01

4K 124 238
                                    


Simula

"Hindi pa ba kayo tapos d'yan?"

Sandali kong naitigil ang pagpapatas ng mga aklat matapos naming marinig ang boses ng Class President na si Shanice. Kapapasok pa lamang nito ng pinto pagkatapos ay inikot ang paningin sa apat na sulok ng silid, sinusuri kung may nabago ba matapos ang ilang oras.

"Malapit na kaming matapos! Kumusta d'on sa labas? Goods na ba?"

Malakas na boses naman ni Manuelito, ang Vice President, ang namutawi sa buong silid kahit na maiingay rin ang iba naming kaklase. Abala kami sa kan'ya-kan'yang ginagawa.

"Ayos na...sakto naman 'yung space para sa 'tin kaso may ibang hindi nailagay! Madaya ang ABM Class A, ang lawak ng space nila!"

Mula rito ay tanaw ko ang pagkakanguso ng aming Class President.

Hindi naman na kagulat-gulat 'yon. Ang ibang guro ay palaging pabor sa kabilang building, samantalang dito sa Law Building ay iilan lamang. Mas priority kasi talaga ng University na 'to ang Business Management.

Hindi rin naman maipagkakailang ang building na 'yon din ang mayroong malaking porsyento kung bakit kilala ang unibersidad na ito.

Ang ilan kasi na estudyante roon ay pandayo, lalo na sa iba't ibang bansa. Mga sporty rin ang kalalakihan sa kanila.

Kung hindi sporty, mga gifted din ang utak. Nangunguna na roon si Monterico at ang mga kaibigan n'ya. Palagi silang lumalabas sa newspaper at nalalagay sa journal ng school.

"Goods na 'yon. Ilipat na lang dito 'yung mga hindi nailagay do'n. Magkakaroon din naman ng public viewing dito sa loob," sabi ulit ni Manu.

"Iba pa rin 'yung nasa labas! Mas maraming makakakita," giit naman ni Shanice, nakahalukipkip na.

"Hayaan mo na, wala tayong magagawa." kibit-balikat na pagsuko ni Manu.

Malalim namang bumuntong hininga si Shanice at muling nagpatuloy sa pagsusuri sa 'min. Bumuhat na rin ito ng mga aklat at ipinatas iyon sa kani-kanilang lagayan.

Muli ko rin namang ipinagpatuloy ang ginagawa. Dahil ako lang ang naka-assign dito sa pinakadulo ng classroom namin, mabagal ang pag-usad ng trabaho ko.

Hindi ko naman pwedeng madaliin dahil baka dumoble lalo ang gawain ko. Kailangan kong linisin nang maayos at ipatas 'yon ayon sa pagkakasunod-sunod.

"Mine, gusto mo ba ng tulong?"

Bahagya akong napalundag sa kinatatayuan nang marinig ang boses ni Manu. Hindi ko inaasahan ang presensya n'ya sa gilid ko. Nakangiti ito sa 'kin habang buhat ang isang kahon, hinihintay ang sagot ko.

Mariin din akong napahawak sa basahang hawak pagkatapos ay umiling.

"H-hindi na. Kaya ko na ito," nahihiya ko itong nginitian pagkatapos ay muling pinasadahan ng punas ang aklat.

"Sige, kapag kailangan mo ng tulong, tawagin mo lang ako," sagot ni Manu at mayamaya lamang ay nilampasan na ako.

Kinagat ko naman ang pang-ibabang labi at tinanguan ito.

Ilang buwan na kaming magkakasama rito sa loob ng classroom pero naiilang pa rin talaga akong makipag-usap sa mga kaklase ko. Kahit kay Manu na palaging nag-i-initiate na makipag-usap sa 'kin ay hindi ko pa rin makuhang makibagay.

Minsan ay makikipag-usap lang ako kapag kakausapin. Sasagot lang kapag may itatanong. Susunod lang kapag may iuutos. Natatakot pa rin kasi akong magkamali kahit sa maliit na bagay man.

Innocent Flower [Alluring Series #4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon