Chapter 6: Burning Deliciously

3.2K 283 113
                                    

Chapter 6: Burning Deliciously


Nabalot ng katahimikan ang paligid habang nanggigilalas na nakamasid sa amin ang mga magsasaka. Kahit siguro ang mga puno sa paligid ay maiilang sa nasasaksihan. Walang imik na sumunod ako kay Edward patungo sa kubong pahingahan. Naroon ang ilang mga kababaihang naghahanda ng pagkain para siguro sa kanilang mga asawang mga magsasaka habang ang maliliit na bata ay kasama ni Lia at tinuturuan sa harap ng isang munting blackboard na ipinuwesto sa isang hawan.

Edward cleared his throat and took their attention away from me. The way his thick brows furrow showed that he didn't like the way they were looking at me. Hindi ko naman sila masisisi lalo na ang ilang binatang tila may pag-asam sa mga mata. Maganda ako at alam ko iyon. Subalit sapat na ang mga tingin nila. Hanggang doon lang ang aking pinahihintulutang pagpapakita ng interes mula sa kanila.

"Si Serafina, ang aking asawa," buo ang tinig na pagpapakilala ni Edward sa akin.

Narinig ko ang pagsinghap ng ilan sa mga naroroon. Ilang hindi makapaniwalang tingin ang natuon sa aking direksyon. Isang matamis na ngiti ang aking pinamalas; may layon na kunin ang loob ng mga taong naroon. At mukha namang nagtagumpay ako dahil agad iyong sinuklian ng mga nahihiyang ngiti mula sa kanila – maliban sa dalawang taong tila hindi nagustuhan ang aking presensya sa kapehan. Nakita ko ang pagpapakawala ng malalim na hininga ni Edward at ang paghalukipkip ni Lia. Ipinagsawalang-bahala ko iyon at naupo sa kawayang papag na inalok sa akin ng mga magsasaka.

Maya-maya pa ay nagsimula nang umalis ng kubo ang mga kalalakihan at naiwan ang tatlong ginang na nalaman kong nakatalaga upang maghanda ng tanghalian ng mga naroroong magsasaka. Si Lia naman ay nanatiling kasama ng mga bata at tinuturuan ang mga ito na bumasa at sumulat. Subalit dahil sa aking pagdating ay tila nawala ang atensyon ng mga ito sa kaniya at sa nakasulat sa pisara. Kapansin-pansin ang ilang beses na paglingon ng mga ito sa bandang tagiliran kung saan nakatayo ang kubong kinaroroonan ko.

"Naku, Miss Sera. Nagigiliw wari sa inyo ang mga bata, e. Bihira laang makakita ng kasingganda niyo gawa nang minsan laang pumunta ang mga yaan ng bayan," wika ni Lily na iniabot sa akin ang isang malaking baso ng buko juice. Ininom ko iyon at mabilis na naubos dahil sa uhaw.

Isang pilyang ngiti ang sumilay sa aking mga labi. "Totoo naman na mas maganda ako kay Lia," wika ko na bahagyang iwinasiwas ang buhok patalikod dahilan upang mas lalong makuha ko ang atensyon ng mga bata.

"Bakit ho hindi niyo sila lapitan? Pihadong matutuwa ang mga yaan," komento ng isa sa mga ginang na wari'y siyang pinakamatanda sa kanila.

Hindi ko itinago ang aking pag-ismid. "Sa tingin niyo ba ay mahilig akong makipaglaro sa mga bata gayung kasinghaba ng pangil ng tigre ang mga kuko ko?" sagot ko at sinundan ng masamang sulyap sa direksyon ng mga bata na mukhang ikinatakot nila kaya't agad na ibinalik ang atensyon sa pisara.

Malungkot na umiling ang matandang babae. "Ang mga batang yaan ay sumama sa kanilang mga ama upang sana'y tumulong sa pagsaka. Sa layo ng paaralan ay mas gusto na laang nilang pumarito. Nang malaman ni Lia ay lagi na'y narito siya para turuan ang mga yaan."

Muli kong sinulyapan ang mga bata. Ang ilan ay ngumingiti pa rin sa akin sa kabila ng ginawa kong pag-irap kanina.

"Wala bang paaralan na malapit dito?" tanong ko.

"May paaralang elementarya kaya laang ay pagdating ng hayskul ay nasa bayan na ang mga paaralan. Kung walang sasakyan ay magalakad sila ng mahigit isang oras. Ang ibang nakaluluwag ay pinapatuloy na laang sa isang boarding house ang kanilang anak at lingguhan kung umuwi. Maigi na nga laang at binibigyan ng scholarship ni Sir Edward ang ilang mga pursigido talagang mag-aral. Kaya laang sa hirap ng buhay ay hindi lalagpas ng sampu ang mga yaon at mas pinipili ng karamihan na magtrabaho na at tumulong sa pamilya."

Shamelessly YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon