CHAPTER TEN

3.5K 76 15
                                    

NAPUKAW ang pagmuni-muni niya nang kumatok ang katulong. Pinagbuksan niya ito. May dalang tray ng almusal.

"Ipinapanhik po ni Sir Luke," wika nito.

"Nasaan siya, Elena?"

"Umalis po, Ma'am."

"Sino'ng tao sa ibaba?"

"Baka po si Senyora Crisanta at si Ma'am Myleen. Ang alam ko po'y nasa library sila at nag-uusap kanina bago ako umakyat. Si Charlyn naman po'y kasama ng yaya na namamasyal sa paligid."

Tumango siya at lumabas na ang katulong. Agad niyang dinampot ang tasa ng kape at unti-unting hinigop. Hindi siya naghapunan kagabi bukod pa sa naubos na yatang lahat ni Luke ang lakas niya kagabi. Agad ang pagtaas ng mga balahibo niya sa naisip.

Pagkakain ay siya na mismo ang nagdala ng tray sa ibaba sa kusina at lumabas ng hardin. Isa-isang inalisan ng tuyong dahon ang mga halaman nang makitang sumakay si Myleen sa kotse nito. Sinundan niya ng tanaw ang papalabas na sasakyan sa garahe. Nagkibit siya ng mga balikat at pumasok sa kabahayan.

Naroon si Donya Crisanta na inabutan niyang
papanhik sa hagdan na nang makita siya'y nagbago ng isip.

"Magandang umaga-" Hindi niya naituloy ang
pagbati dahil sa galit na nasa mukha ng matanda.

"Pagkatapos ng pagtanggap na ginawa ko sa iyo'y bakit kailangang lokohin mo ako, Regina?" akusa nito sa kalituhan niya.

"A-ano po ang ibig ninyong sabihin?"

"Huwag ka nang magmaang-maangan pa! Sinabi sa akin ni Myleen ang iskandalong kinasangkutan mo sa Paris. Na hindi kayo totoong magkasintahan ng anak ko. Na magkasabwat kayo ni Luke na lokohin ako." Sunud-sunod ang paghingal nito. Kinakabahan na ang dalaga. Hindi malaman ang gagawin. "Tulad ni Evelyn, gusto mo ring lokohin ako ng anak ko. Ano itong dala ninyong magkapatid sa buhay namin? Unlike Charles, Luke is a sensible man. Ano ang ginawa mo sa kanya para gawin niya sa akin ito?"

"Pero--" Napasigaw siya nang unti-unting lumupaypay ang matanda na hawak ang dibdib. Mabilis na lumabas ang nurse at mga katulong. "Dalhin natin siya sa ospital!" prantikong utos niya.

NASA ICU ng pribadong ospital sa Tagaytay si Donya Crisanta at kasama na ang pribadong doktor nito nang dumating si Luke.

"Ano ang ginawa mo sa Mama?" galit nitong
bungad nang salubungin niya. Nag-aapoy ang mga mata at tila bakal ang pagkakahawak nito sa mga balikat niya.

"L-Luke-?"

"Sinabi ng katulong ang narinig niyang sinabi ng Mama. Ipinagtapat mo sa kanya na hindi tayo totoong magkasintahan? Bakit, Regina? Bakit?" Kung nakamamatay ang apoy sa mga mata ng binata'y nawalan na siya ng hininga. Ang galit nito'y nanunulay sa katawan niya.

"Mr. Chan," ang doktor na lumabas sa ICU.

Binitiwan siya ng binata pero ang galit sa mga
mata'y nanatili roon. Hindi siya makapaniwalang ito ang Luke na kapiling niya kagabi. Ang Luke na bumubulong ng masasarap na pakinggang mga salita.

"Pag may nangyari sa Mama'y hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa iyo, Regina!" banta nito. At mabilis na itong tumalikod.
Saka pa lang pinakawalan ni Regina ang paghinga, kasabay ng pagpatak ng mga luha. Patakbong lumabas ng ospital.

PARIS.

"C'mon, Regine, cheer up. It's not the end of the world," si Bruce sa dalagang nakatanaw sa malayo. Halos isang buwan na mula nang magbalik si Regina.

May ilang offers din ang dalaga. At kahit si Marcelliani'y tumawag nang malamang nasa Paris siya upang bigyan siya ng panibagong contract. Subalit lahat ng iyo'y tinanggihan ng dalaga.

ALL-TIME FAVORITE: Regina & LukeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon