"This is rather disappointing, Princess." Si Sir Dino nang makarating sa kanya ang nangyari.
Yumuko ako dahil hindi ko kayang salubungin ang tingin nya. Napakabait nya sa akin. Mula pa noong napilitan syang tanggapin ako rito kahit pa kulang ng ilang buwan ang edad ko.
Para lang tanggapin nya, halos nagmakaawa ako. Ipinangako kong magdodoble sipag ako at ipapakitang matino ako. Na hindi ako kailanman magiging sakit ng ulo.
Kaya hiyang hiya ako ngayon habang nakaupo sa katapat ng mesa nya.
Namuo ang luha sa mata ko dahil damang dama ko ang disappointment sa bawat matalim na paghinga nya. Gusto kong magsalita at ipagtanggol ang sarili.
Oo nga at mali na itinulak ko si Kath dahilan para pumutok ang noo nya. Pero pinagtanggol ko lang naman ang sarili ko. Dahil sa kagagawan nya, lapnos ang palad ko.
Sa dami ng nararamdaman ko sa loob loob ko, hindi ko na talaga nararamdaman ang sakit ng pagkapaso. Mas natatakot ako. Nalulungkot. Naaawa sa sarili.
Kahit gusto kong magpaliwanag, pipiliin ko na lang na manahimik dahil alam kong maiiyak lang ako kapag nagsalita pa.
"Pasalamat tayo na konti lang sa mga customers ang nakakita at hindi nagkaroon ng komosyon." Walang pasensya nyang paulit ulit na pinalo ang mesa sa pinipigilang inis.
"S-sorry, Sir." Mahina at nanginginig kong sabi.
Ilang ulit akong kumurap para mawala ang nagbabadyang luha. Hindi ako kailanman napahiya ng ganito dahil maingat ako sa lahat ng bagay.
"You're suspended for five days. Effective immediately." Sabi nito.
Kaya naman alas dos ng madaling araw, sa kabila ng dilim at lamig ng ihip ng hangin ay naglakad ako pauwi. May mga tricycle pa naman pero tinanggihan ko. Hindi ko na inisip kung delikado ba. Wala na akong pakialam. Gusto ko na lang mapag isa.
Hindi ko na nakita sina Kath at Janssen bago umalis. Hindi ko rin alam kung gusto ko ba silang makita. Nag offer si Bonok na ihatid ako pero hindi ko sya nasagot at nilampasan na lang.
Suspended ako. Limang araw. No work, no pay. Saan ako pupulutin nito? Wala akong magiging choice kung hindi galawin ang kakarampot na ipon.
Hinang hina akong naupo sa tapat ng pinto ng bahay nina Lena. Ayokong umuwi. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag kay Lola at kay Tiyang ang nangyari.
Tulog na tulog pa sina Lena. Pero mas gugustuhin ko na lang na dito na muna maghintay hanggang mag umaga. Ipagagamot ko ang sugat sa kamay. Nararamdaman ko na ang sakit nito. Parang tumitibok at ramdam ko na ang kirot.
Tinitigan ko ang paso ko. Sakop ang buong palad ko at kaunting parte ng mga daliri. Lumolobo na at namamaga pero sumagi sa isip ko ang mas masakit na salita ni Janssen.
Mapait akong napangiti sa kawalan. Inaamin kong hindi naman ako Santa. Pero wala naman akong itinagong ugali sa kanya. Ipinakita ko kung sino ako. Na hindi ako mabait at hindi ako ideal girlfriend. Sya ang lumapit lapit at nangulit sa kabila noon.
Kaya huwag nyang masabi sabi na ako ang may masamang ugali rito! Ugali nya ang lumalabas. Mali ang pagkakilala namin ni lola sa kanya. Bwisit sya.
Ayoko na syang makita kahit kailan. Sinusumpa ko silang dalawa ni Kath. Isang sinungaling at isang uto uto! Bagay na bagay kaya magsama sila!
Hindi na ako babalik sa Del Prado. Suspended lang ako pero sa susunod na balik ko, sisiguraduhin kong resign na ako. Marami pa namang ibang restaurant dyan. Nanatili lang ako sa Del Prado dahil iyon ang pinakamalapit. Sa kabilang bayan, meron naman doon. Mas malaki pa ang pasahod.

YOU ARE READING
Borrowed (Gold Digger Series #1)
General FictionPangarap ni Princess Malvar na makapangasawa ng mayaman para maipagamot ang lola niya at maipagpatuloy ang pag-aaral. Ayos lang kahit hindi gwapo, matalino o kahit hindi niya mahal. Ang mahalaga, mayaman. Kaya lang, kay Jan Reyes nahulog ang loob n...