KABANATA 4

43.1K 980 75
                                    

Wala na yatang mas nakakikilabot pa sa mga katagang iyon. Sinusundan daw nila ako?

Nila? Marami sila? Sino naman kaya sila? At bakit naman nila ako binabantayan?

"P-Po?" Kinakabahan ako at alam kong nahalata ito ng matanda, "S-Salamat na lang po. M-may matutuluyan naman po ako eh."

Nagsinungaling ako.

"Saan?"

"S-sa kaibigan ko po?"

"Sinong kaibigan?" Biglang tumalim ang mga titig niya sa akin, "'Yung lalaking anak ng mayamang negosyante?"

Lalo akong kinabahan. Paano kaya n'ya nalaman ang tungkol kay Marco?

"H-Hindi po..."Dali-dali kong isinilid sa aking bag ang mapuputik kong mga damit. "S-Sige po. A-alis na po ako!" Tumayo na ako bago walang isang kurap na humagunot palabas ng pintuan; walang lingunang tumakbo ako papalayo.

Dumidilim na ang kalangitan; mukhang uulan na naman. Nakabubuwisit na ganito pa ang nagbabadyang mangyari kung kailan wala na akong masisilungan. Saan nga ba ako pupunta?

Hindi ko alam.

Ayoko namang pumunta kina Marco. Nahihiya kasi ako sa mga magulang nito. Alam ko naman kasing hindi nila ako gusto, kahit maging kaibigan man lamang ng anak nila. Si Marco na lang ang kaibigang maituturing kong totoo, wala akong balak na idamay ito sa di nito kasalanang resulta ng mga kabulastugan ko.

Bahala na. Bahala na kung saan ako mapadpad. Bahala na kung saan ako dalhin ng aking mga paa sa paglalakad.

Umabot pa naman ako ng kalahating milya bago ko naramdaman ang pag-ambon. Ang pag-ambon na hindi kalauna'y naging ulan; isang malakas na ulang nagdulot ng mga sanaw at mababaw na baha sa daan.

Tumakbo ako. Bagaman hindi ko alam kung saan ako tutungo, sumigi-sige lamang ako sa pagtakbo. Wala akong nasasaisip ngayon kundi ang makahanap ng masisilungan ko. At kailangan kong gawin ito, sa lalong madaling panahon.

Hindi ko man sigurado kung saan ako eksaktong napasilong, ang mahalaga, hindi ako nababasa ro'n. Tumingin ako sa relo. Ala sais na pala ng hapon, at ang susunod ko namang suliranin ay ang paroroonan ko.

Saan ako magpapalipas ng gabi? Wala naman akong kilalang ibang kamag-anak, kundi ang kinilala kong ina. Napapaisip tuloy ako, kung tama bang tinanggihan ko ang alok sa akin ni Nana Nora kanina?

"Hija," Isang tinig ng babae na nagmumula sa aking bandang likuran. "Bakit hindi ka muna pumasok sa loob?" Isa itong madre.  Naka-belo itong itim.  Itim din ang abito nitong halos sumayad na sa lupa.

Nilingon ko ang aking kinasisilungan. Isa pala itong maliit na sinaunang simbahan o kapilya. Yari ang kabuoan nito sa magaspang na bato, na kahit saang anggulo mo sipatin, puros kulay abo.

"Pwede po ba?"

"Bakit naman hindi?" Nakangiting sagot ng madre. "Tahanan ito ng Panginoon. Ang lahat ay maaring pumasok sa loob." Binubuksan na ng Madre ang pintuan sa unahan ng simbahan. "Tamang-tama nga ang dating mo. Mag-uumpisa na ang misa, kalahating oras mula ngayon."

Napatingin ako sa kalsada. Mukha ngang may magaganap doong misa. Unti-unti na kasing nagsisidagsaan ang mga taong may kani-kanyang bitbit na payong.

"Magandang hapon po, Sister Aurora." Pagbati ng bawat parokyanong dumaraan. Nakatingin sila sa Madreng nagpa-anyaya sa akin

"Magandang hapon din naman." Sagot naman ng madre sa bawat bumabati sa kanya.

Halos mapuno na ang maliit na simbahan--o kapilya, na 'yun. Pero hindi pa rin ako makagalaw sa aking kinatatayuan. Pinagmamasdan at nililingon ko ang bawat dumaraan, bagaman ni isa sa kanila, hindi ako pinapansin sa aking kinatatayuan.

"Hija." Muling pagbaling sa akin ng madreng  tinawag nilang Aurora. "Pumasok ka na at maupo." Nauna na itong naglakad sa loob ng simbahan.

Sinundan ko ito, bago ako naupo sa dulo ng pinakahuling bangko sa kanan. Agad kong nilingon ang nasa aking kaliwa. Napansin kong may kasama itong batang babae. Nakaupo ito nang paharap sa kanya--sa mismong luhuran sa tapat nito.

"Gusto mo bang sumuksik dito?" Tanong ko sa bata, peto tiningnan lamang ako nito. Hindi ito nagsalita. "Halika rito oh!" Umuusog na ako nang pakanan, upang magkaroon ng espasyo sa aking kaliwang tabi.

"Miss." Sambit ng babae sa aking kaliwa. Nasa edad kuwarenta ito sa aking tantya "Sino ang kausap mo?"

Tumingin ako sa kanya, bago ako muling tumingin sa bata.

"S'ya." Pagturo ko sa bata, sa may harapan niya. "Anak mo ba siya?"

"Sinong s'ya?" Tanong ng babae. Sinisipat ang direksyong itinuro ko.

Natigilan ako. Muli kong tiningnan ang bata, na ngayo'y ginulantang na ako ng nakakikilabot nitong pagngisi. Nakatutok ang paningin nito sa akin, habang ang palibot ng kanyang mga mata'y tila lalong umiitim sa aking paningin.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Naging maputla na ang balat nito. Tila nagdurugo na rin ang bitak-bitak na labi nito. Kinabahan ako. Lalo pa't mukhang ako lamang na naman ang nakakakita sa batang 'yun.

Ano ba ang nangyayari? Dati-rati, sa eskwelahan lang ako nakakakita. Mukhang kahit dito sa loob ng simbahan, nagpapakita na rin sila.

'Sila'. Sino nga ba 'Sila'? Diyata't habang tumatagal, mas dumadalas ang kanilang pagpapakita.

Ipinikit ko ang aking mata. Pero lalo lamang ako nanlamig sa mga naramdaman ko. Naramdaman ko kasing kumalong ang bata sa akin. Ramdam ko rin na tila may iba pang mga katulad n'ya ang nakasilip sa aking magkabilang leeg.

Lalong tumindi ang pagtibok ng puso ko. Pilit na nagdarasal at umaasang wala akong makikitang nakapanghihilakbot kung imulat ko man ang mga mata ko.

"Tantanan niyo ako!" Hiyaw ko sa isipan ko, bago ko pabiglang iminulat ang aking mga mata.

Gamuntik na akong takasan ng ularat matapos kong makumpirma ang kinatatakutan ko.

Pitong mga kakilakilabot na mga mukha--ng dalawang batang babae, tatlong batang lalaki, isang madre at isang pari, ang halos mga nakadikit na sa aking nagkabilang leeg, magkabilang pisngi, tuktok ng ulo, pati na sa aking mukha.

Lahat sila'y pawang nakangisi sa akin, sa kakilakilabot na paraan.

[Itutuloy]

LagimDove le storie prendono vita. Scoprilo ora