Nanlaki ang mata ko nang makita si Tiyang sa bungad ng kwarto ni Janssen. Pulang pula sya sa galit habang dinadaanan ng mata ang ayos namin.
Jusko...Jusko!
Kabog lang ng dibdib ko ang naririnig ko. Hindi ko alam kung itutulak o hihilahin ko palapit si Janssen para takpan ang katawan. Nanginginig kong hinila ang balikat nya. Niyakap nya ako nang mahigpit.
"Malandi kang babae ka!" Sigaw ni Tiyang sabay hagis ng isang malaking bag sa direksyon namin.
Nasangga iyon ni Janssen. Bumangon sya, walang pakialam kung walang saplot at mas humigpit ang yakap bilang proteksyon nang mas lumapit sa amin si Tiyang. Pilit nitong inaalis ang yakap ni Janssen sa akin. Hindi sya kailanman naging bayolente sa akin pero nakita ko kung paano sya nakipag away noon sa kapitbahay na nagkalat ng chismis sa kanya.
Hindi sya nagpapatalo. Kung nasugatan mo sya, sisiguraduhin nyang maoospital ka. Kaya habang nakikita ko ang mata nya, na nagpupuyos sa galit, at kamay nyang agresibo para lang maabot ako, takot lang ang naramdaman ko hindi lang para sa akin kundi para na rin kay Janssen.
"Napakakapal ng mukha mo! Wala kang pinag iba sa Ate mo. Mga malalanding salot sa buhay ko!" Sigaw nito.
Nahila nya ang buhok ko at malakas akong napadaing sa sakit. Malakas ding napamura si Janssen.
"Tiyang..." Naluluhang pagmamakaawa ko na bitiwan ako.
Sa halip, mas dumiin pa iyon. Napapikit ako, hindi kinakaya ang kahihiyan at sakit. Ramdam ko ang pakikipagpalaban ni Janssen kay Tiyang para bitiwan ako. Ilang beses pa syang nagmura.
"Akala mo hindi ko mapapansin kung bakit lagi kang tinatanghali ng uwi galing trabaho? Ha? Tonta! Malandi ka!" Hindi tumigil si Tiyang.
"Tama na!" Umalingawngaw ang sigaw ni Janssen sa buong bahay.
Isang kalabog ang sunod kong narinig. Nang mag angat ako ng tingin, nakita ko si Tiyang na nakasandal sa pader at hawak hawak ang braso nya, dumadaing at ilang santo na ang natawag.
Sa isang mabilis na galaw, nakuha ni Janssen ang kumot at itinapis sa akin. Kinuha rin nya ang tuwalya sa gilid at itinapis sa baywang nya.
Madilim ang mukha ni Janssen at panay ang igting ng panga habang nakatingin kay Tiyang. Huling beses na nakita ko syang nagalit ng ganito ay noong pinagsusuntok nya si Denver.
Hinawakan ko ang kamao nyang nakakuyom. Saglit nya lang akong tiningnan bago pumunta sa harap ko para itago ako mula kay Tiyang.
"Wala kang respeto! Isa kang bastos na lalaki--" sigaw ulit ni Tiyang nang makabawi.
Pero hindi sya hinayaan ni Janssen. Agad nya itong pinutol.
"Ikaw ang unang nambastos sa amin. Pumasok ka sa lugar ko nang walang pahintulot." Singhal ni Janssen. "Ano rin ang karapatan mong pagsalitaan at saktan ang girlfriend ko?"
"Malandi iyang girlfriend mo. Bobo! Hindi nag iisip kasi pinatulan nya ang katulad mong walang mararating sa buhay."
Natahimik ang buong bahay. Gusto kong magsalita pero umaatras ang boses ko. Matatanggap ko naman ang insulto sa akin. Pero kapag sa mga taong mahal ko, hindi ko iyon kaya. Ako ang mas naaapektuhan.
"Totoo hindi ba? Wala kang mararating. Habambuhay na waiter! Ito namang malandi kong pamangkin, hindi nag iisip. Manang mana sa Ate nya. Napakatanga!"
"Umalis na ho kayo rito." Ani Janssen sa mababang boses.
Damang dama ang panggigigil ngunit matinding pagpipigil doon.
"O bakit? Naiinsulto ka? Totoo naman. Mahirap ka lang at idadamay mo pa itong tatanga tanga kong pamangkin."

YOU ARE READING
Borrowed (Gold Digger Series #1)
General FictionPangarap ni Princess Malvar na makapangasawa ng mayaman para maipagamot ang lola niya at maipagpatuloy ang pag-aaral. Ayos lang kahit hindi gwapo, matalino o kahit hindi niya mahal. Ang mahalaga, mayaman. Kaya lang, kay Jan Reyes nahulog ang loob n...