II. Of those that speak of train rides and power lines

403 25 29
                                    

══════════════════

Para sa bayang kay hirap lisanin.

Para sa mga kalaro sa eskinitang hindi na muling nasilayan.

"If I saw your face for a second time,
I'd be afraid."
The Ridleys on their song,
SUMMERTOWN

══════════════════

Entry II.
ANG KUWENTO NG TREN SA DULO NG BARRIO CIENTO SISENTA

Sabi ni Papa, may tren sa dulo ng Barrio Ciento Sisenta. Abandonado. Madilim. Kumukurap-kurap pa ang natitirang ilaw sa gitna. Miski sina Macko, ayaw puntahan—paano ba naman e si Mang Romy, nananakot! Tuwing sumasapit daw ang alas tres ng madaling araw, may kalansing daw ng tila kadenang kumikiskis sa lapag at ugong ng patay na buwayang kinakaladkad sa kalsada. Hanep 'ka ko. Paano magkakaroon ng buwaya rito sa siyudad? Hindi naman 'yun totoo! Ni ahas e mukhang mapeperwisyo sa ingay nina Mang Romy tuwing naglalaro ng Tongits sa labas ng eskinita. Kung ako 'yung buwaya, talagang iiwasan ko itong barrio!

Aywan ko ba kay Macko at naduduwag. Hindi talaga ako mapakali. Dalawang araw na lang ang walang ekis sa kalendaryo. Sa makalawa, malululong na naman ako sa mga libro. Paano na 'yung tren? Wala na akong panahong isipin 'yun!

"Kuya Ado! Saan baybay mo?"

Si Markie iyon, boses pa lang. Nakababatang kapatid ni Macko. Hindi ko sigurado ang edad nito; ang huling alaala ko pa kasi sa kan'ya e 'yung nasa simbahan kami ng Sto. Domingo. Ninong si Papa. Iyak nang iyak si 'Kie sa dami ng tao. Tapos taga-paypay ako ni Macko kasi muntikan nang himatayin ang loko! Binyag ng bunso nilang kapatid na si Mariel tapos nag-puyat kalalaro ng Tekken doon sa bagong tayong palaruan sa Aliw Complex. Kita mo talaga ang panahon, ang bilis kumupas.

"Diyan lang sa kanto, 'Kie. Sama ka?"

"'Ge, Kuya! Bili mo 'ko Alibaba?"

Hanep talaga ang lahi ng mga Morgan. "Basta limang piso lang, a? Wala nang baon si Kuya Ado sa makalawa."

Ngumiwi pa ang bata. "Ows. Sabi ni Kuya 'Koy, yaman ka! Gusto mo raw maging doktor!"

"Loko-loko Kuya 'Koy mo! Wala na nga akong pera, e!" Natatawa kong nilabas ang pitaka kong isang pitik na lang yata ay bibigay na. "Bente lang baon ni Kuya Ado! Pamasahe pa saka tanghalian 'yan. Sabihan mo sa Kuya 'Koy na ibalik sa Lunes 'yung utang niyang pipti, a'!"

Humagalpak sa tawa si 'Kie. "Wala! Hindi na 'yun magpapakita sa'yo!"

Pitik sa tainga ang inabot niya sa akin. Mahina lang naman. "Subukan niya lang talaga!"

Aba'y siguro mababaw nga lang ang kaligayahan ng mga kabataan. Tuwang-tuwa si 'Kie sa limang sachet ng Alibaba! Talaga 'tong si Macko, hindi bilhan ang kapatid. Puro lakwatsa sa perya, hindi ko na nakita, a! Noong isang araw ko pa inaabangan sa eskinita, walang paramdam! Natakot yata talaga kay Mang Romy—'yun talaga, o.

"Dito ka pa rin hanggang hayskul, Kuya?"

"Kapag hindi pinalad."

"Ows. Aalis ka rin, e!"

Nasamid ako sa iniinom kong Sprite. "Hindi pa sigurado, 'Kie! Pero basta hanggang sa pagtungtong namin ni Kuya 'Koy mo nang grade six, dito ako."

How Would You Speak of Love When Language Dies? (Volume I)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora