6 ♠ Balik-tanaw

2.7K 168 76
                                    

KRISIAN EMPIRE

Beaurantes, Imperial Palace

ABALA ng umagang iyon si Prinsesa Kristine sa pagpapakain sa kanyang kabayong si Godwin sa loob ng kuwadra nang makita niyang pumasok doon ang kapatid na si Prinsipe Ranulf at kaagad ding umalis tangan ang sariling kabayo. Ni hindi man lamang siya nito napansin. Tila ukupado ang isipan nito sa pagmamadali kung saan man ito tutungo. 

Sa kagustuhang malaman ang dahilan ay hindi na siya nag-atubiling sundan ang kapatid. Sa suot nitong ordinaryong damit ay mukhang may balak itong itago ang pagkakakilanlan. Kung kaya'y kinutuban na siyang may balak itong pumuslit palabas ng palasyo. Itinatago ito ng kaharian sa publiko at hanggat maaari ay kailangang nasa loob lamang ito ng palasyo. Dahil magmula nang maibalik ito sa kanila'y naging maingat na ng husto ng emperador para sa kaligtasan nito. 

"Prinsipe Ranulf! Sandali lamang!" tawag niya sa kapatid nang makitang nakasakay na ito sa kabayo at handa ng umalis. Dagling pagtataka ang nakita niya sa mukha ng prinsipe na kaagad naman nitong itinago sa pilit na mga ngiti. 

"Oh, Prinsesa?! M-may kailangan ka ba?" takang-tanong nito. 

Madalas na magkrus ang kanilang landas sa kuwadra ng mga kabayo. Ngunit, sa pagkakataong ito'y tila kakaiba ang ikinikilos ng kapatid.

"Saan ka patutungo?" magiliw niyang tanong habang nakatingala rito.

"A-ah... May aasikasuhin lamang ako."

"Hmmm... May aasikasuhin? Saan sa loob ng palasyo ka patutungo't kailangan mo pa ng kabayo?" Alam niyang gumagamit lamang ito ng kabayo sa tuwing maglilibot sa malawak na  hardin ng palasyo para libangin ang sarili o 'di kaya'y ang mag-insayo ng pana sakay ng kabayo. Ngunit, wala sa dalawang iyon ang nabanggit nitong dahilan. 

"Hindi mo na kailangan pang malaman!" Mababakas ang pagka-irita sa boses nito. 

Napakunot-noo siya. Hindi niya inasahan ang naging reaksyon nito sa simple niyang tanong.

'Bakit kaya?'

Hindi rin nagkakalayo ang kanilang edad. Matanda lamang ito sa kanya ng isang taon kung kaya hindi niya lubos maisip kung bakit hindi sila nito magkasundo. Masyadong ilag sa kanya ang kapatid magmula nang bumalik ito sa kanila. Dalawampu't isang taong gulang pa lamang ang prinsipe. At siya nama'y dalawampu. 

"Pupuslit ka ba ng palasyo?" pambubuska niya. Iyon lamang ang tangi niyang naiisip na dahilan kung bakit kakaiba ang ikinikilos nito ng mga sandaling iyon. 

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin