Wattpad Original
Mayroong 8 pang mga libreng parte

Chapter One

869K 13.6K 495
                                    

Nang makita ng HR personnel na nangangasiwa sa interview si Shiela, bigla itong natigilan. Nag-atubili pa ang ginang kung papapasukin niya ang dalaga sa waiting area o hindi. Pero nanaig din ang lambot ng kanyang puso.

"Please come in and follow me," sabi nito.

Excited namang sumunod ang dalaga. Bago siya pinaupo, tiningnan siyang muli ng babae. Alam na niya kung bakit may pag-aalala sa mukha nito. Obviously, napansin agad nito na dinaya niya ang kanyang edad. Kahit tinina niya ng kulay grey ang buhok at gumamit pa ng eyeglasses, hindi pa rin siya siguro nagmukhang middle-aged woman.

Nang iginala ni Shiela ang paningin sa paligid, nakita niyang halos lahat ng naghihintay ay mukhang matrona na. Ang iba'y parang lolang-lola pa nga.

"Miss Shiela Mariano," tawag ng HR personnel.

Nagtaas siya ng kamay sabay tayo.

"You're next. Please follow me," sabi nito sa kanya.

Dali-dali siyang sumunod sa babae. Medyo nangangatog ang kanyang tuhod sa kaba. Nakakalula kasi ang ambience ng silid. Waiting area pa lang, parang lobby na ng isang five-star hotel. Nakakapanliit tuloy.

"Sir Magnus, nandito na po ang susunod na aplikante," narinig niyang sabi ng kasama sa nakatalikod na mama. Nakaupo ito sa ibabaw ng desk habang nakikipag-usap sa kung sino man sa kabilang linya ng telepono. Likod pa lang, mukhang nakayayanig na.

Napansin agad ni Shiela na malapad ang balikat ng lalaki at base sa boses habang pinapakinggan niya ang pakikipag-usap nito sa telepono, mukhang hindi nagkakalayo ang edad nila. Kung siya'y twenty five na, malamang na mas matanda lang ito sa kanya nang kaunti. Hindi naman siguro ito mamamahala ng ganoon kalaking kompanya kung mas bata pa ito sa twenty five.

Hindi kaagad nagpaalam sa kausap ang lalaki. Parang hindi nga narinig ang HR personnel. Lalo tuloy kinabahan ang dalaga. Kahit malakas ang aircon ng silid, pinagpawisan siya. Para malibang kahit papaano, inikot niya ng tingin ang buong silid. Nalula siya sa laki. Mas malaki pa sa bahay nila sa probinsiya. May nakita pa siyang painting ni Amorsolo na nakasabit sa dingding. Hindi man siya art enthusiast, alam niyang nagkakahalaga iyon ng kung ilang libong dolyar.

Dahil abala sa kamamasid sa paligid, hindi namalayan ni Shiela na tapos na pala sa pakikipag-usap sa telepono ang lalaki at ngayo'y nakaharap na sa kanila. Hindi tuloy niya nakita ang biglang pagkunot ng noo nito at ang pagrehistro ng iritasyon sa mukha. Kung hindi pa siya kinalabit ng taga-HR ay hindi sana niya nalaman na handa na siyang interbyuhin ng CEO.

"Ay, sorry po," kaagad niyang nasabi sabay harap sa lalaki. Lalo siyang ninerbiyos nang makita kung gaano ito ka-guwapo at kakisig. Mayroon itong kakaibang dating. Marahil iyon ay dahil sa taas ng posisyong hinahawakan.

"O siya, pagbutihin mo ang interbyu, ha? Iiwan na kita rito," bulong sa kanya ng kasama.

Matagal nang nakaalis ang HR personnel, pero hindi pa rin siya kinakausap ni Mr. San Diego. Nakasandal lang ito sa desk niya habang pinapasadahan ang kanyang resume. Ni hindi nga siya pinaupo. Sobra nang nangangalay ang mga binti niya dahil sa nahiram na de-takong na sapatos. Nangangatog na rin ito. Nag-aalala siyang baka bigla na lang siyang mag-collapse kung kaya kahit hindi pa sinasabihan, dahan-dahan na siyang umatras sa nag-iisang upuan sa gitna ng silid. Paglapat na paglapat ng puwet niya sa leather chair, dumagundong ang boses ng lalaki.

"Did I tell you to sit?"

Nagitla siya sa narinig. Tumayo siya agad. No'n naman nagliparan ang mga pahina ng kanyang resume at cover letter. Basta na lang itong hinagis ng lalaki bago umupo sa kanyang executive chair.

Natakot sa nakita si Shiela. Nagdalawang-isip siya kung dadamputin ba niya ang mga hinagis nitong papel o hahayaan na lang. Napatingin siya sa nagkalat na papel sa sahig at sa lalaking responsable doon. Nang magtama ang kanilang paningin, nakita niya ang bagsik sa mga mata nito. Hindi man ito nagsasalita, alam niyang galit sa kanya. At alam na rin niya kung bakit.

PERFECT STRANGER (WATTYS 2016 winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon