II

1.8K 35 3
                                    

"PAEL, gumising ka na!"

Sunod-sunod akong niyugyog ni Mama upang pakawalan ako mula sa aking mahimbing na pagkakatulog. Napabukas bigla ang aking mga mata sa gulat.

"Binabangungot ka ba?" tanong ni Mama na nagpataas sa balahibo ko.

Muling nanumbalik sa'kin yung mga ala-ala ng aking panaginip. Wari bang isa siyang malupit na ala-ala. Hindi ako sigurado kung bangungot ba na maituturing 'yon, ngunit may parte sa aking puso na nais kong malaman ang kasunod ng mga pangyayari.

"Hindi naman, Ma. Bakit, anong meron?" sagot ko at tipid akong umiiling.

"Umiiyak ka kasi," aniya.

Bigla tuloy akong napahawak sa aking pisngi at nakapa kong basa ito. Napaayos ako ng pagkakaupo at mabilis kong pinunasan ang aking mukha gamit ang panyo na kinuha ko galing sa aking bulsa.

"Bumaba ka na. 'Andito na tayo sa pupuntahan natin," ani Mama at hinintay ako na umalis sa loob ng sasakyan.

Pagbaba ko ay natanaw ko ang isang bahay sa tapat ko. Lumang-luma ito at nakakatakot. Parang nakatindig na ito nung panahon ng Hapon.

Dala ang ilan sa aming gamit, nauna nang tumungo si Mama sa loob ng nakakakilabot na bahay.

"Eto na ba talaga 'yon?" tanong ko sa aking sarili.

Inayos ko ang aking backpack na nakasukbit sa akin. Pinagmasdan kong maigi ang paligid. Mukhang may bago nanaman akong subject na maaari kong iguhit mamaya sa sketchbook.

"Bilisan mo, Pael. Gusto ka nang makilala ng mga Tito't Tita mo!" sigaw ni Mama mula sa loob ng bahay.

Anak ng teteng! Mas lalo tuloy akong kinabahan. Sa huli, wala naman akong iba pang magiging pasya kun'di tumuloy sa tahanan dala ang takot na makakita ng multo, kasabay ang takot na makipag-usap sa mga kamag-anak ko na hindi ko pa man din nakikilala sa personal.

"Papunta na!" sigaw ko at dinala ang mga gamit na kaya kong bitbitin.

Sobrang nakakapagod ang byahe. Lantang gulay ang bawat bahagi ng aking katawan. Mabigat, at parang binubuhat ko pa ang aking sarili liban sa mga bagaheng kailangan ko pang bitbitin.

Pagdating ko sala, napatingin sa'kin ang isang Ginoo at Ginang na may kargang sanggol. Nasa tabi din nila ang isa pa nilang anak na lalaki. Tansya ko ay ka-edad ko lang ito. Nakabusangot ito habang nakatingin sa sahig, at kinukuyakoy ang nakakrus na mga binti.

"Magmano ka, dali!" utos sa'kin ni Mama habang tinutulak ang aking likod patungo sa kanila.

Binaba ko muna ang lahat ng dala ko at lumapit ako sa mag-asawa upang sundin ang ipinag-uutos ni Mama.

"Kuhanin ko kang yung iba pang gamit sa labas," ani Papa at umalis.

"Ako 'to, si Tita Margie mo. Tapos ito naman si Tito Robert mo, asawa ko. Ito naman si Russel, pinsan mo. Isang taon na mas bata sa'yo 'yan," pakilala niya sa sarili ang sa pamilya niya.

Napadungaw ako sa sanggol na payapang natutulog sa bisig ni Tita Margie. Pinagmasdan ko ang maamo nitong mukha, habang kumikislot-kislot ang mata na para bang nananaginip.

"Sino naman po siya?" hindi ko maiwasang itanong sa kaniya.

"Ah, siya naman si Rhea. Bunso ko. Kapapanganak ko lang sa kaniya nung nakaraan taon," aniya.

Bihira lang ako makakita ng sanggol, sapagkat wala naman akong kapatid na kasunod sa akin. Kaya ganun nalang ang pagkamangha nang makakita ako ng isa.

"Ang laki mo na ngayon, Rafael! Naalala ko tuloy noong tatlong taon ka pa lang, bumisita kami sa inyo," kwento ng Ginang sa akin.

"Oo nga pala. Pasko pa nung araw na 'yun, e. Naalala mo ba, anak?" tanong sa'kin ni Mama.

Nahihibang na ba si Mama? Kakasabi lang ni Tita na three years old palang ako nu'n. Mukha bang maaalala ko pa 'yon?

Tipid lang akong umiling.

"Tanda ko pa, lagi ka pang natatae sa shorts mo nu'n. Ako pa yung naglilinis sa'yo," natutuwang saad ni Tita Margie.

Ang tahimik na si Russel ay napabuga ng tawa na agad niya ring pinigilan.

Tumango na lang ako at tinanggap nalang ang kaniyang sinabi kahit lubos ang aking naging kahihiyan dahil doon.

"O siya, sige. Bago kayo magmiryenda, ipapakilala ko lang 'tong si Pael sa lolo niya. Naku! Kanina pa 'yun naiinip kakahintay," ani Tita Margie at pinasa ang kaniyang sanggol na anak sa kaniyang asawa.

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon