"J-Janssen..." pigil ko nang isang hakbang pa ang ginawa nya palapit sa akin.
"Please, Cess. Ipapakita kong deserve kita." Pilit nya.
Napalunok ako. Lalo pa nang makita ang mapungay nya nang mata. Seryosong seryoso ang sinasabi at parang halos ay magmakaawa na.
May kaunting kurot sa puso ko. Ito lang ang kauna-unahang pagkakataon na naramdaman ko ito habang nambabasted ng lalaki.
"J-Jan, ano ba! Hindi nga pwede." Tinulak ko ang dibdib nya. Lumuwag ang hawak nya sa akin. "Ayoko, okay?"
Napapikit sya nang mariin. Parang frustrated sa kung ano. Pinigilan ko ang sarili na bawiin ang sinabi ko. Sure, naaawa lang ako sa kanya kasi ngayon lang talaga ako nakakita ng ganito ka-desidido na lalaki.
Ibinaling nya ang mukha sa kaliwa at nagpakawala ng malalim na hininga. Nagulat ako nang ngumiti sya pagkatapos saka bumaling muli sa akin.
Nakangiti na.
"Manliligaw pa rin ako kahit ayaw mo." Bulong nya.
"Pero--"
"Sabi ko sa'yo kapag gusto ko, pinaghihirapan ko hindi ba? Paghihirapan kita, Miss Princess."
Kinurot nya ang dalawang pisngi ko. Kung may kinaiinisan man ako, ito iyon. Iritado kong pinalo ang kamay nya hanggang sa bumitiw sya. Kaya naman tawa sya nang tawa nang nagmartsa pabalik sa mesa para ituloy ang pagkain.
Sinamaan ko sya ng tingin. Nakangisi lang ito habang kumakain. Ang sakit ng pagkakapisil nya. Ang laki kaya ng kamay nya! Nakakabwisit talaga itong lalaking ito!
Nang narealize na wala akong mapapala sa pagtingin ng masama kay Janssen, nagdesisyon na akong pumasok at bumalik sa trabaho.
Nagsimula ako sa pagluluto pero ganoon pa rin. Lumilipad ang isip ko lalo sa naging takbo ng usapan namin ni Jan. Manliligaw daw sya kahit ayaw ko.
Tsk! Sinabi ko na kasing ayaw ko. Bakit ayaw nyang paawat? At ano naman kaya ang paraan nya ng panliligaw? Ganito rin kaya na bibigyan nya ako ng iced tea?
Eh di makukunsensya na naman ako? Kanina kasi napansin ni Ate Lou na naging tahimik si Janssen pagkatapos ng break nito. Hindi rin masyadong lumapit iyon sa amin.
Si Bonok ang panay abot ng orders. Kaya sya ang napagtanungan ni Ate Lou tungkol kay Jan.
"Mukhang tahimik si Jan ngayon, ah Bonok?" Usisa ni Ate Lou.
Makahulugang ngumisi sa akin si Bonok. Inagapan ko iyon ng irap.
"Malungkot po. Hindi kasi tinanggap ni Cess yung iced tea na bigay nya eh."
Napasinghap si Ate Lou sabay tingin sa akin.
"Binigyan ka nya ng iced tea?" Hindi sya makapaniwala.
Tamad akong nagkibit balikat.
"Binigyan sya Ate Lou. Hindi nga lang nya tinanggap. Kawawa nga po si Jan. Pina-salary deduction pa naman nya iyon."
"Talaga?" Pasimple akong tinitigan ni Ate Lou bago itinuon muli kay Bonok. "Ano na ang ginawa nya sa iced tea? Sya na ang uminom?"
"Hindi po. Tinapon nya na lang."
Pinigilan ko ang malakas na pagsinghap. Tinapon ang iced tea na tinanggihan ko. Bakit nya hinayaang ganoon? Bakit hindi nya na lang ibinigay sa iba?
"Hinihingi ko nga po kaso ayaw nya talaga. Para raw kay Cess iyon. Kaya mas gugustuhin pa raw nyang itapon na lang kaysa ibigay sa iba."
Hindi ko tuloy masalubong ang titig ni Janssen hanggang matapos ang oras ng trabaho. Tingin ko, kahit dapat ay hindi naman ako apektado, nakukunsensya pa rin ako. Nasayang ang pera nya.

YOU ARE READING
Borrowed (Gold Digger Series #1)
General FictionPangarap ni Princess Malvar na makapangasawa ng mayaman para maipagamot ang lola niya at maipagpatuloy ang pag-aaral. Ayos lang kahit hindi gwapo, matalino o kahit hindi niya mahal. Ang mahalaga, mayaman. Kaya lang, kay Jan Reyes nahulog ang loob n...