Wattpad Original
Mayroong 1 pang libreng parte

Chapter 6

57.4K 2K 453
                                    

MADILIM PA ay nagising na si Joy kanina at hindi na nakatulog sa excitement dahil sa pamamasyal nila sa General Luna. Nakagalitan na nga siya ng kanyang lola dahil hindi siya mapakali. Nag-almusal siya at agad na naligo at nagbihis ng napakagandang bestida na iniregalo sa kanya ni Judah para sa kanyang kaarawan. Isang bulaklaking bestida iyon at pinaresan niya ng tsinelas na iniregalo naman sa kanya ni David.

Sinundo siya ni David at dinala sa mansiyon ng lolo nito. Napakalaki at napakaganda. Sa bahay nila, nasa labas ang kusina. Iyon muna ang madadaanan bago makapasok sa pinakaloob at pagbungad pa lang ng pinto ay makikita na lahat ng sulok ng bahay—ang sala at tulugan. Pero dito ay hindi... Isang magarbong pintuan ang papasukan, may grandiyosong hagdan at ang sala ay napakalawak. Hindi niya matanaw ang kusina rito. Tapos lanai ang tawag sa pahingahan kung saan siya naroon ngayon kasama si Don Solomon. Sa kanila, payag lang ang pahingahan na gawa sa kawayan. Dito, napakalambot ang upuan.

Bahagyang itinalbog ni Joy ang sarili para damhin ang lambot ng kutson. Ngumiti siya sa matandang kaharap na matamang nakatitig sa kanya. "Ang lambot po ng upuan," aniya na sinabayan ng bungisngis. Ngumiti ito sa kanya.

"Kumusta ka naman, hija?" tanong nito. Ipinatong ni Joy ang mga kamay sa ibabaw ng hita at pumormal.

"Maayos po. Kayo po?"

"Maayos ako... Ang Lolo Malto at Lola Ema mo, kumusta naman sila?"

"Kilala mo po sila?"

"Oo. Ang Lolo Malto mo ay kaibigan ko noong panahon."

Umaawang ang labi ni Joy sa pagkamangha sa sinabi nito. "Talaga ho? Hindi na po kayo magkaibigan ngayon?" may panghihinayang niyang tanong.

"Naging abala kami sa kanya-kanyang buhay. Siya sa pagpapalaki sa 'yo, ako naman ay masyadong naubos ang oras sa pamamahala sa mga negosyo."

Tumango si Joy. "Abala rin si Lolo sa pagbebenta ng isda." Noon ay nangingisda rin ang kanyang lolo pero ngayon ay kumukuha na lang siya sa mga mangingisda para ibenta. May pinapaupahan din ang kanyang lolo ng bangkang de-motor sa mangingisda at iyon ang ginagamit nilang panggastos. Ang bangkang iyon ay ibinigay pa raw ng kaibigan nitong matalik noon.

"Masaya ako na nakilala mo ang mga apo ko, na pinayagan ka ni Malto na pumarito. At masaya akong makilala ka."

"Ako rin po. Masaya akong makilala ka, Lolo Solomon."

"Siya nga pala." Kinuha nito ang maliit na kahon sa tabi nito at ipinatong iyon sa mesa na nasa pagitan nila. Itinulak nito palapit sa kanya iyon.

"Kaarawan mo raw kahapon."

"Regalo mo po 'yan sa akin? Pero hindi pa po tayo magkaibigan kaya walang dahilan para bigyan mo ako ng regalo."

Masayang tumawa ang matanda. "Kaibigan mo ang mga apo ko. Kaibigan ko ang lolo mo at gusto rin kitang maging kaibigan. Ayos lang ba sa 'yo?"

"Opo! Siyempre naman!" Tumalbog si Joy mula sa kinauupuan sa sobrang katuwaan habang ang mga kamay ay malikot na iginilaw.

"Bubuksan ko na po ito, a?" Naaaliw na tumango ang matanda. Isang maliit na kulay itim na kahon iyon at hindi naman nababalot ng espesyal na pambalot sa regalo. Binuksan niya iyon at tumambad sa kanyang paningin ang isang gintong kuwintas.

"Ang ganda!" Hinaplos niya ng daliri ang kalahating pusong palawit.

"Pero bakit po kalahati lang ang puso?" Nagtataka siyang tumingin sa matanda. Mataman itong nakatitig sa kanya at bahagyang ngumiti muli.

Longing  for  InnocenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon