Wattpad Original
Mayroong 6 pang mga libreng parte

Chapter Three

617K 12.3K 556
                                    

Habang pinagmamasdan ni Shiela ang natutulog na mga anak, nakaramdam siya ng awa sa mga ito. Parang nakikita pa rin niya ang malungkot na mukha ni Marius nang sabihin nito kay Magnus na wala silang daddy. She feels guilty. Nang dahil sa katangahan niya ay may dalawang inosenteng nagdurusa. Kung maibabalik nga lamang niya ang lahat...

Masakit ang ulo niya, pero hindi siya makatulog. Sa tuwing ipipikit niya ang mga mata, parang may munting tinig na nagsasabi na baka may kasama siyang psycho. Dapat lang na pagdudahan niya ang lalaking iyon dahil sa dinami-rami ng tattoo, swastika pa ang napili. Pinangangalandakan ba niya ang pag-iidolo kay Hitler?

Kahit medyo paekis-ekis pa rin ang lakad dahil sa alak, sinikap niyang makalabas ng kuwarto. Napahinga siya nang maluwag nang makitang walang tao sa sala. Dali-dali na siyang lumabas sa unit na iyon.

Napatingin sa kanya ang guwardiya ng building nang mapadaan siya sa harap nito. Ito na rin ang tumawag ng taksi para sa kanya kaya kahit papaano ay nakampante ang kanyang kalooban.

Napabalikwas si Marius at napangiwi sabay sabi ng, "Mama, gusto ko ng kotse." Pagkasabi no'n ay tumagilid na ito at yumakap sa kakambal.

Nagulat si Sheila sa narinig. Paminsan-minsan ay nagsasalita ito habang natutulog pero noon lang niya narinig ang ganoong linya sa bata. Napangiti tuloy siya. Ambisyoso! Hinalikan niya ito sa pisngi. Kahit nahirapan siya sa pagdating nilang dalawa, aminado siyang naging sulit naman ang lahat.

Kinabukasan, ginising niya nang maaga ang kambal. May delivery kasi siya ng cupcakes para kay Mrs. Legaspi. Kailangan daw nito bago mag-alas dies dahil ise-serve raw sa meeting. Wala siyang mapag-iiwanan sa dalawa kung kaya kailangan na naman niyang bitbitin ang mga ito.

Umiyak nang umiyak si Markus dahil naputol ang tulog niya. Si Marius naman ay nagdabog. Reklamo ito nang reklamo hanggang sa makarating sila sa building ng mga San Diego.

"Marius, kanina ka pa, ha? Naiinis na si mama sa iyo. Ang bigat-bigat pa nitong dala ko tapos nag-iinarte ka riyan. Umayos ka ng lakad."

Hindi ito nakinig. Lalo lang nagdabog at nagusot ang mukha. Nang hindi niya pinansin, nagpaiwan pa sa isang tabi. Binalikan siya ni Markus at hinila sa kamay, pero tinulak niya lang ang kakambal.

"Markus, halika na. Iwan mo iyan diyan."

Nauna na kunwari sa pagpasok sa building si Shiela kasama si Markus nang biglang umiyak na humabol sa kanila si Marius.

"Ba't kayo nang-iiwan?"

"Ikaw nga ang nagpaiwan, e," sagot naman ni Markus.

Sinimangutan ito ni Marius, pero hindi na kumibo. Tahimik na lang itong sumunod sa kanila. Pagdating nila sa entrance, sinabihan ni Shiela ang guwardiya na may delivery siya for Mrs. Legaspi.

"Akyat na lang po kayo, ma'am," sabi naman ng mama. "Hinihintay na po kayo no'n sigurado."

"Ay, ano kasi. Kinausap ako ng bosing n'yo no'ng isang araw na hindi raw pupwedeng umakyat sa itaas ang hindi empleyado rito kaya kung pupuwede sana, ipapakuha ko na lang sa janitor o messenger ng HR itong cupcakes na dala ko."

"Ho? May gano'ng policy?" parang nagtatakang tanong ng guwardiya.

"Bakit, wala ba?" ganting tanong naman ni Sheila. Kinutuban na siya. Kung gano'n, pinag-iinitan lang talaga ako ng buwisit na lalaking iyon!

"Mama, naiihi ako," reklamo ni Marius.

"May CR po bang malapit rito?" tanong niya sa guwardiya.

"Ayon po, ma'am. Nasa right side lang."

Pagkaturo ng guwardiya, mabilis na nagpaalam ang kambal na sila na lang daw ang pupunta. Bago pa man makatango si Shiela ay tumakbo na ang mga ito sa CR. Hindi niya mahabol-habol ang dalawa gawa ng mga dala-dala niyang cupcakes.

PERFECT STRANGER (WATTYS 2016 winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon