Wattpad Original
Mayroong 2 pang mga libreng parte

Chapter Seven

618K 11.6K 933
                                    

Namangha ang mag-iina nang makita nila ang loob ng mansyon. Daig pa nila ang nakapasok sa isang palasyo. Malawak kasi ang living room at kumikintab pa ang sahig. Yumuyuko nga ang kambal na parang nananalamin.

Nang makita ni Magnus ang reaksyon ng tatlo, napangiti ito nang lihim. He was amused. Sanay na siya sa marangyang bahay kung kaya nothing amazed him anymore. Tingin niya, ordinaryo lang ang lahat.

"Let's go guys. I'll show you your room for the night," narinig ni Shiela na tawag sa kanila ni Magnus. Kaagad niyang hinawakan sa kamay ang mga anak at sumunod sa lalaki na umakyat ng hagdanan. Panay ang sabi ng mga bata ng "wow!" sa bawat madaanan.

Tumigil sila sa labas ng isang pintuan. Dahan-dahan itong binuksan ni Magnus at sinabihan silang pumasok. Doon daw sila matutulog sa gabing iyon. Pagkakita ng kambal sa kuwarto, namilog ang mga mata nila. Tumakbo agad sila sa kama at dumapa.

"Ang mga sapatos n'yo!" sigaw ni Shiela.

Hindi naman inakyat ng mga bata ang sapatos nila. Nakalawit ang kanilang mga paa habang kunwari'y nagsi-swimming sa kama. Tawanan silang dalawa. Hindi pa nagkasya sa kama. Tumakbo sila sa iba pang parte ng kuwarto at inuusisa ang bawat pinto na makita. Pagbukas nila sa isa, napasigaw na naman sila sa tuwa.

"Mama, 'lika. Tingnan mo ang banyo nila. May TV pa sa loob!" sigaw ni Marius. Pumapalakpak pa ito sa tuwa.

Saglit lang na napasulyap si Shiela kay Magnus at lumapit siya sa mga anak. Pati siya'y namangha rin. Mayroong malaking bathtub ang banyo. Sa gilid ay may isang maluwang na estante kung saan nakalagay ang mga nakasalansan na tuwalya na puro kulay puti. At ang ikinamangha niya sa lahat ay ang dami ng gamit pampaligo. Sino kaya ang gumagamit ng kuwartong ito at mukhang estante sa department store ang hitsura ng cabinet?

"My guest usually stays in this room," ang sabi ni Magnus sa likuran nila. Nahulaan yata ang katanungan sa kanyang isipan.

Nakaramdam ng hiya si Shiela. Kung ganoon ay para pala sa espesyal na panauhin ang kuwartong iyon. Feeling tuloy niya, hindi sila nababagay doon. Nang mapansin niya na lumusong sa empty bathtub ang kambal, pinagsabihan na niya ang mga ito.

"Halina kayo rito. Tama na iyan."

Kaagad namang sumama sa kanya ang mga bata, pero dumaan pa sa toilet bowl at sumilip.

"Mama, ang linis ng kubeta nila. Parang pwedeng inumin ang tubig," komento ni Markus. Sinang-ayunan naman ito ni Marius.

Tumawa na naman si Magnus. Walang reaksyon naman ang kambal. Parang hindi nila naririnig ang lalaki. Abala ang mga ito sa mga nakikita nila sa banyo. Si Shiela nama'y palinga-linga rin sa paligid. Parang hindi pa lubusang makapaniwala na naimbitahan sila ng isang San Diego na pumasok sa mansiyon nito sa Baguio.

Noong nag-aaral pa lamang siya sa Benguet, narinig na niya sa mga kaklase kung gaano kayaman ang pamilyang ito. Katunayan, parang naging urband legend ang mansiyon ng mga ito sa Baguio City. Kapag nakapasok ka raw sa loob, para na ring nakapunta ka sa isang tunay na palasyo. At heto, makalipas ang kung ilang taon ay nandito siya hindi lamang para tumingin-tingin sa paligid kundi matutulog pa ng isang gabi sa isa sa mga kuwarto nito.

"Okay, let's go? I'm sure, gutom na kayong tatlo. Kumain muna tayo," yaya ni Magnus sa kanila.

Pagkarinig sa sinabi ni Magnus, napatingin dito si Marius.

"Pakakainin mo kami?" tanong niya, parang hindi ito makapaniwala.

"Of course," sagot naman ni Magnus agad.

Sumulyap ito sa ina na parang humihingi ng permiso. Nang tumango si Shiela, bigla itong tumalon at nagsisisigaw ng "Yay!" Nakigaya na rin sa kanya si Markus.

PERFECT STRANGER (WATTYS 2016 winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon