IX

986 22 0
                                    

NAPAKAPIT AKO ng mariin sa gilid ng bangka upang hindi ako mahulog sa nagdadabog na tubig. Hindi mapakali ang aking puso at ang tindi ng pagtambol nito sa aking dibdib.

Napakagat ako sa aking labi at ipinagdasal nalang na sana'y ligtas pa akong makakabalik. Bakit nangyayari 'to? Hindi ko inasahan na may ganitong magaganap dahil akala ko ay kalmado lang kung umalon ang dagat na ito. Gusto ko lang naman puntahan ang mansyon para makita at malaman kung bakit bigla nalang itong nagliwanag kahit batid kong wala na talagang naninirahan dito.

May kalayuan pa rin ang aking bangka patungo sa mansyon. At sa aking paglapit, nakita kong nagsimula nang sumindi isa-isa ang mga ilaw sa lahat ng bintana nito. Animo'y buhay na buhay sa gabing madilim.

Nanindig ang aking balahibo sa nasaksihan. Parang may kakaibang nangyayari sa mansyong ito na hindi ko malaman.

Patuloy pa rin ang pagsagupa ng malakas na agos. Tinatangay ako nito ng mabilis. Kinakabahan ako na baka anumang oras ay tumaob ang sinasakyan kong bangka. Gusto ko nang bumaba sa lupa.

Pumikit ako ng mariin upang magdasal ng taimtim. Pagkatapos ay dumilat ako pabalik upang suriin kung nakalapit na ba ako sa mansyon.

Doon ay may nakita akong isang tao na mabilis na humahakbang pababa ng hagdan at binuksan ang gate. Lumabas siya at pumunta sa daungan.

Kumakaway ito sa direksyon ko.

"Yung lubid! Ibato mo sa'kin!" sigaw ng lalaki. Naguguluhan pa ang aking isipan nung una, ngunit nabatid ko rin na mukhang balak niya akong sagipin kaya sinunod ko nalang siya.

Tinali ko muna ang lubid sa bangka bago ko hinagis ng malakas patungo sa kaniya. Agad naman niya itong sinalo at mabilis na tinali sa munting poste na nasa daungan.

Pagkatapos ay hinila niya ang lubid upang makalapit ako sa pinaroroonan niya. Kaso, bago pa ako makarating doon ng payapa at maayos ay biglang dumating ang malakas na alon na siyang tumulak sa'kin papunta sa kaniya.

"Talon!" utos ng lalaki sa'kin.

Nagdalawang-isip pa ako nung una sapagkat parang di ko kayang tumalon dahil sa sobrang likot ng bangka. Huminga muna ako ng malalim bago ko sinunod ang utos niya. Bumangga ng bangka sa daungan, samantalang sinalo naman niya ako gamit ang mga bisig at niyakap ako ng mahigpit upang suportahan ang aking pagtayo.

"Ligtas ka na," aniya at kinalas ang pagkakayakap niya sa'kin.

Wari'y nahihimigan ko ang kaniyang boses mula sa kung saan. Pamilyar, ngunit hindi ko na matandaan kung saan ko ito napakinggan.

"Delikado pumalaot sa gabi, alam mo ba? Bigla-biglang bumubulusok yung alon ng sobrang lakas! Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak mo at sinubukan mong mangisda sa mga ganitong oras," masungit niyang tanong sa'kin.

Napalunok ako. Siya ba yung may-ari ng mansyong ito?

"H-Hindi ako nangingisda," giit ko sa kaniya.

Tumingala ako upang makita ang hitsura ng lalaki. Mayroon siyang dilaw na buhok na medyo may kahabaan. Nakasuot siya ng puting longsleeves at maluwang na slacks. Mukha siyang prinsipe na napapanood ko sa mga palabas.

Napakagwapo niyang tignan... Hindi... Parang hindi akma... Maganda. Ang ganda niya sa paningin.

Mukhang hindi naman niya pinakinggan ang aking sinabi, bagkus ay nakatingin lang siya ng mariin sa buwan.

"Salamat sa pagsagip sa'kin," sabi ko sa kaniya.

Bigla siyang napatingin sa'kin. Sa kaunting liwanag ng buwan ay nasilayan ko ang kulay asul niyang mga mata.

Pilit siyang ngumiti na agad din nawala.

"Kung gano'n, ano ang sadya mo sa gitna ng dagat? Salubungin ang mga alon at magpakamatay?" tanong niya na may kaunting tinig na ma-otoridad.

Napakurap-kurap ako dahil naaartehan ako sa sinabi niya.

"Bakit ko namang gugustuhin magpatiwakal, ha? Matino pa yung pag-iisip ko," paliwanag ko.

"Kung ganu'n, ano nga ang dahilan mo? Bigyan mo ako ng magandang rason para maawa sa'yo at tulungan kita sa kalagayan mo. Dahil kung hindi ay papaalisin kita kahit pa nagngangalit ang dagat," aniya.

Napalunok ako ng laway. Wala akong maisip na magandang rason. Natatakot ako na kapag sinabi ko ang totoo na nagpunta lang ako dito para maglibot ay hindi siya makumbinsi. Pero wala akong maisip na palusot.

"Magagalit ka ba sa'kin kung sasabihin ko sa'yo?" kinakabahan kong tanong sa kaniya.

Nangunot ang kaniyang noo at pumaling ang kaniyang ulo. Mukhang naguguluhan siya.

"Bakit naman? Isa ka lang namang estranghero. Bakit kailangan mo pang magpaligoy-ligoy sa pagsagot? Sa katunayan, hindi naman ito masyadong mahalaga para sa akin, ngunit kuryoso lang ako," aniya at lumihis ng tingin.

Mukhang hindi niya alam ang depinisyon ng pagiging estranghero. Oo, hindi kami magkakilala, kaya dapat lang na magduda siya sa mga gagawin ko, pero sa halip ay parang gusto pa niya akong pagbigyan para hindi palayasin dito at mamangka pabalik kahit rumaragasa pa ang mga malalakas na alon.

"Nais ko talagang pumunta dito... para... uh... makita yung mansyon niyo ng malapitan," pag-amin ko.

"Hmm... Ang ibig mo bang sabihin ay kinakain ka ng kuryosidad?" aniya. "O baka isa ka rin maharlikang tulad ko na bisita nina Mama't Papa?"

"Uhm..." Ano raw? Maharlika? Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin para 'di niya ako palayasin sa bahay niya. Wala kasi akong choice. Nakakatakot bumalik sa bangka para sumulong ulit sa nagngangalit na dagat. Nanginginig ang aking buong katawan. Basang-basa kasi ako ng tubig-alat dahil tumalsik sa'kin ang mga alon.

Bigla niyang hinawakan ang pulso ko.

"Hmm... Sige. Tuloy ka. Mukhang kailangan mo munang mahimasmasan," aniya at hinila ako palapit sa mansyon.

"Teka lang!" sabi ko at pinigilan ang sarili ko na magpatianod sa kaniya. Hanggang ngayon ay kumakalabog pa rin ang puso ko dahil sa pangamba.

"Bakit?"

"Parang hindi yata ako pwedeng pumasok," sabi ko sa kaniya na may pag-aalinlangan. Nalaman ko kasi na may mga magulang siya. Baka mapagalitan pa siya dahil nagpapasok siya ng binatang mukhang gusgusin na tulad ko.

"Pamilya ko ang may-ari ng mansyong ito at inaanyayahan kita bilang aking bisita. Huwag kang mag-alala," aniya at muli naman niya akong hinatak.

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Where stories live. Discover now