KABANATA 25

28.3K 668 45
                                    

Labing-tatlo.

Gano'n karami ang walang awa nilang pinahirapan hanggang sa mamatay. Kinakalos na ako ng lakas at hindi pa ako nanghina nang ganito sa tanang buhay ko. Hindi man sa akin nangyari ang mga paghihirap, damang-dama pa rin pangangatawan ko ang lahat ng aking mga nasaksikan.

"Sana mamatay na lang ako." Iyak ng dalagitang nakapusturang nasa tabihan ko. "Natatakot ako sa kung anong maaari nilang gawin sa 'kin."

Tiningnan ko ito, bagaman hindi ko ito sinagot, dahil naging ako ma'y gusto na ring mamatay na lang. Tutal, wala na rin naman si Nathaniel. Pinatay na nila ang asawa ko. Pinaslang na nila ang mahal ko. Ang nag-iisang mahal ko na nagbigay kahulugan sa buhay ko.

Napapaluha ako habang pilit na inaalala ang bawat linya ng kanyang mukha.

Ang hugis ng kanyang matangos na ilong.

Ang kislap ng kanyang kaaya-ayang pares ng mga mata.

Ang lambot ng kanyang labi.

Ang amoy ng kanyang balat.

Ang init ng kanyang mga yakap.

Ang liwanag ng kanyang mga ngiti.

At ang sarap ng kanyang pagmamahal.

Ngayon pa lang, nasasabik na ako sa kanya. Ang isipin pa lang na wala na ito, daig ko pa ang unti-unting namamatay. Nagtatalo tuloy ang aking isipan kung gusto ko pang makawala rito, o ang hayaan na lamang na patayin na rin ako ng mga demonyong ito. Ano pa ba ang silbi na makawala ako kung wala na rin naman akong babalikan?

"In nomine magni dei nostri Satanas, introibo ad altare Domini Inferi..." Anunsyo ng demonyong nagpakilalang tunay kong ama...si Eduardo. Ito ang namumuno sa kanilang misa.

Matapos kasi ang kanilang seremonyas ng pagpatay sa labing-tatlong taong maka-Diyos, ginanap naman nila ang tinatawag nilang Itim na Misa (1). Upang sumamba at mag-alay sa kinikilala nilang diyos na si Satanas. Tumagal din ng mahigit sa isa't kalahating oras ang seremonyas. Akala ko'y tapos na nang matapos ito. Hindi pa rin pala.

"Ipagbunyi natin ang tagumpay ng iba pa nating mga kasapi sa buong mundo." Nakangising anunsyo ni Eduardo sa aming lahat. Ipinakikita na nito sa amin, gamit ang isang projector, ang iba't-ibang litrato at videos ng kanilang mga kapanalig mula sa iba't-ibang bansa.

Napanganga ako. Hindi ko akalain na gano'n na pala kalaki ang kanilang samahan sa buong mundo; na ang layunin pala'y gawin ang lahat ng mga bagay na hindi kaaya-aya sa tunay na Diyos. Kung sino-sinong tao ang kanilang ginagamit upang ipagpalaganap ang kasamaa't modernong idolatriya (2). Ang ilan sa kanila'y mga sikat at kinikilala, hindi lamang sa kanilang kani-kanilang mga lipunan, kundi pati na rin sa kanilang mga karatig bansa, magpahanggang sa kabilang ibayo ng mundo.

Mga tanyag na tao sa telebisyon, mga artista, mga manganganta, mga manunulat, mga pinuno ng mga bansa't iba pang mga indibiduwal na kinikilala at tinitingala ng mga modernong tao. Silang mga tinatawag nilang makabagong diyus-diyosan na nambibiktima ng kaluluwa ng mga panatiko. Silang mga sadyang hinihikayat ang mga tao upang sila'y tingalain, sundan, yukuan at sambahin, upang ipakita lamang sa mga tao ang kanilang mga sari-saring mga eskandalo at kawalang kahihiyan sa kanilang mga kasalanan.

Silang mga tanyag na sadyang inilululong ang kanilang mga sarili sa masasamang bisyo, upang ipakita sa kanilang mga tagahanga na ayos lamang ang manigarilyo, uminom at humithit ng droga.

LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon