7 ♠ Balik-tanaw II - Bayan ng Musang

2.4K 175 98
                                    

Palasyo, Pribadong Silid ng Prinsesa•

"ANO pa ang itinatanga-tanga mo riyan? Hindi ba't sinabi kong kumuha ka pa ng mga aklat? Bilisan mo na!" pagalit ni Prinsesa Kristine sa kanyang tagapag-silbing si Lilla habang pinandidilatan ito ng mga mata. 

"E, Prinsesa... Iyan na po talaga lahat," mangiyak-ngiyak na katwiran ng tagapag-silbi. Nanlalata na rin ito gawa ng pagod sa pabalik-balik na pagkuha ng mga aklat sa silid aklatan ng palasyo na halos isang kilometro rin ang layo mula sa kanyang silid

Ilang dosena na ng mga aklat ang nakatambak sa mesa ni Prinsesa Kristine at halos makalahati na niya ang mga iyon ngunit hindi pa rin makita ang hinahanap. 

"Nakatitiyak ka bang wala na?" 

"Opo..."

"Kung gayo'y magtungo ka sa patahian ng palasyo. Sabihin mo sa pinunong namamahala roon na kailangan ko ang lahat ng aklat na mayroon sila. Ngayon na!" Muli niyang utos nang hindi man lang sinusulyapan ang nakasimangot na tagapag-silbi. Ang buong atensyon niya'y nakatuon sa librong hawak at sinusuring maigi ang mga nakaguhit na larawan ng iba't ibang kasuotan

"Masusunod po..." Mabigat ang mga paang talima nito sa utos niya. Ngunit, bago pa man ito makalabas ng silid ay muli niya itong tinawag

"Ay! Papuntahin mo na rin dito ang punong tagapamahala."

"Masusunod po."

"At huwag mong kaliligtaan ang mga aklat!" muli niyang paalala

"Opo..." Nagkakandahaba na ang nguso ng tagapag-silbi sa paulit-ulit niyang pagtawag.

MAKALIPAS ang ilang sandali ay nariyan na nga ang naka-unipormeng may katandaang lalaki na siyang punong tagapamahala ng patahian ng palasyo. Nakasunod naman sa likuran nito ang tagapag-silbing si Lilla dala ang ilang mga aklat na kailangan ng prinsesa. 

"Pagbati sa Mahal na Prinsesa!" malakas na saad ng matanda pagtapat pa lamang nito sa nakabukas na pintuan ng kanyang silid. Bahagya rin itong yumukod bilang tanda ng paggalang

"Oh!" Mabilis niyang ikinumpas ang isang kamay bilang hudyat na tumayo na ito ng tuwid, "Halika!" 

"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Mahal na Prinsesa?" magalang nitong tanong. Ngunit, hindi maitatago ang pagkabalisa sa mukha at kilos ng matandang opisyal. Magkasalikop pa ang dalawang palad nito na nagpapakita ng kaba. Gayun pa ma'y nakasunod ang matatalas nitong mata sa mga aklat na inilapag ng tapag-silbi sa harapan ni Kristine. 

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon