KABANATA 03: Ang Mga Tinugis | Malaya

5.5K 514 333
                                    

AUTHOR'S NOTE: Heto na ang ikalawang storyline ng ARIA kung saan tampok ang pangalawang POV character (MALAYA) at bagong set ng mga tauhan. 

MALAYA

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

MALAYA

SANAY NA si Malaya sa sakit—mapa-pisikal, mental o emosyonal. Balewala na sa kanya ang sakit habang paulit-ulit na pinupukpok ang matulis na buto sa kanyang kanang palad. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at napakagat ng labi habang tinutusok ng matulis na dulo ng buto ang balat niya. Ngunit walang sinabi ang sakit na 'yon kumpara sa kanyang mga pinagdaanan. Hindi siya napaaray, pero napangiwi siya sa bawat pukpok.

"Hayan, tapos na!"

Iminulat niya ang kanyang mga mata at tiningnan ang kanyang palad. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang apat na konsentrikong bilog na mukhang kilapsaw. Sariwa pa ang sugat at medyo kumikirot pa. Ngunit hindi niya 'yon alintana. Ang pinakamahalaga sa kanya ay nagkaroon na siya ng tatak.

"O, 'di ba? Hindi masyadong masakit?" tanong ng matandang babae na puti na ang buhok at kulubot na ang balat. "Basta huwag mo munang babasain o ipanghahawak ng maruming bagay. Baka maimpeksyon ka."

"Maraming salamat po, Apo!" Tumayo na si Aya at lumabas sa kubo ng matanda. Muli niyang tiningnan ang tatak sa kanyang palad. Hindi pa rin niya naiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ito. Pinapangarap na niyang magkaroon nito mula nang maliit pa lamang siya. Ngayon, nasa kanya na.

"Naiyak ka yata sa loob?" tanong ng lalaking nakasandal sa poste at nakakrus ang makikisig na braso. Naka-bun ang buhok niyang medyo may kahabaan, para siguro mas komportable sa ulo't mukha niya. Matikas ang kanyang tindig at matipuno ang pangangatawan. "Akala ko ba'y kaya mong tiisin kahit anong sakit?"

"Hoy, Miro!" tawag ni Aya sabay lapit sa kanya. Kaunti lamang ang agwat ng kanilang tangkad, ngunit kinailangan pa niyang iangat nang bahagya ang ulo para magsalubong ang kanilang tingin. "Narinig mo ba akong humagulgol sa loob? Hindi, 'di ba? Huwag mo akong igaya sa 'yo. Sabi ni Apo, naihi ka raw nang tatakan ka niya."

Umalis sa pagkakasandal si Miro, kumunot ang noo. Namula ang mukha niya. "Hindi totoo 'yan, ah! Paano ako iiyak o maiihi? Parang kagat ng langgam 'yan."

"Baka sanlibong langgam?"

Natawa ang dalawang magkaibigan.

Nakilala ni Aya si Miro nang dumating siya sa puweblo ng Polesin apat na taon na ang nakalilipas. Siya ang una niyang naging kaibigan dito dahil magkatabi ang kanilang tinutuluyan. Meron siyang ate na kasama, ngunit hindi siya nagkaroon ng kuya. Parang nakatatandang kapatid na ang turing niya kay Miro, at parang nakababatang kapatid naman ang turing ni Miro sa kanya.

Maliban sa pagiging magkapit-bahay, pareho ang pinagdaanan nina Aya at Miro. Hindi lamang sila, kundi maging ang iba pang residente sa puweblo. Nananalaytay sa mga ugat nila ang dugo ng mga bastardo. Ilang henerasyon na ang nakalilipas, naanakan ng hari ng Arcerea ang ilang karaniwang babae. Ang mga lolo't lola nila ay maituturing na anak sa labas. Dahil sagrado ang dugo ng Kamahalan, hindi 'yon tanggap ng mga maharlika at tinawag itong kalapastanganan ng Iglesya ni Arcanus kaya sila'y ipinatugis. Mula sa Polarcus, lumisan ang mga ninuno nila at nagtago sa mga karatig na probinsya. Ang lola ni Aya, ayon sa kuwento sa kanya, ay nakarating sa Polesin at dito na nanirahan.

Aria of the Arcane ①Where stories live. Discover now