Wattpad Original
Mayroong 5 pang mga libreng parte

Chapter Four

631K 11.6K 625
                                    

Hindi agad nakapagsalita si Shiela nang marinig niya ang sinabi ni Mrs. Legaspi sa telepono. Mismong si Mrs. Santillan daw na may-ari ng canteen sa seventh floor ang nag-order ng dalawang daang cupcakes.

"Kaya mo raw bang ma-deliver lahat iyon bukas bago mag-alas nuwebe ng umaga? Ise-serve raw nila for breakfast."

"O-Opo!" excited niyang sabi. Napatawa pa siya. Napatingin tuloy ang kambal. Ginulu-gulo ni Shiela ang ulo ng mas malapit sa kanya.

"Aw, mama!" protesta nito at inayos-ayos uli ang buhok.

Nang ibaba niya ang phone, excited niyang sinabihan ang dalawang bata na may bago na naman siyang customer. This time, medyo malakihan na raw ang order. Napatingin lang sa kanya ang mga ito na parang hindi interesado. Nagpatuloy sila sa paglalaro ng plastic car nila.

"Lumilipad ba ang car?" reklamo ni Markus dahil nakita nitong pinapaikot-ikot ni Marius sa ere ang plastic toy car.

"Hindi," sagot naman nito agad pero patuloy pa rin sa pagpapalipad ng laruan niya. "Pero itong akin, oo. Flying car 'to, e," nakatawa niyang paliwanag. Sinimangutan naman ito ng kakambal.

Napangiti si Shiela sa mga anak. Iniwan niya saglit ang dalawa at nagtungo sa kusina. Tiningnan niya ang natitirang ingredients at nilista ang kulang. Kapos pala ang pera niyang pambili ng dagdag na sahog. Napahinga siya nang malalim. Tinawagan niya ang mga kaibigan pero ni isa man sa kanila ay walang mapapahiram na pera. Naghalungkat na lang siya sa gamit ng pupwedeng maisangla pansamantala. Nang makita ang kwintas, natigilan siya. Iyon ang kahuli-hulihang regalo ng kanyang mga magulang noong ika-twentieth birthday niya. Ayaw man niyang galawin iyon, kailangan niya ng dagdag puhunan sa negosyo. Pikit-matang kinuha niya iyon sa lalagyan at nilagay sa pitaka.

Nang bibihisan na niya ang dalawang bata at sabihang may pupuntahan na naman sila, excited na tumigil sa paglalaro si Markus pero si Marius ay nagreklamo. Pagod na raw siya.

"Hindi ka pwedeng maiwan dito. Kakainin ka ng mumo," nakangisi niyang sabi. Sumimangot ang bata. Napahalukipkip pa.

"Hindi dapat nananakot ang mama," sabi nito na naiinis.

"O siya, gusto mong magpaiwan?" tanong na lang niya.

Tiningnan lang siya nito nang masama pero pumasok din sa kuwarto at kumuha ng pampalit na t-shirt at shorts. Habang nagbibihis, sumusulyap-sulyap ito sa ina. May binubulung-bulong. Hindi iyon pinansin ni Shiela. Inasikaso na lang niya ang pagbibihis kay Markus.

Nawala rin ang pag-aalburuto ni Marius nang nasa grocery store na sila. Panay turo nito ng masasarap na pagkain.

"Pag may pera na tayo, mama, bibili tayo no'n, ha?" sabi nito sa ina.

Tiningnan ni Shiela ang tinuro nito. Jumbo hotdog. Napatingin siya sa kambal. May kung anong humaplos sa kanyang puso. Noong kabataan niya, hindi niya kinailangang magtiis. Naibibigay ng Papang niya ang pangangailangan nilang magkapatid. Nakonsensya na naman siya. Kahit medyo kapos ang budget, nagdampot siya ng pinakamaliit na supot no'n at nilagay sa cart nila. Namilog ang mga mata ng dalawa.

"May pera na tayo, mama?"

"Wala, pero bibilhan kayo ni mama dahil mabait naman kayong bata."

Nagsigawan ang dalawang bulinggit. Napangiti na rin si Shiela sa kanila at ginulu-gulo ang kanilang buhok.

Tinutulak na niya ang cart papunta sa cash register nang bigla na lang may tinuro si Marius kay Markus. Bago pa niya maunawaan kung ano iyon, napasigaw na ang dalawa.

"Puppy Lady!" halos sabay nilang sabi. Napalingon ang isang sosyal na ginang. Nang makita ang dalawang bata, humalakhak ito at kumaway pa sa kanila. Mukhang nagtataka naman ang kasama nitong alalay.

PERFECT STRANGER (WATTYS 2016 winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon