31

1.1M 46.1K 166K
                                    


"Sobrang busy mo na yata... Ngayon lang tayo nagkita ulit." 


Sumulyap ako kay Arkin na nakahiga sa kama ko at nakatingin sa kisame, malalim ang iniisip, habang ako ay nakaupo sa tapat ng study table ko at nag-aaral. Tatlong araw na yata kaming hindi nagkikita dahil masyado siyang naging busy sa tapings niya at sa mga meetings. Hindi na rin siya masyadong nakakapag-text kaya nagulat akong pumunta siya rito. 


"Arkin," tawag ko ulit dahil mukhang hindi niya ako narinig. Natauhan siya bigla at lumingon sa akin bago ako binigyan ng ngiti. "Ano ba 'yang iniisip mo?" 


"Wala, love..." Tumayo siya mula sa kama at naglakad palapit sa akin. Huminto siya sa may likuran ng upuan ko at niyakap ako sa leeg. Binaon niya ang mukha niya roon at suminghap. "Anong inaaral mo?" 


"Wala 'to." Sinara ko ang notes ko at nilagay ang kamay ko sa ulo niya para laruin ang buhok niya. Alam kong may iniisip siya pero hindi niya masabi-sabi sa akin kaya hanggang ganito na lang ako. Comfort na lang ang kaya kong ibigay sa kaniya. "I love you," bulong ko. 


Naramdaman kong napangiti siya sa sinabi ko bago ako hinalikan sa pisngi. Tumayo ako para bumalik sa kama pero umupo siya roon sa study chair ko at hinatak ako para maupo sa mga binti niya. Pagkatapos ay niyakap niya lang ako, hindi nagsasalita. 


"May problema ba sa trabaho?" tanong ko sa kaniya. 


Umiling siya sa akin at sinandal ang ulo sa likuran ko. "I love you," bulong niya. Nang hindi ako nakasagot kaagad ay paulit-ulit niyang binulong sa akin 'yon na para bang gusto niyang kumbinsihin ako na mahal niya ako. Alam ko naman na 'yon. "I love you... I love you... Mahal kita, Via." 


"You're acting weird," sabi ko naman sa kaniya at sinubukang lingunin siya pero masyadong mahigpit ang yakap niya sa baywang ko. 


Napatingin ako sa mga kamay niyang nakapalupot sa akin at napansing wala siyang suot na bracelet ngayon. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at hinaplos 'yon.


"Nasaan 'yong bracelet?" tanong ko sa kaniya. 


Parang naestatwa siya sa tanong ko. Lumuwag saglit ang yakap niya sa akin kaya nakalingon na ako sa kaniya. Walang reaksyon sa mukha niya at natulala saglit bago tumingin sa akin at ngumiti nang alanganin.


"Nawala ko, Via..." mahinang sabi niya. 


"Ha?!" Napatayo ako sa gulat. "Kailan pa?" Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Ako naman ang nagsabing huwag niyang suotin 'yon pero wala naman siyang schedule ngayon at walang nakakakita. Kaya pala hindi niya na suot. 


"Ah... Hindi ko matandaan." Umiwas siya ng tingin at napakamot sa ulo. "Saka ko lang napansin na nawawala... Hayaan mo. Gagawan na lang kita ng bago..." Parang wala siya sa sarili niya habang nagsasalita. 


Tinignan kong mabuti ang mukha niya. "Nagsisinungaling ka ba?" Deretsahang tanong ko nang mapansin. 


Hindi siya nagsalita at kinagat ang ibabang labi. Matagal akong naghintay ng sagot mula sa kaniya kaso biglang tumunog ang phone niya. Sinagot niya iyon nang makitang manager niya ang tumatawag bago siya naglakad palayo sa akin. Lumabas pa siya ng kwarto ko. Nagtaka ako sa inaakto niya kaya naman dahan-dahan akong sumunod para makita kung saan siya pupunta pero umupo lang siya sa may hagdan. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon