12 ♥ Panliligaw?

2.4K 152 50
                                    

BRUSSIAN EMPIRE

MAAGANG nagising si Prinsesa Kristine ng sumunod na umaga. Naninibago siyang manuluyan sa ibang lugar at hindi siya niyon pinapatahimik. Ito ang unang pagkakataon na umalis siya at lumabas ng imperyo ng Kris kung kaya ibang-iba ang pakiramdam niya. Balisa rin siya at hindi mapalagay ang loob. Halos buong gabi siyang hindi nakatulog kahit pa hapo ang kanyang katawan sa mahabang paglalakbay.

Napakalambot din ng kanyang higaan ngunit hindi iyon nakatulong upang payapain ang katawan. Nanatili lamang siyang nakahiga, pabaling-baling na baka sakaling dalawin ng antok sa paraang iyon. Matagal din siyang nakatitig lamang sa mataas na kesame ng magarang silid—blangko ang isip. At sa tagal ay halos hindi na niya namalayang mag-uumaga na pala. Nang mapansin mula sa labas ng bintana ang nag-aagaw na kulay ng asul na kalangitan at madilim na kapaligiran ay nagpasya na siyang lumabas upang maglakad-lakad. 

Napakapayapang pagmasdan ng buong paligid. Mula sa mataas na hardin ng palasyo ay tanaw niya ang mga kabahayan sa bayan na halos nababalot pa sa makakapal na hamog. Pansin din niyang may mangilan-ngilan nang nagsiga ng apoy dahil sa usok na lumalabas mula sa bubong ng mga kabahayan. Marahil ay naghahanda na ang mga ito ng pagkain o nag-iinit ng tubig para sa tsaa.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata na tila ba sa paraang iyon ay maaamoy niya ang mabangong samyo ng hangin na nagmumula sa bayan. At ang pagyakap sa kanya ng malamig na simoy ng hangin ay naghahatid ng ngiti sa kanyang mga labi. Pakiwari niya'y lumilipad siya ng mga sandaling iyon at nagpapaikot-ikot sa itaas ng mga kabahayan. 

'Ha! Ha!'

Mayamaya pa'y naagaw naman ang kanyang atensyon ng mga mumunting sigaw ng bata sa 'di kalayuan. Kasabay niyon ang pagkalansing ng mga nagtatamang espada. 

Marahang napangiti si Prinsesa Kristine sa isiping may pagkakatulad din pala ang mga Brussian sa kanilang mga Krisian. Kahit pa sabihing ilag sa digmaan ang imperyo ng Brussos ay hindi pa rin sila nagpapabaya sa pagpapanatili ng lakas ng kanilang mga mandirigma. Handa pa rin ang mga ito. Patunay na ang pagsasanay maging ng mga kabataang lalaki na sa murang edad pa lamang ay hinuhubog ng maging isang magiting na mandirigma. Isang bagay na talaga namang nagpahanga sa kanya.

Ngunit, ang isiping iyon ay biglang naghatid sa kanya ng pangungulila sa kanilang imperyo.

Marahan siyang napa-iling at pilit na itinuon sa iba ang isip. Kung patuloy siyang mangungulila sa kinalakihang bayan ay baka hindi niya magawa ng maayos ang kanyang mga plano. Ang totoong pakay kung bakit siya naglalakbay sa buong Atlanta.

Nagpasya siyang maglakad-lakad pa sa ibang bahagi ng palasyo. 

Sa kabilang dako, napansin niyang halos balot sa mga naglalakihang puno ang buong kaharian ng Brussos. Hindi na iyon nakapagtataka pa dahil tanyag ang imperyong ito pagdating sa agrikultura. Hindi kagaya ng Kris na mas malaki ang bahagi ng pinag-iinsayuhan ng mga magigiting nilang mandirigma.

Sinadya niyang magtungo pa sa bahagi ng palasyo kung saan walang masyadong tao. At kung saan kitang-kita niya ang mga naglalakihan at nagtataasang mga kulay luntiang bundok. Binusog niya ang mga mata sa ganda ng mga tanawin sa paligid na abot ng kanyang tanaw. 

Tanging ang ilang mga tagapag-silbi lamang ang nakikita niyang pabalik-balik sa daan at abala na sa paghahanda ng pagkain. May ilang mga kawal ding palakad-lakad sa paligid upang magmatyag at magbantay.

Nayakap ni Prinsesa Kristine ang kanyang sarili nang biglang umihip ang isang malakas at malamig na hangin. Ngunit, hindi iyon sapat kaya kinuha niya mula sa likuran ang mahabang kapa na ibinigay sa kanya ni Prinsipe Darius nang dumating sila kahapon at iyon ang ibinalot niya sa kanyang mga braso. Hindi niya napansin na suot pa rin pala niya ito at hindi na naisipan pang tanggalin simula ng isuot nito iyon sa kanya.

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"حيث تعيش القصص. اكتشف الآن