Chapter Fourteen

437 19 0
                                    

"Gabby, dito bilis! Pa-picture tayo dito!" nasisiyahang hila ni Nanay Nene kay Gabby sa kalumpon ng tao. Tumigil sila sa tapat ng isang lumang bahay na makulay. "Sid! Dito, bilis!"

Nasa Lucban sila para sa Pahiyas Festival. Napakaraming tao at nakikipagsiksikan silang lahat sa mga turista. Kung sa ibang pagkakataon ay susuko si Gabby. Hindi siya sanay makihalubilo sa mga ganitong tao. Kahit noong nasa high school siya ay wala siyang masyadong kaibigan dahil ilag lahat sa kanya. Ngayon lang na tumanda siya ay saka niya nakilala sila Nica at Atasha. Sa dalawa lang magaan ang loob niya.

Pero ngayon ay masaya na rin siya na nakikihalubilo siya sa mga ordinaryong tao lang na hindi miyembro ng alta sosyedad. Hindi niya naisip na dadating ang araw na magugustuhan din niyang makipagsiksikan sa mga ito.

"'Nay, huwag niyong masyadong hilahin si Gabby. Baka hindi ko na 'yan maiuwi ng buo. Hindi 'yan sanay sa mga ganito," saway ni Sid dito.

Napalingon siya kay Sid na nakasunod lang sa kanila. Ito ang may hawak ng camera at kanina pa sila kinukuhanan ng litrato. Mas nahihirapan itong makisiksik sa mga tao dahil na rin malaking lalaki si Sid.

"Hayaan mo na. Minsan lang 'to eh. Gusto kong may maraming picture kami nitong si Gabby," ungot pa ni Nanay Nene.

Naaaliw na nagkatinginan sila ni Sid. Nagpapaumanhin ang tingin nito, pero mukhang sayang-saya naman. Nagthumbs-up siya dito para ipaalam na ayos lang siya. Nang lumapad ang ngisi ni Sid ay nasiyahan siya.

"Smile, Ate Gabby!" sabay na wika pa ni Nanay Nene at ni Gelai na parehong nakalambitin sa kanya.

Pagkatapos ay niyaya pa siya ng mga ito na maglibot-libot sa buong bayan. Lahat na lang ng bahay ay tumigil si Nanay Nene at si Gelai at nagpapakuha ng litrato. Masayang pinagbigyan niya ang mga ito. Kapag may panahon silang pamilya ay yayayain niya ang daddy niya at si Andy na mag-bonding din sila.

"Boss," tawag ni Sid sa kanya.

Nang lingunin niya ito ay may inilagay itong malaking straw hat sa ulo niya. Kulay dilaw iyon na nahaluan ng kulay pula. Nasisiyahang pinagmasdan siya ni Sid.

"Ganda!"

Walang babala nitong pinindot ang camera. Nanlaki ang mata niya.

"Hindi pa ako naka-pose!"

Pero habang nagsasalita siya ay patuloy pa rin ang pagkuha nito ng litrato sa kanya. Hanggang sa tinigilan na lang niya ang pagprotesta at natatawang naglalakad patalikod habang nakatingin kay Sid. Si Sid ay tumuwid ng tayo at ibinaba ang camera. May ngiting sumilay sa labi nito at inabot siya sa pagtitili niya.

"Huli ka!" natatawang sabi nito habang iniipit ang leeg niya sa braso nito.

Lumapad ang ngisi niya nang pagsalikupin ni Sid ang mga daliri nila. Hawak-kamay nilang nilibot ang buong bayan habang si Nanay Nene at si Gelai ay hindi pa rin tumitigil sa pagkukuha ng litrato. Nagulat pa sila nang sabay na tumigil ang dalawa at ngumisi sa kanila.

"Gabby, sayaw tayo doon."

Nahihindik na napatingin si Gabby sa kumpulan na itinuturo ni Nanay Nene. May malaking radyo doon na nagpapatugtog ng maharot at maingay na awiting pambaryo. Puro matatanda ang mga nagsasayaw sa tabi noon na paikot-ikot at patalon-talon. Ang mga dumadaang mga turista ay kinukuhanan ng litrato ang mga iyon.

"'Nay, hindi ako marunong sumayaw," pigil niya sa braso nito.

Hinawakan ni Sid ang braso niya. Nang tingalain niya ito ay nagniningning ang mga mata nito.

"Tara, sayaw tayo."

"No! Ayaw ko!"

Pero walang nagawa ang protesta niya nang hinalihin siya ni Sid sa gitna pa talaga ng kumpulan. Mukha siyang tanga na nakatayo lang sa gitna niyon

"Desiderio, balak mo bang ipahiya ako?" she hissed at him.

Hindi ito natigatig sa kanya. "Dance with me, Gabby."

Hawak ang kamay niya ay nagumpisa na ring umindak si Sid. Ginaya nito ang ginagawa ng mga matatanda at nagpatalon-talon din kasabay ng maingay na musika. Napatunganga na lang siya dito. Si Sid lang ang tanging hindi katawa-tawa sa mga iyon. His movements were very graceful. Mukhang siyang-siya ito habang nakatingin sa kanya. Ngayon lang niya nakita si Sid na ganito kasaya. Bigla ang pagbulusok na naman ng hindi maipaliwanag na damdamin sa puso niya habang pinapanood ito.

Nang mag-umpisa si Sid na ipaikot siya sa saliw ng musika ay hinayaan niya ang sarili na magpatianod dito. Nakikitawa na rin siya kesyo matapi-tapilok na siya sa pagsabay sa mga taong nagsasayawan. Pero nakaalalay lagi ang mga braso ni Sid sa kanya. Nakikisabay na rin ang tawa niya sa mga tawa ni Sid. Kapag may nakakita sa kanya na isa sa mga reporters ay tiyak na mababalita siya sa tabloid. Parang nakikinita na niya ang headline – Heiress Gabrielle Montecillo dancing with a nobody in a god-forsaken place.

Ngayon lang sa buhay niya na gumawa siya ng bagay na hindi kasama sa kalkulasyon niya. Pero wala na siyang pakialam. Ayaw niya munang isipin kung anong nangyayari sa kanya ngayon. Wala na rin siyang pakialam kung walang maidudulot na maganda sa kumpanya ang ginagawa niya.

For the first time, she just wanted to enjoy this moment with Sid without thinking of tomorrow.

Seasons 3: The Fall of AutumnWhere stories live. Discover now