Chapter Eleven

601 22 2
                                    

"Lena, nakita mo ba si Sid?" tanong ni Gabby sa receptionist.

"Eh, Ma'am Gabby, may dumalaw po kasing babae dito kanina. Hinahanap po si Sir Sid. Hindi pa naman po sila lumalabas kaya baka nandito lang po sila sa building."

Sukat sa sinabi ng receptionist ay nagtaasan na naman ang mga kilay niya. Hinahanap niya si Sid dahil gusto niya sanang mag-sorry dito. Kahit gaano pa siya kaasar kay Sid ay below the belt naman ang sinabi niya. Hindi naman siya tinuruan ng daddy niya na mambastos ng empleyado. Aminado din siya na siya ang sumobra sa pagkakataong iyon. Kaya nga lang ay paglabas niya ng kwarto ay wala na ito.

Iyon naman pala ay nakikipagtagpo sa mga babae niya! Ngitngit ng isip niya.

Hinanap niya si Sid. Natagpuan niya ang damuho sa loob ng canteen habang nakikipagtawanan sa isang batam-batang babae. Kahit sa distansyang kinatatayuan niya ay halata na masaya si Sid. Pumutok ang butse niya sa nakita.

"Nag-alala pa ako sa'yong herodes ka. May katagpo ka naman palang ibang babae," inis na sabi niya.

Mabilis siyang nagmartsa papunta sa lamesa ng dalawa. Si Sid ay agad na nakita ang pagdating niya. Tumiim na naman ang mukha nito. Mukhang masama pa ang loob nito sa kanya.

Puwes, magtiis ka! Hindi siya papayag na kunin ng ibang babae ang oras na dapat ay sa kanya inilalaan ni Sid.

"Hinahanap kita. May kasama ka pala," sarkastikong sabi niya.

"Oo, Boss. Nakaka-abala ka," sarkastiko ding baling nito.

Tinawag pa siya nitong boss, iinsultuhin din naman pala siya! Pero siya ang may kasalanan kaya tatanggapin na niya.

"Look, Sid. Hindi ko dapat sinabi sa'yo 'yon," pag-amin niya ng kasalanan.

"You're not even saying sorry," sabi pa rin nito.

Hindi ba nito nakikita na hirap na hirap na siyang magpakababa sa harap nito?

"Ano ba ang gusto mo? Kumain ako ng apoy para patunayan sa'yo na nagsisisi ako?" asar na sabi niya.

Tumaas ang kilay ni Sid. "Kung ayaw mong mag-'sorry,' wala namang pumipilit sa'yo."

Mawawalan na sana siya ng pag-asa na mapapatawad pa siya ni Sid kung hindi lang niya nakitang nagniningning ang mata nito. He was also teasing her. Nakahinga na siya nang maluwag doon. Pero hindi pa rin nawawala ang inis niya.

"Kung gano'n pala, bumalik ka na sa opisina mo."

Ngumisi si Sid sa kanya. Ipinagsalikop pa nito ang braso sa dibdib at naghahamong tumingin sa kanya.

"Hindi pa pwede. Hindi mo ba nakikitang may kausap pa ako, Boss?" tudyo pa nito.

Taas ang dalawang kilay ay nilingon niya ang babaeng kausap ni Sid. Sinusubukan nyang sindakin ang babae.

In fairness, marunong talagang pumili ng babae itong sekretarya niya na ito. Mukhang disi-otso lang ang babae. Morena ang kulay ng balat nito at maamo ang mukha. Hindi rin ito sopistikadang magdamit pero halata sa paraan ng pagkakaupo nito na may breeding ito. Bata pa rin naman siya sa eded na beinte-sais, pero pakiramdam niya ay ang tanda na niya kumpara sa babae.

At bakit naman niya ikinokompara ang sarili sa babae ni Sid?! Nasisiraan na nga ata siya ng ulo.

"You must be one of Sid's girlfriends," walang awa niyang sabi sa babae dala ng inis. Sinadya niyang dagdagan ng 's' ang girlfriend. Kuha nga niya ang reaksyong gusto niyang makuha. Kitang-kita sa mukha ng babae ang pagkalito. "Hindi ko alam kung anong usapan niyo ni Sid. Pero nagta-trabaho siya at kinukuha niyo ang oras ko. Kung maglalandian lang kayo, humanap kayo ng ibang building. Huwag sa pag-aari ko. Baka hindi kita matantiya."

Seasons 3: The Fall of AutumnWhere stories live. Discover now