Chapter 3 : Sino si Anastacia?

96 15 0
                                    

Chapter 3: Sino si Anastacia?

HINDI ko na namalayan ang mabilis na paglipas ng oras, ipinasok ko sa loob ang pana at mga palaso maging ang notebook ko. Nagdesisyon akong maligo upang makapagpalit ng damit. Ewan ko ba, hapon na pero ang init pa rin. Nang natapos ako ay muli akong lumabas ng bahay, paglabas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang preskong ihip ng hangin mula sa kakahuyan, maging ang kanina ko pa hinihintay.

"O, Celeste! Nandito ka na pala, anong oras ka nakauwi?" Salubong sa akin ni Tiya. Magkasama silang dumating ni Tiyo, kapuwa may bitbit na kung anu-ano.

"Kanina lang ho, akin na ho 'yang mga bitbit ninyo at ako na ang papasok sa loob," Kinuha ko ang mga dala nila at inilagay iyon sa kusina. Hindi pa naman gano'n katanda si Tiyo Gaspar maging si Tiya, 'yon nga lang ay pareho nang namumuti ang mga buhok nila. Si Tiyo Gaspar, hindi na nakalalakad ng walang tungkod, mahina na ang tuhod niya dahil sa rayuma. Si Tiya Divina naman ay malakas pa, 'di hamak kasi na mas bata siya ng ilang taon kaysa kay Tiyo. Wala silang anak kaya noong wala pa ako rito ay tanging sila lamang ang nasa bahay na ito.

"Celeste?" tawag sa akin ni Tiyo. Iyon ang palayaw na parati niyang tinatawag sa akin lalo na kapag hindi gaanong mainit ang ulo niya. Lumabas ako sa kusina at nagtungo sa kinaroroonan nila, sa sala.

"Ano naman ang napala mo sa pamamalagi mo sa gubat? Nakapagsulat ka ba nang maayos?" panimula ni Tiyo. Nakatingin sila pareho sa akin at naghihintay ng aking magiging tugon . "Wala ho, ang totoo, hindi nga ho ako nakapagsulat ng maayos, ang dami kasing lamok." Ipinakita ko sa kanila ang braso kong namumula at may ilang maliit na sugat, medyo mahapdi rin ito at nangangati minsan kaya hindi ko maiwasang kamútin.

"Huwag mo nang kamútin at baka magkasugat-sugat pa lalo, mamaya kukuha ako ng yerba buwena para magamot 'yan," sabat ni Tiya. Bigla kong naalala ang kanina pa gumugulo sa isipan ko, "Siya nga ho pala, may nakita ho akong bahay sa may paanan ng gubat, kilala ninyo ho ba kung sino ang babaeng nakatira ro'n?"

Pansin kong kapuwa sila natigilan matapos marinig ang sinabi ko. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Tiyo sa akin at kay Tiya, para bang may nais sabihin pero tila hindi nito maisaboses. Tumikhim ako't pasimpleng binasag ang katahimikang namagitan sa aming tatlo. Nakapapanibago, hindi naman sila ganito kapag may mga itinatanong ako noon. "M-may mali po ba sa sinabi ko?"

"W-wala," nauutal na tugon ni Tiya. Hindi siya makatingin sa akin nang diretso, "Paano mo narating ang bahaging iyon ng gubat?" pagpapatuloy niya.

"Nadaanan ko lang po," pagsisinungaling ko. Ang totoo ay ginalugad ko ang buong gubat at hindi lang paanan nito ang narating ko. "Ngayon ko lang ho nakita ang babaeng 'yon dito, maging ang bahay niya ro'n."

"Si Anastacia, nakausap mo ba siya ng malapitan?"

Tumango ako at lumipat ng tingin kay Tiyo, "Pauwi na sana ako nang maabutan ko siya sa daan. Hindi ko sinasadyang masundan siya maging ang armadong kalalakihan na nasa unahan namin–"

"Sa-sandali, a-ano?" Pagputol ni Tiyo sa salaysay ko.

"Kagabi, binulabog nang malakas na putok ng baril ang gubat. Dala na rin ng kyuryosidad, sinundan ko ang pinanggalingan ng putok at napadpad ako sa kinaroroonan nila, ng mga armadong lalaki. May hinuhuli lang pala silang baboy-ramo." Ewan ko ba, pero hindi ko masabi sa kanila ang lahat nang nasaksihan ko kagabi, may kung anong kakaibang pakiramdam ang nag-uutos sa akin na putulin ko na ang pagkukuwento. Ang totoo kasi ay hindi ko naman talaga narating ang pinanggalingan ng putok, ni hindi ko nga ito nagawang puntahan dahil mas pinili kong manatili sa kinaroroonan ko, ilang metro mula sa bahay ng babaeng nagngangalang Anastacia. Buong araw ko siyang pinagmasdan sa labas ng bahay niya, nahihiwagaan kasi 'ko sa kung paano siya kumilos; mapayapa ngunit mapanganib, blangko at kakaiba.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 25, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga Alitaptap sa Huling Gabi ng DisyembreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon