Leaves 3

22 5 7
                                    

Unti-unti kong minulat ang mga mata ko kasabay ng pagbangon ko. Luminga-linga ako sa paligid. Nababalot ito ng matataas na kahoy at maliwanag ang paligid. Bilog ang buwan na nagbibigay liwanag sa buong kapaligiran. Humuhuni ang mga kulisap samantalang ang mga alitaptap ay nagbibigay ganda sa paligid.

Teka! Nasaan ba ako? Saka nasaan na sila! Nasaan na 'yung mga pulis!?

"Empress! Nasaan kayo!?" Sigaw ko habang hinahanap ang punyal sa lupa. Inisa-isa kong alisin ang mga nagkalat na dahon para magbigay ng espasyo sa bagay na hinahanap ko.

Kumamot na lang ako sa ulo ng mapagtanto kong hindi ko makita ang punyal at bigla na lang itong nawala. Huminga ako ng malalim ng ilang beses. "Okay lang yan Sinag baka panaginip lang ito. Pagbilang kong tatlo pumikit ka."

Nasisiraan na yata ako ng bait pero sana ay panaginip lang ito kung hindi mahihibang talaga ako ng tunay. "One. Two. Three. Pikit!"

Pumikit ako ng mariin hanggang sumakit ang tagiliran ng mga mata ko pero gano'n pa rin ang kinalabasan. Sinipa ko ang mga tuyong dahon. Lumaki ang mga mata ko. "Teka! Bakit ako nakasaya!"

"A-ano to'?" Hinawakan ko ang dulo ng damit ko. Hindi lang ito basta saya. Nakabestida akong kulay puti. Hindi kaya... Patay na ako at na-reincarnate ako bilang white lady?

Kinagat ko ang ibabang labi ko. Nagpabalik-balik ako ng lakad at para bang may umilaw na bumbilya sa taas ng ulo. Lumuhod ako malapit sa pinakamataas na puno sa kinatatayuan ko. "Lord! Kung naririnig niyo ko patay na ba ako!?"

Sandaling tumahimik at umingay ang uwak. Sign na kaya 'yon na patay na ko? O baka... teka, hindi kaya—imbis na white lady ako, ay isa pala akong diwata?

Napakabait talaga ng Diyos sa akin. Kung sabagay ang mukhang ito pang diwata talaga. Nilaro ko ang sarili kong daliri. Nakakaantig naman ng puso. Akalain mo nga naman diwata pala ako sa kabila kong buhay.

Sa gitna ng pagiging thankful ko ay kumalam ang sikmura ko. Hinimas ko ang sarili kong tiyan. Tamang-tama kung isa akong diwata makakalikha ako ng pagkain na gusto ko. Iniikot-ikot ko ang hintuturo ko sa hangin at binigkas ang mahiwagang salita. "Eshme Fudi Manoka Kanine!"

Okay. Isa pa baka kailangan ng stick para mas effective. Napanood ko na ito sa mga fantasy movies ang mga diwata ay gumagamit ng wand para mas maging epektibo ang magic nila. Naghanap ako ng stick sa paligid at kumuha ako ng tuyong parte ng puno. Maliit lang naman ito saka bilang diwata ibabalik ko naman sa dati ang puno.

"Isa pa Sinag para sa pagkain! Kaya mo yan!" In-extend ko ang mga paa at kamay ko saka inikot ang wand ng may masuri saka binigkas ang mahiwagang salita. "Eshme Fudi Manoka Kanine!"

Ilang minuto akong nakatitig sa lupa at kumamot ng ulo. Mukhang hindi ako diwata at hindi rin ako white lady dahil hindi naman ako lumulutang. Baka naman isa akong mananggal? Ngumuso ako.

Naglakad-lakad na lamang ako. Kurbado ang aking likod dahil sa pagkagutom. Masyadong mag-ingay ang tiyan ko at nanlalambot na rin ang katawan ko. Nanghihina ang paa ko at pakiramdam ko ay unti-unti akong babagsak.

Pero pinigilan ko dahil kailangan kong makaalis sa lugar na ito. Kailangan kong maging malakas. Nakarinig ako ng kaluskos sa paligid na papalapit sa akin kaya humanap ako ng matataguan. Mabilis akong lumakad palapit sa kawayanan pero bago ko iyon magawa ay nauntog ako sa dibdib ng isang lalaki.

Halos lumuwa ang mga mata ko sa pananamit ng lalaking nasa harapan ko. May putong na kulay pula ang kanyang ulo at ang ganda ng ginto niyang dangles na nakasabit sa tenga. Nakacollarless siyang jacket na at maikli ang shorts nito na halos hanggang ibaba ng kanyang bewang. Masasabi kong napakaganda ng kabuuan niyang suot dahil sa fabric na gamit nito—mukhang abaka iyon at pinasadya ang pagkakatahi.

.

Nagkasubukan kami ng tingin. Ang mga mata niya ay pamilyar sa akin. Hindi katangusan ang kanyang ilog habang ang labi niya ay natural na kulay pula. In short, tall dark and handsome siya.

Tinitigan ko siya mula ulo hanggang paa. Siguro ay galing siya sa halloween party. Halloween party? Seryoso ka ba Sinag? Anong buwan palang ngayon? Agosto.

Okay, malamang galing siya sa children's party. "Ang ganda ng costume mo. Pinasadya mo?" Tanong ko habang tinitigan ang kabuuan ng kasuotan niya. Idagdag pang nagpahaba rin siya ng buhok na mukhang silky dahil parang kumikinang iyon ay malinaw na malaki ang tsansa na na nanalo siya party na dinaluhan niya. Mukhang supportive ang parents niya. Sigurado akong kung kasama ko si Rise ay maiinggit ang kapatid ko sa kanya.

Dahil nakakaakit ang suot niya. Binalak kong hawakan ang dulo ng putong niya pero iniwas niya iyon. Lumabi ako.

Sabagay, sa itsura niya mukha siyang suplado. Dumistansya ako ng kaunti sa kanya. "Ang damot mo naman gusto ko lang tignan kung pinasadya mo yan."

Base sa mga mata niya ay mukhang matapang siya. Nanlilisik iyon at hindi niya matanggal ang tinig sa akin. Umiigting din ang bagang niya at nakakuyom ang kamao niya.

Muling kumalam ang sikmura ko. Umakto ako. Sinapo ko ang noo ko. "Mukhang hindi ko na yata kakayanin ang gabing to'. Nahihilo ako. Saan kaya ako pwedeng kumain?" Pinagsalubong ko ang aking kilay. Tinignan ko siya sa aking peripheral vision.

Pero imbis na kaawaan ako ay umalis siya. Tinaas ko ang aking saya para mahabol siya. Sa abot ng aking makakaya ay nahabol ko naman siya. Tinusok ko ang kanyang likod ng stick. "Uy. Baka naman pwedeng makikain. Kaunting foods lang. Hehe."

Saka mukhang maraming pagkain sa kanila. Base sa suot niya saka sa ganda ng katawan niya ay may kaya sila at masarap ang pagkain. Kanina ko pang gustong kumain ng manok saka kanin at samahan pa ng ice-cream.

"Hindi mo ba ko kilala, Binibini?" Malagom ang boses niya. Umalon ang adam's apple nito.

Tinuro ko ang sarili ko. "A-ako ba?" Tumango siya at gumuhit sa kanyang mukha ang pagkainis.

"Hindi kita kilala." Hinimas ko ang aking batok."Sa totoo lang hindi ako tagarito. Hindi ko nga alam bakit ako napadpad sa lugar na ito saka itong suot ko—huwag mong pagtawanan dahil hindi ko rin alam kung bakit ako nakaganito." Sana naman makumbinsi ko siyang makikain ako sa kanila. Siguro naman kahit mukhang matigas ang personalidad niya ay malambot ang puso niya.

"Pinahihintulutan kitang kumain sa aking balay pero natitiyak kong huling sandali na iyon ng buhay mo." Matapang niyang sambit.

"Teka! Wala naman akong ginawang masama sa'yo. Saka hello! Makikikain lang. Ang damot mo naman!" Pinadyak ko ang aking paa saka kinuyom ang aking mga daliri.

"Mukhang hindi mo nga alam ang ngalan ko Binibini. Ako si Kiwo ang anak ng Datu. MAGBIGAY galang ka." Ngumisi siya saka pinagkrus ang kanyang mga braso.

Tinitigan ko siyang sandali saka humagalpak ng tawa. "Seryoso ba yan? Anong Kiwo? Anong anak ng Datu!?" Patuloy lang ako sa pagtawa habang siya ay nakatayo roon.

"Lapastangan!" Tinig ng isang babae mula sa kabilang ibayo ng kahuhuyan. Nakasuot siya ng kulay berdeng saya na may belt at kumikinang ang bato na nakasabit sa kanyang leeg.

"Anong karapatan mong gawing katatawanan ang aming Ginoo?!" Matinis ang kanyang boses at maawtoridad iyon. Lumabas ang limang grupo ng lalaki at nakasuot ng halos pareho ng lalaking sinabi niyang Ginoo pero walang nga lang mistulang jacket ang mga iyon. Napakaraming tattoo ang kanilang katawan at may tabak silang hawak.

"Dakipin niyo siya!" Utos ng babae at hinawakan ako ng dalawang lalaki sa magkabila kong braso.


Leaves On WinterTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang