I

2.7K 41 1
                                    

HINDI na ako makatulog dahil sa pakaldag-kaldag na kilos ng aming sasakyan. Lubhang nakaka-istorbo ang mabatong kalsada dito sa Sitio Mabaya. Paulit-ulit na naaantala ang aking pag-idlip at sobra na akong naiinis.

"Susmaryosep naman! Ito na ba talaga yung pinakamaayos na daan dito? Hindi na ako makaupo ng maayos," reklamo ni Mama.

Malungkot na ngumiti si Papa at patay malisyang tumawa.

"Wala talagang sementadong daan sa lugar na 'to. No choice tayo kasi ito lang yung kalsadang magdadala sa'tin doon sa pinakamabilis na paraan," ani Papa na bakas ang pagka-irita sa kaniyang tinig habang mahigpit ang hawak niya sa manibela.

Sinandal ko ang aking noo sa bintana at tinanaw ang matingkad na palayan. Animo'y nagniningning ang bawat dahon at bawat butil ng palay sa sinag ng tanghaling araw.

Binubulag ako nito sa tindi ng liwanag, ngunit hindi ito ang magpapapigil sa'kin na pagmasdan ang paligid na madalas ninanais ng aking kuryosidad.

Kasing-kulay at kasing-tingkad ng damo't bulaklak sa gilid ng kalsada, katulad ng mga naging salaysay sa akin ni Papa tungkol sa kaniyang kinalakhang bayan. Samu't saring mga karanasan tungkol sa pamilya at mga kaibigan. Karamihan sa mga bagay na iyon ay hindi ko naranasan sa aking paglaki sa syudad, dahil kailanman ay hindi ako nagkaroon ng kaibigan maliban kina Mama't Papa.

"Kaunting tiis nalang. Malapit na," pang-aalo ni Papa.

"Okay ka pa ba diyan, Pael?" tanong ni Mama sa'kin ng hindi lumilingon. Nasa front siya, katabi ni Papa. Habang ako naman ay nasa likod.

"Opo," tipid kong sagot.

Hinalukay ko ang aking bag upang hanapin ang cellphone ko. Nilabas ko ito at binuksan ko ang bintana upang kuhanan ng litrato ang labas. Malakas na hangin ang humampas sa aking mukha na may kasama pang dahon.

Kumuha lang ako ng mangilan-ngilang mga litrato at agad ko na ring sinara ang bintana upang di na ulit makapasok ang hagupit ng hangin.

Hindi nagtagal ay may mga nadaanan na rin kaming mga kabahayan. Karamihan sa mga ito ay gawa sa kahoy. Madalang lang ang mga yari sa bato. Punong-puno din ng mga halaman ang kanilang mga bakuran.

Hindi na rin baku-bako ang kalsada na aming dinadaanan, kaya maayos na ang takbo ng aming sasakyan.

Sinandal kong muli ang aking ulo sa bintana at mariing pumikit.

...

NAPAPALIBUTAN ako ng makapal na hamog, at ang mga paa ko ay nakayapak sa maputik na lupa ng walang kahit na anong sapin sa paa. Yumayakap sa akin ang matinding lamig na nagpapanginig sa aking buong katawan.

Hindi ko matiyak kung nasaan ba talaga ako ngayon, ngunit sa isipan ko ay may bagay na ninanais akong makita sa lugar na 'to.

Isang kaibigan? Minamahal? Hindi ko talaga matiyak.

Gustung-gusto ko siyang tawagin, ngunit hindi ko alam ang pangalan ng taong iyon na nais kong makita. Sa isip ko'y isa siyang mahalagang tao sa buhay ko. Sa puso ko'y isa siya sa pinakamamahal ko.

Binuka ko ang aking bibig, ngunit ni isang tinig ay walang lumabas. Ano ba kasi ang pangalan niya? Bakit hindi ko alam? Bakit hindi ko mailarawan ang mukha niya?

Nakalimutan ko na ba?

Totoo bang importante siya sa'kin? Bakit kailangan ko pa siyang hanapin sa lugar na minsa'y hindi sa'kin naging pamilyar.

Bigla nalang bumuhos ang aking mga luha. Hindi ko mapigilan sapagkat nauubusan na ako ng pag-asa.

Ilang sandali ng aking pagtangis, nakaramdam ako ng yakap liban sa lamig. Yakap ng isang pares ng bisig. Mga kamay na humahagod sa aking likod, at nadarama ng aking kaluluwa.

Iyon ang nagpatahan sa'kin.

"Wala pang dapithapon, Pael. Hindi pa tayo dapat magkita," aniya.

"Pero ngayon ka na aalis, 'di ba? Wala nang panahon para hintayin pa ang dapithapon" sabi ko.

Hindi ko alam kung saan ko napulot ang mga katagang iyon. Hindi ko alam kung tungkol saan ba ang nakikita kong eksena sa panaginip na ito.

Sino ba siya? Ano bang mayroon at bakit aalis siya? At higit sa lahat, bakit naman ako umiiyak sa paglisan niya?

"Hindi ka pwedeng umalis," sabi ko. Putol-putol ang aking tinig. Binaon ko ang aking mga mata sa kaniyang dibdib at doon ay nagpatuloy pa sa pag-iyak.

Kinalas niya ang kaniyang yakap upang titigan ako sa mukha.

"Babalik ako," bulong niya at hinalikan ang aking pisngi. "Hindi ako sigurado kung kailan, pero babalikan kita. Mahal na mahal kita Pael."

Malabo na ang aking paningin dahil sa mga luha na aking natamo, kaya pinunasan ko ito upang makita siya ng mas malinaw at----

"Pael!"

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Where stories live. Discover now