Chapter 33

176 1 0
                                    

LAVIÑA ANESSA GASOLINA

Mabilis akong bumaba sa sasakyan ni Mikael. Hindi ko na nagawang magpasalamat sa kanya dahil agad akong nagtungo papasok sa ospital.

Nanginginig ang buong kalamnan ko habang iniisip kung ano ang nangyari kay Mama. Ito ang unang beses na sinugod siya sa ospital. Sanay akong palagi siyang malusog at halos hindi nagkakasakit kaya nakakabahabag para sa 'kin na sinugod siya rito.

Blangko ang aking utak nang tinanong ko sa receptionist kung saan dinala si Mama. Tinungo ko ang tinuro ng nurse at agad kong nakita si Papa roon, pabalik-balik ang lakad at hindi mapakali.

"Pa!"

Sinalubong niya ako ng yakap nang makita ako.

Hindi ako makagalaw. Hagulgol ang iyak ni Papa habang humihikbi. My father never cries! At ngayong nakitang umiiyak siya, alam kong hindi basta-basta ng sitwayon ni Mama!

"Anak!" mahigpit ang yakap ni Papa sa 'kin. Naramdaman ko kaagad ang basa sa suot kong damit dahil sa kanyang mga luha.

"Papa! Ano pong nangyari? Bakit siya sinugod dito?" sinubukan kong kumalma habang pilit na pinapaharap si Papa sa 'kin.

Hinarap ako ni Papa pero ang tanging nagawa niya ay ang paulit-ulit na pag-iling. Gusto kong magmura. Namumugto ang mga mata ng aking ama at mabilis ang paghinga. Kinuyom ko ang aking kamay.

"Papa, ano pong nangyari? Sabihin niyo sa 'kin! Bakit siya sinugod dito gayong wala naman siyang sakit? Ano? Nadisgrasya ba kayo? Ano?!" hindi ko mapigilan ang paulit-ulit na batuhin ng mga tanong si Papa dahil hindi siya nagsasalita.

"A-Anak-" hikbi ni Papa.

Napapikit ako. Mahal na mahal ko ang aking mga magulang. Ayaw kong marinig ang mga hikbi ni Papa at ayaw kong makita ang agos ng kanyang mga luha.

Huminga ako ng malalim. Mabilis ang kalabog ng aking dibdib at nangingilid ang luha sa gilid ng aking mga mata.

"Papa, sabihin niyo sa 'kin kung ano ang nangyari-"

"Laviña..." sabi ng pamilyar na boses.

Napalingon ako kay Mikael at nalamang sumunod pala siya sa 'kin dito. Lumapit siya sa 'ming dalawa ni Papa.

"Lav, kumalma ka muna. Umupo muna kayo ni Tito at hintayin natin ang sasabihin ng doktor."

"Anak, pasensya ka na... Ito ang gusto ng ina mo, ayaw niyang sabihin sa 'yo-"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Na ano, Papa?!" sigaw ko. "Anong ayaw sabihin sa 'kin? Ano!"

Hinawakan ako ni Kael sa braso, pinipigilan ako sa tuluyang pagsabog. Malakas ang tambol ng aking dibdib at hindi 'to kailanman kumalma simula nung tumawag si Papa.

Ano ang ibig niyang sabihin?

"Lav, calm down, huwag mong ganyanin ang Papa mo." si Kael.

Hinawi ko ang kanyang kamay sa aking braso at sapo ang noong umupo sa nakitang upuan. Narinig kong kinakausap ni Kael si Papa. Dinamdam ko ang nararamdaman at kunot-noong inalala ang mga nangyari nung nakaraan.

Pumapayat si Mama. Pero hindi ko 'yon pinag-isipan ng masama dahil iniisip kong nagpapayat lang si Mama. Ilang beses ko rin siyang nakitang namumutla pero sinasabihan ako lagi ni Mama na ayos lang siya. At ang pinakahuli kong napansin sa kanya ay 'yong paulit-ulit niyang pag-ubo.

Mas lalong dumiin ang pagkakapikit ko sa aking mga mata. Anong nangyayari sa kanya? At bakit siya nagkaganon? Hindi ko masyadong naisip 'yon dahil lagi niyang pinapakita sa 'kin na maayos lang siya. At sinisisi ko ang sarili ko dahil sa nangyari!

Embracing The Fire | Fire Series #1Where stories live. Discover now