9 ♠ Balik-tanaw IV- Bangis ng Prinsesa

2.4K 152 61
                                    

KRISIAN EMPIRE

•Pribadong Silid Ni Prinsipe Ranulf•

MALIKSI ang bawat kilos, maingat na ginagalugad ni Prinsesa Kristine ang bawat sulok ng silid ni Prinsipe Ranulf. Pilit niyang hinahanap ang anumang ibidensya na magpapatunay ng pagtatraydor nito sa imperyo. Higit sa lahat, ang lason na gagamitin nito para sa kaniyang ama.

Halos masuyod na niya ang kabuuan ng silid ngunit wala pa rin siyang makita. Sadyang maingat ito ng husto.

Mayamaya pa'y narinig na niya ang mahihinang yabag mula sa labas ng pintuan ng silid ng prinsipe. Agad niyang inayos ang sarili, maging ang mga gamit na bahagyang nagulo sa kanyang paghahanap. At dali-dali siyang nagsalin ng alak sa naroong kopita pagkuwa'y prenteng naupo sa katabing silya ng mesa. Nakaharap siya sa pintuan ng silid habang matamang naghihintay sa pagpasok nito.

Sa isiping muli silang maghaharap ay lalong tumitindi ang galit na nararamdaman niya. Parang gusto na niyang hilahin ito papasok sa loob ng silid at pagbayarin na sa lahat ng kataksilan nito sa imperyo. Ngunit pinigil niya ang sarili. Hinintay niya itong tuluyang makapasok sa loob ng silid nito at minabuting doon na lamang niya ito kumprontahin.

Sandaling natigilan ang lalaki nang mabungaran siyang nakaupo sa silyang naroon habang marahang umiinom ng alak sa kopita.

"Ano'ng ginagawa mo rito sa loob ng aking silid, Prinsesa?" galit at may bahid ng pagkagulat na tanong nito.

"Tila yata... Hindi mo ako gustong makita sa loob ng iyong silid, Kapatid?" may halong tampo sa boses na balik-tanong niya rito.

"Ah, h-hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Nagulat lamang ako. Hindi ko inasahang makikita kita rito ng walang pasabi sa akin," kalmadong paliwanag nito. Ngunit nakapako pa rin ang mga paa sa bungad ng pintuan ng silid. Tila nakikiramdam pa ito sa tensyong bumabalot sa paligid.

"Ah, paumanhin sa aking kapangahasang pumasok dito ng walang paalam. Labis lamang akong nasabik na pumuslit dito nang makitang walang kawal sa tapat ng iyong silid noong mapadaan ako. Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Ang makausap ka ng sarilinan bilang kapatid. Kay tagal mong nawalay sa amin at simula nang magbalik ka, ni hindi man lang tayo nakakapag-usap," mahaba niyang paliwanag.

"Naiintindihan ko, Prinsesa," sagot ng lalaki. Bahagya rin nitong sinulyapan ang dalawang kawal na nagbabantay sa labas ng silid. Ito pa rin ang dating mga kawal na nakatokang magbantay sa silid nito buong maghapon. Mahigpit din nitong bilin sa mga kawal na hindi nila maaaring iwanan ang puwesto, at makipagpalitan sa karelyebo nang wala ang pahintulot nito.

Pagkuwa'y inilapag nito ang espada sa may estante sa gilid ng pinto.

Doon pa lamang ay basa na ni Prinsesa Kristine ang pagdududa sa mga mata ng prinsipe. Gaano man kapangit ang naisip niyang palusot ay handa na siya sa anumang magiging reaksyon nito. Kaya naman ng mga sandaling iyon ay wala siyang nararamdamang kaba o takot.

Tumayo siya at nagsalin ng alak sa dalawang kopitang nasa harapan niya, "Halika, uminom tayo!" Pagkuwa'y ini-abot niya rito ang isa.

"Magbigay pugay tayo para sa iyong pagbabalik!" saad muli ni Prinsesa Kristine nang manatiling tahimik ang lalaki. Itinaas pa niya sa ere ang hawak na kopita at pagkatapos ay sinimsim ang laman niyon.

Mahigit dalawang taon na nilang kasama ang impostor dito sa palasyo. Ngunit ngayon lamang talaga siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ito ng sarilinan. Mailap ito sa kanya at ngayon lang niya lubos na naintindihan kung bakit. Dahil hindi talaga ito ang kanyang kapatid. At alam nitong pagpapanggap lamang ang lahat.

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Where stories live. Discover now