17 ♠ Pamamaalam Sa Brussos

2.1K 109 43
                                    


ILOG DANUM

PILIT NA INAANINAG ni Prinsesa Kristine ang daang tinatahak sa kalaliman ng gabi. Pinangungunahan man ng kanyang kabalyero ang daan ay hirap pa rin siya dahil wala silang dalang sulo. Mabuti na lamang kahit papaano ay kabilugan ng buwan at malaking tulong iyon upang magbigay liwanag sa daan. Hindi man sapat ngunit malaking tulong na rin. 

Sa paligid ay tanging huni na lamang ng mga mumunting kuliglig at ligaw na ibon ang tangi nilang naririnig. Ang mahinang lagaslas ng tubig mula sa ilog sa 'di kalayuan ay nagpapahiwatig na malapit na sila. Idagdag pa ang malamig na simoy ng hanging galing sa ilog na tila yumayakap sa kanila.

Sabik na siyang makita ang tiyuhin at kitang-kita iyon sa 'di mapagkit na ngiti sa kanyang mga labi. 

Matapos ang ilan pang sandali ay naaninag na niya ang tiyuhin na noo'y nakatayo sa may tabi ng ilog. Batid niyang nakita na siya nito na paparating dahil nakatingin ito sa gawi nila. Kaya lalo pa siyang nagmadali.

"Tiyo!" Dali-dali siyang tumakbo palapit dito at niyakap ito nang mahigpit.

"Prinsesa Kristine!" gumanti ng yakap ang matanda. Bakas din ang pananabik nito, "Kumusta ka na?"

"Mabuti naman po ako, Tiyo. Kayo po? Ang mahal na emperatris at ang mahal na e-emperador?" pangungumusta niya. Kahit paano naman ay nangungulila pa rin siya sa mga magulang.

"Ayos lamang kami. Wala kang dapat na ipag-alala, Mahal na Prinsesa," tugon nito. 

"Ngunit, bakit po pala kayo biglaang naparito?"

Noon niya nakitang nagseryoso ang mukha ng tiyuhin. Tila bigla siyang natakot sa isasagot nito kaya muli siyang nagsalita. "Tiyo, may maganda nga po pala akong ibabalita sa inyo! Alam niyo po ba? Ang apat na prinsipe ng Brussos ay pawang mga kinupkop lamang ng butihing emperador! Sa tingin niyo po kaya, pareho tayo ng iniisip? Marahil ay isa sa kanila ang nawawala kong kapatid. Maaaring si Prinsipe Ivan, dahil isa siyang makata, matapang, matipuno, at mukhang hindi nalalayo ang kanyang edad kay Prinsipe Ranulf. Magaling din siyang makipaglaban at siya ang namumuno ng hukbong sandatahang mandirigma ng palasyo. O 'di kaya naman ay si Prinsipe Darius. Ang prinsipeng iyon ay—" 

"Prinsesa!" bulyaw ng Punong Ministro kaya bigla siyang natigilan. "Walang sapat na batayan ang mga sinasabi mong iyan. Lahat ng prinsipe mula sa iba't ibang kaharian ay kailangan at marapat lamang na taglayin ang mga ganyang katangian! Walang katuturan ang iyong mga paghihinala. Pinapaasa mo lamang ang iyong sarili. Sa huli, ikaw rin ang masasaktan."

Biglang gumuhit ang lungkot sa mukha ni Prinsesa Kristine nang marinig ang mga sinabi ng tiyuhin. "Ngunit, Tiyo... Malaki ang posibilidad na isa sa kanila ang aking kapatid. Malakas ang hinuha ko na buhay pa si Prinsipe Ranulf at isa siya sa mga prinsipe ng Brussos!"

"Maaari ngang tama ka, Mahal na Prinsesa. Ngunit kailangan natin ng sapat na katibayan at panahon. Hindi tamang basta ka na lamang maghihinala sa kung kani-kanino," mahinahon na paliwanag ni Alejandro. 

"Kaya nga ho ako nagtagal pa ng ilang araw dito para malaman ko ang totoo, Tiyo," giit niya, "Dapat na akong kumilos dahil kung tama ang aking hinala ay maaari na uli akong humarap kay Ama nang taas noo!"

"Ngunit hindi pa ito ang tamang panahon. Mapapahamak kang muli kapag nagpadalos-dalos ka," anito. "Hindi ka pa ba nadala sa kaparusahang ito ng iyong ama?"

Krisian Princess "The Battle of Four Empires"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon