Wattpad Original
Mayroong 3 pang mga libreng parte

Chapter 4

56.1K 2.5K 557
                                    



DUMUNGAW si Joy sa bintana nang may marinig na bangkang de-motor. Umahon ang matinding excitement kay Joy nang makitang patungo sa isla ang bangka. Higit pang lalo ang pag-ahon ng kaligayahan nang unti-unti niyang makita ang mukha ng taong sakay ng bangka. Agad niya iyong nakilala. Mabilis na lumabas si Joy at nillagpasan ang kanyang lolo na nakatanaw rin sa paparating.

"Joy, saan ka paparoon?" tawag ng kanyang lolo. Nilingon niya ito habang tumatakbong paatras.

"Si Judah, Lolo. Kaibigan ko siya." Tumakbo si Joy patungo sa dalampasigan at doon hinintay si Judah. Kumaway ito sa kanya at ganoon din siya. Nang tumigil ang bangka ay tumalon pababa si Judah at patakbo nitong tinungo ang dalampasigan. Mabilis namang tumakbo si Joy at sinalubong ng yakap ang kaibigan. Malakas na tumawa si Judah na ipinaikot ang mga bisig sa katawan ni Joy at binuhat pa siya nito.

"Dinalaw mo ako!"

"Are you happy?" tanong ni Judah matapos siyang ibaba.

"Oo! Sobra! Sobrang saya kong dinalaw mo ako. Pero kanina, sobrang lungkot ko."

Inabot ni Judah ang buhok ni Joy at inipit iyon sa likod ng tainga. "Bakit naman?"

"E, kasi hindi ko nadala ang mga tsokolate na ibinigay niyo. Sayang naman. Ang sarap pa naman."

Napatawa si Judah. Itinaas nito ang kamay kung saan bitbit ang supot. "May dala ako para sa 'yo." Agad iyong kinuha ni Joy at sinilip ang laman. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang laman niyon.

"Tsokolate!" Kumuha siya ng isa at pinagmasdan iyon.

"Tsokolate nga! Para sa akin talaga ito?"

"Para sa 'yo lang." Muling tumawa si Judah nang dambahin ito ni Joy ng yakap.

"Salamat! Ang bait-bait mo talaga."

"Jonadel!" Kumalas mula sa pagkakayakap si Joy at sabay silang bumaling sa kanyang lolo at lola. Agad na nabahala si Joy nang makita ang pagkadisgusto sa mukha ng kanyang lolo at lola. Tiyak na pagbabawalan na naman siya. Niyakap niya sa dibdib ang supot ng tsokolate.

"Magandang umaga ho," bati ni Judah na sinabayan ng pagkaway sa dalawang matanda.

"Sino ka naman? Ano na naman ang kailangan mo sa apo ko?" Sa kabila ng katandaan ay matikas na naglakad pasugod ang matandang lalaki. Agad namang hinarang ni Joy ang sarili sa harapan ni Judah. Dumipa siya.

"Lolo, huwag niyo pong takutin si Judah. Huwag niyo siyang paalisin. Lagi na lang po kayong galit sa mga taong lumalapit sa akin. Mabait siya, Lolo. Kapag pinaalis mo siya, magtatampo na talaga ako sa inyo!" Ikinumpas niya ang kamay sa ere para bigyan ng diin ang bawat sinasabi. Hindi siya nagbibiro. Talagang magtatampo siya.

"Sir, nandito lang naman po ako para dalawin si Joy. Wala po akong masamang intensyon." Nilagpasan siya ni Judah. Humakbang ito palapit sa kanyang lolo.

"Hayaan niyo pong magpakilala ako... Ako po si Judah Rivaz, apo ni Solomon sa nakababatang anak na si Jacob Rivaz, Sir."

Unti-unti ang pagkunot ng noo ng matanda. "Apo na naman ni Solomon?" Matigas ang boses ng kanyang lolo na muling ikinabahala ni Joy. Mabilis siyang lumapit at hinawakan ang matanda sa braso.

"Lolo, pakiusap! Huwag mo siyang paalisin." Binuksan niya ang tsokolate na hawak niya.

"Tingnan mo, Lolo. Dinalhan niya ako ng tsokolate. Kakaiba ang lasa nito. Napakatamis at napakalinamnam talaga nang sobra!" Pumuputol siya ng kaunti at isinubo sa kanyang lolo at ganoon din ang ginawa sa kanyang lola.

Longing  for  InnocenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon