Kabanata 6

2.2K 75 2
                                    

Kabanata 6

Above the Sea of Fog

"Ganda ni Ma'am Camila, ano?" tanong sa akin ni Alice habang nasa gilid kami at namamahinga. Walang masyadong customer ngayon ang resto kaya mabilis lang ang pagliligpit at pags-serve.

Nilingon ko ang tinitingnan  ni Alice. Kumunot ang noo ko nang makita ang isang pamilyar na babae na nakaupo na ngayon sa upuan at pinagsisilbihan ng isa naming kasamahan.

"Kilala mo?"

"Sus! Sinong hindi makakakilala diyan? Pinsan iyan ni Sir Wyatt!"

"P-pinsan?"

"Oo! Hindi ba't nakita mo na siya noon? Nandito siya noong nakaraan sa resto kasama si Sir Wyatt. Ano bang akala mo sa kaniya? Asawa ni Sir?" natatawang tanong niya sa akin.

Napanguso ako. "Akala ko girlfriend ni Sir. Hindi halatang pinsan niya."

"Sikat na si Ma'am Camila sa Costa noon pa man. Sumasali 'yan sa surfing competition at nananalo rin naman. Ibig bang sabihin ay hindi mo pa siya nakikita noon?"

"Hindi. Hindi rin naman ako nanunuod ng competition kaya hindi ko rin alam."

"Naku! Kalahati ng buhay mo di mo pa nae-explore talaga 'tong Marina. Sa susunod ay mag-skip ka naman sa trabaho at sumama sa amin sa panunuod para naman hindi ka masyadong clueless." Naiiling niyang sabi at inakbayan ako. Nagpatuloy siya sa pagpuri kay Ma'am Camila at halos lahat ay pinapansin ni Alice sa kaniya.

Talagang hindi ko makitaan ng pagkakahawig ang dalawa kaya hindi ko rin naman nahalatang magpinsan sila. Lalo pa't halos nakikita kong iba-iba ang babaeng dinadala ni Sir Wyatt, kaya hindi rin naman malabong mapagkamalan ko ang pinsan niya na kabilang sa kaniyang koleksyon.

Sobrang ganda pala ng lahi nila, ano? Matatangkad at mapuputi. Halos walang tapon sa kagandahan lalo na kapag ngumingiti, lalong umaaliwalas ang mukha. Hindi ko lang din maiwasang isipin kung ano ba ang pakiramdam na hinahangaan ka ng mga tao kahit na wala ka namang ginagawa. Gusto kong maramdaman kung gaano ba kasarap na magkaroon ng buhay na hindi mo na kailangang maghirap. Kung magkakaroon man ng problema, siguradong hindi iyon malaki kumpara sa pamo-mroblema kung saan kikita ng pera.

"Absent ka ba ngayon sa trabaho?" tanong sa akin ni Mama nang makalabas ako sa aking kwarto at nakapambahay lang.

"May day off po ako ngayon, Ma," sagot ko. Tumango siya at hindi na ako masyadong tiningnan. Abala na siya sa pag-aayos ng makina sa kaniyang pananahi.

"Magluto ka na muna ng pagkain. Tulog pa ang mga kapatid mo."

Tumango ako at tinungo ang aming munting kusina. Hindi malaki ang bahay namin ngunit kasya naman kaming apat. Magkasama sa iisang kwarto ang mga kapatid ko. Si Mama ay mas gustong sa sala natutulog kaya solo ko ang kwarto sa kabila. Mabuti na raw na may tumao sa harap para agad na malalaman kung may manloloob ba o wala.

Kalahati ng bahay sa lighthouse ay hindi na namin ginagalaw. Naglilinis lang kami roon para sa mga turistang dadayo. Noon, ako ang tagapag-bantay pero dahil nagt-trabaho na ako at halos araw-araw at gabi-gabi na, ang mga kapatid ko naman ang pumalit sa akin.

Kung tutuusin, swerte na ang tumira rito. Wala namang sira ang bahay at malayo kami sa malaking populasyon. Maganda ang tanawin sa umaga at kahit sa gabi...pwedeng manatili sa labas habang dinadama ang malamig na ihip ng hangin at pinapakinggan ang paghampas ng alon.

Hinding-hindi yata ako magsasawa sa ganitong klaseng payapa ngunit mataas ang pangarap ko. Gaano man katahimik ito...gusto kong iangat ang pamumuhay namin. Ayaw kong hanggang sa pagtanda ay maghihirap ako para sa pamilya ko. Ayaw kong maranasan ng nga kapatid ko ang hirap na naranasan nina Mama noon at kahit na ako ngayon. Gusto kong sustentuhan sila sa pangangailangan nila kahit na hindi ko naman talaga iyon responsibilidad.

Above the Sea of Fog (Provincia de Marina Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon