  At kung bukas ang isipan mo, magsisimula kang makaramdam ng galit sa bawat magulang na nananahan at  nakokontento sa sistema ng pamumuhay rito. Pero sa huli, mapagtatanto mo rin na minsan ay naisip na rin nilang mangibang baryo at magbakasali roon pero ganoon pa rin; mahirap ang mga naghihirap at mayayaman ang umaangat.

Inilatag ko sa lamesa ang dala kong pana at palaso pagkatapos ay naupo. Habang nagpapahinga, hindi ko maiwasang hindi tignan ang kakaibang disenyo ng pana, pulido ang pagkakagawa nito pero may ilang mga detalyeng natabunan na dahil sa katandaan siguro dahil matagal na rin ito. Sunod kong inusisa ang mga palaso, binilang ko iyon nang paulit-ulit dahil parang may mali.

Lagot na! Wala naman akong natatandaang ginamit ko ito sa dalawang gabing pamamalagi ko sa gubat ah! Hays! Tiyak mapapagalitan ako nito ni Tiyo, hindi ko pa man din 'to ipinagpaalam sa kaniya. Bahala na.

Naisipan kong ilista ang mga burda at disenyong naka-ukit sa pana at mga palaso. Gamit ang bolpen at makapal na notebook na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyong nakalap ko tungkol sa baryong ito ay sinimulan kong pag-aralan ang mga nakuha ko. Iginuhit ko rin ang pana at maging ang palaso, ang mga disenyo nito at ilang mahahalagang bahagi. Nang natapos ko iyon ay muli kong binalikan at binasa ang ilang mga nakasulat sa notebook, ang mga naobserbahan ko sa baryong ito maging sa gubat, umaasa na baka sapat na ang mga ito upang mabuo at maisulat ko ang ideyang nasa isipan ko. Pero hindi, marami pang kulang, hindi pa kompleto ang mga impormasyong kailangan ko.

Sa loob ng dalawang linggong pamamalagi ko rito sa Baryo Masigabo, hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung saan ako dadalhin ng ginagawa ko– ng pagsusulat. Hindi ko pa rin alam kung tama pa ba ang ginagawa ko o sa kung may kahahantungan ba ang ginagawa at gagawin ko. Walang kasiguraduhan, hindi ko rin alam kung magagawa ko ang lahat ng nakaplano kong gawin pero umaasa pa rin ako na sana magawa ko ito nang naaayon sa katotohanan at hindi base sa artikulong isinulat ni ama. Pero, ano ba ang isinusulat ko? Ano ba ang lihim ng baryong ito?


Itutuloy...

Mga Alitaptap sa Huling Gabi ng DisyembreWhere stories live. Discover now